Kompensasyon sa kalamidad, giit ng magsasaka

Sa taya ng Department of Agriculture, pumalo sa P10.35 bilyon ang pinsala na idinulot ng nagdaang mga bagyo mula Kristine hanggang Pepito, ngunit wala pa ring tulong ang gobyerno sa mga nasalantang magbubukid.

Matapos ang pananalasa ng sunod-sunod na bagyo, sama-samang nanawagan ang mga magsasaka at mangingisda mula sa iba’t ibang probinsiya sa tapat ng Department of Agriculture (DA) sa Quezon City nitong Nob. 20 para sa kagyat na pamamahagi ng tulong at subsidiyo.

Sa taya ng DA, pumalo sa P10.35 bilyon ang pinsala na idinulot ng nagdaang mga bagyo mula Kristine hanggang Pepito.

“Responsibilidad ng gobyerno na magbigay ng kagyat na kompensasyon dahil hindi lamang ito usapin ng kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda kundi usapin ng seguridad sa pagkain ng bansa,” sabi ni Amihan National Federation of Peasant Women secretary general at Gabriela Women’s Party second nominee Cathy Estavillo.

Dagdag pa ni Estavillo, napatunayan lang na palpak ang pamamalakad ng administrasyon Marcos Jr. pagdating sa disaster risk and reduction management dahil sa naiwang pinsala ng mga bagyo.

Nakiisa rin sa protesta ang ilang magsasaka mula sa lalawigan ng Laguna. Ayon sa kanila, nagiging hadlang sa kanilang kabuhayan ang patuloy na pagtaas ng tubig sa Laguna de Bay.

“Siyempre po ‘pag tumataas ‘yong tubig, hindi na namin matataniman. Isa pa po naming problema ay may mga bumibili ng mga lupa tas ginagawang subdivision, ano naman pong laban naming mga maliliit na magsasaka?” sabi ni Lucy Cortez, magsasaka mula sa Laguna. 

Binigyang-diin din ni Estavillo na dapat tuldukan ng gobyerno ang mga patakaran at proyektong nakasasama sa lokal na produksiyon ng pagkain tulad ng importasyon at land-use conversion na mas nakikinabang ang malalaking negosyo kaysa sa mga mamamayang nasa agrikultura ang kabuhayan.