Uncategorized

Ang ibig sabihin ng hip hop dancing ayon sa All Style Division


Hibang na hibang ang mga kabataan, hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo, sa kasibulan ng tinatawag na hip hop dancing o ang sayaw ng mga modernong tin-edyer o higit pa. Kilala rin ang estilo ng sayaw na ito sa break dance o street dance o maging strut. At dahil makabago ito sa kabataan, […]

All Style Division (http://www.rotterdam.nl)

Hibang na hibang ang mga kabataan, hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo, sa kasibulan ng tinatawag na hip hop dancing o ang sayaw ng mga modernong tin-edyer o higit pa.

Kilala rin ang estilo ng sayaw na ito sa break dance o street dance o maging strut.

At dahil makabago ito sa kabataan, usung-uso ito at sikat na sikat.

Isang penomenong panlipunan ang hip hop dahil madalas na inihahanay ito sa rebelyon at pagbalikwas sa tradisyon ng mga sayaw ng nagdaan.

***

Maraming binubuong grupo sa Pilipinas na pawang hip hop at tunay na nakakaaliw kundi man nakakabaliw ang pagpapasirku-sirko ng mga mananayaw.

At mananatiling malaking impluwensiya sa sayaw na ito ang Kanluran.

Kaya nga nang dumating sa bansa kamakailan ang samahang All Style Division, isang pangkat ng mga multicultural na mga hip hop dancers mula sa Holland.

Hindi lang nga mga purong Dutch ang mga miyembro nito kundi pinaghalu-halo nang tao sa mundo.

***

Walo ang orihinal na kasapi ng All Style Division na siyang nagwagi ng Unang Gantimpala sa kauna-unahang Mars World Championship Street Dance na ginanap sa The Netherlands noong 2008.

Pero ang nakarating lang sa Pilipinas ay anim at sila ay sina Sabina na isang Yugoslav pero siyempre’y berdadero nang Dutchwoman; JB, isang Filipino-Indonesian; Noah, Fil-Dutch; Any Huber, isang Indonesian-Ducth; Rolllegs na Turk at Msutafa na isa ring Turkish.

***

Nagtanghal ang grupo kasama ang Callalily Band sa Savemore sa Morong, Rizal kamakailan at bukod sa pagtili ng mga tagahanga sa grupo ni Kean Cipriano, pinalakpakan din at hinangaan ang All Style Division dahil sa orihinalidad at inobasyon ng mga mananayaw na ito sa pamamaraan ng hip hop.

Naging mapagmatyag ang bawat isang All Style Division lalo na sa mga estilo ng mga Filipinong hip hopper.

Ayon kay Rolllegs, may potensyal na makilala sa buong mundo ang mga Filipino hip hop dancers pero kailangang matutong pag-aralan na mapaiba at maging eksperimental.

“I’ve noticed that most of the Filipino hip hop is pure jumping and lifting. It should be more than that. It should have some sense of freshness of ideas and execution,” pahayag ni Rolllegs na bilib na bilib sa mga Pilipinong mananayaw.

“I also notice that Filipino dancers are fond of somersaulting. Hip hop isn’t as simple as that. Hip hop should have a story to tell,” pagdidiin ni Noah na anak ng Filipinang si Arlene Santiago na nakapangasawa ng isang purong Dutch, si Herke Smidstra—kaya si Arlene ay Arlene Santiago-Smidstra.

***

“Hip hop is love, peace, unity and having fun. That is the objective of the dance,” pahayag ni Andy na siyang choreographer ng grupo at malapit nang magkaroon ng kanyang sariling dance studio sa Holland.

Kaya nga nakikiusap sina Rolllegs, Noah at Andy na lagyan ng makataong dimensyon at depinisyon ang hip hop at hindi lang pagtalun-talon o pagwawasiwas ng katawan sa ere ang dapat mangyari kundi mas matindi pa sa mga pagkilos at pag-indak na ito.

Nang matapos ang pagtatanghal ng All Style Division ay ang daming mga lokal na kabataang hip hopper ang nakipag-usap sa kanila at kumilala sa mga katangian ng mga dayuhang ito.

May kredensiyal na nga naman ang mga mananayaw na ito at maraming mapupulot nab ago at kaiba ang mga Pinoy na hip hopper sa mga dalubhasa at bihasang mga break dancer na ito.

***

Tumulong ang All Style Division sa paglilikom ng pundo para sa Bahay Aurora, ang bahay-ampunan na itinatag ng mag-asawang Arlene at Herke noong 1992 sa Holland pero inimporta nila sa Pilipinas pagkaraan ng isang taon at hanggang ngayon ay matatag pa rin ang pundasyon ng foundation.

May apat na limang paslit ang nakaistar ngayon sa Bahay Aurora sa Baras, Rizal.

Sa pamamagitan ng pagpupursigi ng mga Smidstra na makapagtaguyod sa mga ulila at nawawalay sa pamilyang mga kabataan, bale-wala kay Arlene na manghingi at makiusap sa mga donasyon at tulong para sa kanyang mga alaga.

Pabalik-balik na lang sa Holland si Arlene at si Herke para sa pagpapalakad ng kanilang institusyon.

Kaya nga malaki ang papel na ginagampanan ng All Style Division sa pagpapaimbulog ng sining ng sayaw na hip hop sa pagtataguyod sa mga kabataang walang tirahan dahil naisasakatuparan sa sayaw ang pagmamahal sa kapwa, kapayapaan, pagkakaisa at katuwaan na siyang diwa ng Bahay Aurora.