Istorya ng Linggo

Malawakang demolisyon sa mga komunidad ipinrotesta


Nawalan na ng bisa ang moratoryo ni Pangulong Noynoy Aquino sa demolisyon ng mga bahay ng mga maralita sa Kamaynilaan. Parang asong ulol na dinagsa ng mga pulis, demolition teams at tauhan ng mga lokal na pamahalaan ang mga komunidad ng mga maralita. Nitong Lunes, Mayo 30, rumesbak sila, sa pamamagitan ng protesta.

Nanay Mameng Deunida ng Kadamay. (Macky Macaspac)

Nagmartsa ang aabot sa 1,000 maralitang tagalungsod upang kondenahin ang anila’y walang humpay na demolisyon sa kanilang mga komunidad.

Pinangunahan ng Alyansa Kontra Demolisyon at Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) ang martsa-protesta sa paanan ng Mendiola nitong Mayo 30.

Inirehistro ng mga maralita sa kanilang protesta ang galit sa kasalukuyang gobyerno ni Pangulong Aquino dahil sa malawakan at sunud-sunod na demolisyon sa mga maralitang komunidad.  Kasama sa nagprotesta ang mga komunidad na dinemolis sa loob ng panunungkulan ni Aquino, tulad ng mga komunidad sa North Triangle sa Quezon City, Brgy. Corazon de Jesus sa San Juan City, Laperal Compound sa Makati City, komunidad sa Kadiwa sa Navotas at iba pa.

“Hindi titigil ang gobyernong Aquino sa pagwalis sa lahat ng maralita sa mga sentrong lungsod, dahil takam na takam na ito sa pakinabang na makukuha mula sa mga proyektong nais nilang itayo,” pahayag ni Carlito Badion, pangalawang tagapangulo ng Kadamay.  Sinisi ng lider-maralita ang programang Private-Public Partnership (PPP) ng gobyernong Aquino na dahilan ng mga nagaganap na demolisyon sa kanilang hanay.

Idinagdag pa ng Kadamay na dikta umano ng International Monetary Fund-World Bank (IMF-World Bank) ang mga proyektong  nakapaloob sa PPP na tanging  malalaking negosyante lamang umano ang makikinabang, at taliwas diuamano sa pahayag ng gobyerno at mga negosyante na mag-aahon sa kahirapan ng bansa.

“Ang tunay na programa ni PNoy para sa mga maralitang tagalungsod ay ang walang habas na demolisyon at pagwasak sa kanilang kabuhayan, paninirahan at sa natitirang dignidad bilang tao,” ani Badion.

Ibinahagi naman ni Gabriela Rep. Emmi de Jesus na diumano’y nagkaroon ng isang diyalogo kaninang umaga sa pagitan ni Sek. Jesse Robredo ng Department of Interior and Local Government o DILG, at sa mga kinatawan ng mga progresibong party-list at mga lider ng mga maralita. Sa naturang diyalogo, hiniling ng mga kinatawan ng mga partylist na magkaroon ng moratoryo sa mga demolisyon. Ngunit ayon kay de Jesus, ang dapat umanong magpalabas ng moratoryo ay ang pangulo mismo.

Sinabi naman ni Estrellita Bagasbas, tagapangulo ng September 23 Movement sa North Triangle, na umaasa pa rin sila kay Sek. Robredo na tutulong sa kanilang mga kahilingan na mapatigil ang mga demolisyon.

“Umaasa kami na may ibubunga ang diyalogo, ngunit kung walang mangyari, hindi kami aalis sa aming mga komunidad. Tuloy pa rin kaming makikipaglalaban,” aniya.

Samantala, isang lider kabataan sa North Triangle ang inaresto at diumano’y sinaktan ng mga pulis Quezon City kagabi. Ang biktimang si Donald Mesos, 27-anyos ay kasalukuyang nakakulong sa estasyon ng pulis sa Masambong. Kinasuhan si Mesos ng ilegal na pagdadala ng droga. Ngunit ayon kay Badion, malaki ang posibilidad na inaresto ang biktima dahil sa aktibo nitong paglahok sa mga protesta kontra sa demolisyon.