Mainit pa rin ang laban sa demolisyon sa San Juan

May 25, 2011

Mga residente ng Brgy. Corazon de Jesus sa San Juan na nagdedepensa ng kanilang mga tahanan laban sa demolisyon (Macky Macaspac)

“Hoy, huwag kayong maingay, hindi naman kayo taga-rito!” sigaw ni Col. Tomas Arcallana sa mga kabataang tuluy-tuloy ang chanting sa unahan ng barikadang itinirik dalawang araw na ang nakakaraan.

Isang kabataan, miyembro ng Anakbayan, ang buong tapang na sumagot sa ground commander ng pulisya. “Ako, taga-rito ako. Demolisyon, demolisyon!”

“Tutulan, labanan, huwag pahintulutan!” sigaw naman ng mga kabataang lalong lumakas ang chanting.

Noong Lunes ng hapon, tinanggal na ng pulisya ang nasabing barikada–at kasamang tinangay ang mga flag, banner, at maging ang gitara–ng mga nagbabantay rito, matapos ang ilang minutong komprontasyon kung saan mangilan-ngilang bato rin ang napakawalan. Ngunit muling itinayo ng mga residente ang barikada, at noong Martes ng umaga, hindi na madaanan ang P. Narciso St., Brgy. Corazon de Jesus sa San Juan.

Negosasyon hinggil sa barikda, sa pagitan ng pulisya sa pangunguna ni Col. Tomas Arcallana (gitna), at Alvin Repique, presidente ng Sandigang Maralitang Nagkakaisa (Macky Macaspac)

Pansamantalang ibinubuka ang barikada para palusutin ang mga residenteng pinili nang lisanin ang lugar at lumipat sa Montalban, Rizal. Ayon kay San Juan Mayor Guia Gomez, may 299 na pamilya ang pumayag magpa-relocate, at 68 na lamang ang natitirang makikipaglaban. Ngunit pinabubulaanan ito ng Sandigang Maralitang Nagkaisa (Samana).

Sa isang liham ng grupo kay Gomez noong Mayo 20, tinaguriang dedlayn para sa boluntaryong relokasyon, sinabi nitong “mayorya ng bilang ng mga residente ng CDJ ay nananatiling lumalaban at naninindigang hindi makaturungan ang isinasagawang demolisyon.” Kalakip ng liham ang pirma ng 150 na residente, na ayon sa tagapangulo ng Samana na si Alvin Repique, ay posibleng isinama sa listahan ni Gomez na hanggang ngayon ay hindi pa rin naipapakita sa kanila.

Kung papasukin ang 1.6-ektaryang komunidad, ilang bahay na rin ang bakante. O, hindi na nga maituturing na bahay dahil binakbak na ang mga pader, tinuklap na ang mga kisame, kinahoy na ang mga pinto’t bintana. Hindi madaling isuko ang laban, at lalo na ang aminin ito. Isang lalaki ang pumayag na akyatin namin ang ikalawang palapag ng kanyang bahay na boluntaryong dinemolis. Wala na itong pader, kaya natural na matutukan ng kamera ang katabing bahay na unti-unti na ring hinuhubaran. Nakita ng may-ari ng bahay ang kamera, at nagbanta. “Get the hell out of here!” sigaw niya, tila wala na sa sarili.

Tinatayang nasa 150 pa ang mga pamilyang naninindigan sa kanilang karapatan sa lupa (Darius Galang)

May mga pamilyang boluntaryo nang idinemolis ang kanilang mga kabahayan simula noong Lunes. Mga aparador, mattress, litrato ng mga mahal sa buhay, electric fan, at iba pang mga kagamitan ang hinakot sa mga trak ng National Housing Authority (NHA). DO NOT DELAY, ayon sa sticker sa trak ng NHA. Ngunit hindi nagmamadali ang marami pang mga residente na nagpasyang manatili para ipagtanggol ang pinaniniwalaan nilang karapatan sa lupa.

Noong administrasyon nina Corazon Aquino at Gloria Arroyo, ipinagkaloob na sa kanila ang lupa sa pamamagitan ng dalawang executive order (164 at 54). Ngunit dahil may bagong City Hall na itinatayo ang lokal na gobyerno, nais balewalain ni Gomez at pamilya ni dating pangulong Joseph Estrada ang nasabing mga kautusan. Nananawagan ang mga residente ng on-site development (pagpapaunlad sa kanilang komunidad) o in-city relocation (relokasyon sa loob lamang din ng siyudad), mga opsyon na umano’y mas makatuwiran at makatao kaysa pagtataboy sa malalayong relocation sites.

