Ikatlong taon ng pagkamatay ni Ka Bel, ginunita ng protesta para sa dagdag-sahod

Sa porma ng protesta para sa makabuluhang dagdag-sahod pinakamakabuluhang ginunita ng mga manggagawa ng Kilusang Mayo Uno ang alaala ng dakilang lider-obrero na si Crispin “Ka Bel” Beltran.

Si Manila Mayor Alfredo Lim (kaliwa), binabati si Osang Beltran, biyuda ng yumaong lider-obrero na si Crispin "Ka Bel" Beltran, sa harapan ng marker ni Ka Bel sa Plaza Miranda, Quiapo, Manila. (Macky Macaspac)
Si Manila Mayor Alfredo Lim (kaliwa), binabati si Osang Beltran, biyuda ng yumaong lider-obrero na si Crispin "Ka Bel" Beltran, sa harapan ng marker ni Ka Bel sa Plaza Miranda, Quiapo, Manila. (Macky Macaspac)

Protesta para sa makabuluhang dagdag-sahod ang pangunahing pamamaraan ng paggunita ng mga kaanak, manggagawa at iba’t ibang sektor sa ikatlong taon ng pagkamatay ng dakilang lider-manggagawa na si Crispin “Ka Bel” Beltran noong Mayo 20.

“Sa puso at isipan ng mga manggagawa at sambayanang Pilipino na nakikibaka para sa makabuluhang dagdag-sahod, sa karapatan ng mga manggagawa at tunay na panlipunang pagbabago, nananatiling buhay si Ka Bel,” pahayag ng Kilusang Mayo Uno (KMU).

Mahigit 400 katao ang nagmartsa mula sa kanto ng Recto Avenue at Quezon Boulevard patungong Mendiola Bridge para ipagpatuloy ang panawagan para sa P125 dagdag-sahod para sa mga manggagawa sa pampublikong sektor at P6,000 dagdag-suweldo para sa mga kawani ng gobyerno.

Kinondena rin ng KMU ang Malakanyang sa pag-apruba sa P22 dagdag sa cost of living allowance (COLA) na ayon sa KMU ay labis na kakarampot at walang masyadong maitutulong sa kabila ng walang-tigil na pagtaas ng presyo ng batayang mga bilihin.

“Sa pag-apruba sa P22 COLA…hindi lamang ipinagpapatuloy ni Noynoy (Aquino) ang polisiya ng mga nauna sa kanya na pagpigil sa sahod ng mga manggagawa, ipinagpapatuloy niya ang mga polisiyang neoliberal sa ekonomiya,” paliwanag ni Roger Soluta, pangkalahatang kalihim ng KMU.

Pinagbabato ng mga manggagawa ang gate ng Mendiola ng itim at pulang pintura, at sinunog ang isang effigy na sumisimbolo sa regional wage boards na sinasangkalan ng mga nakaraan at kasalukuyang administrasyon para baratin ang sahod ng mga manggagawa.

“Ang batayang neoliberal na ideya ay hayaang magkamal ng papalaking tubo ang malalaking kapitalista sa pamamagitan ng pagbarat sa sahod ng mga manggagawa at pagmantine sa napakababang antas ng sahod,” paliwanag ni Soluta.

Sa galit ng mga manggagawa sa "kakarampot" na P22 COLA na binigay ng administrasyong Aquino, pinagbabato nila ang Mendiola Peace Arch. (Macky Macaspac)
Sa galit ng mga manggagawa sa "kakarampot" na P22 COLA na binigay ng administrasyong Aquino, pinagbabato nila ang Mendiola Peace Arch. (Macky Macaspac)

Sinabi pa ng lider-obrero na malinaw na nasa balangkas ng neoliberal na polisiya ang P22 COLA.

Sa kanyang talumpati sa Mendiola, sinabi naman ni Roy Velez, pangkalahatang kalihim ng KMU sa National Capitol Region, na pagpupugay sa alaala ng dakilang lider-obrero na si Beltran ang patuloy na paglaban para sa karapatan ng mga manggagawa.

Pinangunahain ni Beltran ang pagpanukala ng P125 across-the-board wage increase sa ika-11 Kongreso noong 1998. Nang mahalal siya sa Kamara bilang kinatawan ng mga partidong Bayan Muna noong 2001 at Anakpawis noong 2004, muli niyang ipinanukala sa mga sumunod na pagbubukas ng Kongreso hanggang sa kanyang kamatayan noong 2008.

Nanguna rin si Beltran sa di-mabilang na mga pakikibaka ng mga manggagawa at mga mamamayan para sa iba’t ibang isyu.

“Inspirasyon si Ka Bel sa ating lahat, kaya hindi siya mamamatay sa ating puso at isipan. Ipinakita niya kung ano ang tunay na lider at lingkod bayan ng mga manggagawa at sambayanan, lagi natin siyang pagpugayan at sikaping matuto sa kanya,” ani Soluta.

Idinagdag pa ni Soluta na inilantad ng pagkamatay ni Beltran ang pagkakaiba niya sa dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. “Tapat si Ka Bel, si Gloria sobrang korap,” aniya.

Sa kanyang mensahe sa Plaza Miranda, binigyan ng pagpupugay ni Mayor Alfredo ang yumaong lider manggagawa. Binalikan ng Mayor ang pangyayari sa araw ng pagkamatay ni Beltran, na nahulog mula sa bubong ng kanyang kinukumpuning lumang bahay. Ayon kay Lim, ang pangyayari ay nagpapatunay na hindi nagsamantala sa bayan ang lider-manggagawa.

“Si Ka Bel lamang ang lider-manggagawa na hinangaan ko,” pahayag ni Lim.

“Magiliw at isang prinsipyadong champion si Ka Bel sa pagsusulong nang karapatan at kagalingan ng mga manggagawa. Naniniwala ako na tungkulin namin sa Kongreso ang ipagpatuloy ang kanyang adhikain at gawin ang nararapat para sa kagyat na pagpasa ng P125 across the board wage increase,” sinabi naman ni Kabataan Party-list Rep. Raymond Palatino.

Bago ang kilos-protesta, nagsagawa ng programa sa Plaza Miranda ang mga kaanak at kamanggagawa. Nag-alay ng mga bulaklak sa harapan ng marker  ni Beltran ang KMU, Promotion of Church People’s Response o PCPR at si Lim,  bilang pagpupugay sa dakilang buhay at pakikibaka ng yumaong lider-manggagawa.