Mamamayan ng N. Cotabato dismayado sa desisyon sa Bt-talong


Dismayado ang iba’t ibang sektor sa North Cotabato sa naging desisyon ng Sangguniang Panlalawigan ng naturang probinsiya na iendorso ang pagtatanim ng kontrobersiyal na Bt-talong sa kabila ng matinding pagtutol ng mamamayan. Sa sesyon ng Sangguniang Panlalawigan noong Mayo 17, hinayaan nito ang field trial ng Bt-talong sa University of Southern Mindanao-Kabacan campus, batay na […]

Dismayado ang iba’t ibang sektor sa North Cotabato sa naging desisyon ng Sangguniang Panlalawigan ng naturang probinsiya na iendorso ang pagtatanim ng kontrobersiyal na Bt-talong sa kabila ng matinding pagtutol ng mamamayan.

Sa sesyon ng Sangguniang Panlalawigan noong Mayo 17, hinayaan nito ang field trial ng Bt-talong sa University of Southern Mindanao-Kabacan campus, batay na rin sa rekomendasyon ni Bokal Vicente Sorupia, Jr., tagapangulo ng Committee on Agriculture, Environment and Natural Resources.

Naunang iprinesenta ni Sorupia ang ulat nito na pabor sa Bt-talong sa Sangguniang Panlalawigan noong Marso 29 pero mariin itong tinutulan ng kanyang mga kapwa Bokal na sina Cristobal Cadungon at Shirlyn Macasarte dahil hindi umano iniendorso ng probinsiya ang mga Genetically Modified Crops at dahil hindi rin nagsagawa ng konsultayon sa publiko ang mga nagtataguyod ng Bt-talong bago ito mabigyan ng permit mula sa Bureau of Plant Industry.

Tutol ang mga mamamayan sa Bt-talong dahil sa posibleng malalang epekto sa kalikasan at kabuhayan ng mga magsasaka.

Ayon sa grupong Masipag, ang Bt-talong ay genetically modified crop na nilikha sa India ng kompanyang MAHYCO, isang subsidiaryo ng Monsanto pero hindi hinayaan ng gobyerno ng India ang komersiyalisasyon nito dahil sa posibleng malalang epekto sa kalikasan at kabuhayan ng mga magsasaka.

Dismayado ang grupo sa desisyon ng Sangguniang Panlalawigan dahil hindi nito kinonsidera ang isyung iniharap ng mga magsasaka at mamimili gayundin ang pananaliksik na isinumite ng mga siyentista.

Sinabi ni Fred Paris, tagapangulo ng Advocacy Committee ng Masipag sa Cotabato na mukhang mas pinapaboran pa ng mga nahalal na opisyal ng North Cotabato ang interes ng Monsanto at iba pang grupong nasa likod ng Bt-talong kaysa sa kapakanan ng publiko.

“Dahil sa kanilang desisyon, sa aming probonsiya magsisimula ang komersiyalisasyon ng ganitong klase ng pananim. Isang sampal din ito sa aming provincial environment code, at walang dapat ibang sisihin dito kundi ang Sangguniang Panlalawigan,” dagdag ni Paris.

Sinabi pa ng Masipag na hindi sila titigil sa pagprotesta laban sa Bt-talong at dadalhin nila ang isyu kay North Cotabato Gov. Emmylou Mendoza at kay Kalihim Proceso Alcala ng Department of Agriculture.