“Kamatayan ang katumbas ng pag-relocate sa Montalban,” ayon kay Liza Fariscal, miyembro ng Samana na may 50 taon nang naninirahan sa Brgy. Corazon de Jesus. “Alam namin na walang kabuhayan doon. Substandard ang mga bahay, walang tubig na malinis, at ang kuryente ay generator na ilang oras lang binubuksan.”

Sorpresang bumisita ang dating pangulo noong Lunes para amuhin ang naghihimutok na mga residente. (Panoorin ang bidyo) Pero nang mag-chant ang mga kabataan, biglang uminit ang ulo ni Estrada. Ang salitang matatamis, naging mabangis at ipinukol kay Andrew Zarate, tagapagsalita ng Anakbayan-National Capital Region. “Sinugod niya ako, dinuro-duro, tinatanong kung taga-rito ako. Pinapaaresto niya ako sa dalawang pulis na kasama niya,” kuwento ni Zarate.

Panawagan ng mga residente: on-site development at in-city relocation (Ilang-Ilang Quijano)

Agad naman siyang dinepensahan ng mga residente. ” Sa totoo lang, hindi ang mga taga-labas ang nanggugulo sa amin. Ang pamilya Estrada ang nanggugulo sa amin!” sabi pa ni Fariscal.

Matapos ipangako ni Col. Arcallana na “walang demolisyon” noong Martes, isang press conference ang ipinatawag sa barikada. Nagtipun-tipon ang natitirang mga residente, maging ang kalalakihang maghapong pumosisyon sa pinakamatataas na kabahayan para magsilbing mga mata ng depensa. Bitbit nila ang mga plakard na repleksiyon ng iba’t ibang saloobin, mula pagsaltik sa ‘tuwid na daan’ ni Pangulong Aquino hanggang paghikayat sa pulisya na ‘maglingkod sa bayan, huwag sa dayuhan,’ hinggil sa iisang panawagan: itigil ang demolisyon.

Ipagpapatuloy ng Samana ang barikada, kasama ang progresibong mga organisasyon gaya ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap, Anakbayan, Gabriela, at Bagong Alyansang Makabayan-NCR. Totoong naging matagumpay din ang barikada dahil sa tulong nilang mga ‘taga-labas’. Kabilang na rito ang pinapalayas din na mga maralita ng Sitio San Roque sa North Triangle, Quezon City, na hindi naman nakitang ‘nanggugulo’ (gaya ng paratang ni Estrada), kundi tahimik pa ngang binabantayan ang kabilang lagusan ng P. Narciso St. na walang tangan kundi ang kanilang mga flag.

Panununog ng imahe ni Pangulong Aquino (Macky Macaspac)

Madilim na ang langit nang sinunog ng mga residente ang isang sulat mula sa Malakanyang na inabot sa kanila noong araw ding iyon. Matagal nilang hinintay ang tugon sa hinihiling nilang ‘presidential intercession’. Ngunit ang nilalaman lamang ng sulat ay ang payo na dumulog sa Presidential Commission on Urban Poor, na may opisina sa Quezon City at nakatitiyak silang walang gagawin o magagawa.

Nagsimula nang pumatak ang ulan nang sinindihan ng mga residente ang imahe ni Pangulong Aquino, binansagang INUTIL, na nakapinta sa kapirasong plywood. Akala ng mga taga-midya na mahihirapan itong sunugin, sapagkat nababasa na at hindi pinaliguan ng gasolina. Ngunit masigla ang lundag ng apoy; mainit pa rin ang laban.

Ulat ni Ilang-Ilang D. Quijano l Larawan nina Macky Macaspac, Darius Galang at Ilang-Ilang D. Quijano

Please follow and like us:
Facebook0
Facebook
YouTube0
YouTube
Google+196
Google+
http://pinoyweekly.org/new/2011/05/barikada-na-pansamantalang-pumigil-sa-demolisyon-sa-san-juan/
Instagram0
Follow by Email
RSS