Istorya ng Linggo

Kapakanan ng bayan, binarat sa Cheaper Medicines Act?


Tatlong taon nang ipinapatupad ng Cheaper Medicines Act. Pero patuloy pa ring hirap ang mga mamamayan na makaakses sa mura at esensiyal na mga gamot. Para sa mga kritiko ng batas, lalong pinalala lamang nito ang masama nang kalusugan ng mga mamamayan.

Nananatiling hindi abot-kamay sa mga maralitang Pilipino ang mga esensiyal na gamot, sa kabila ng pagsasabatas ng Cheaper Medicines Act of 2008. (Darius Galang)
Nananatiling hindi abot-kamay sa mga maralitang Pilipino ang mga esensiyal na gamot, sa kabila ng pagsasabatas ng Cheaper Medicines Act of 2008. (Darius Galang)

Kabi-kabila ang patalastas sa telebisyon ng mga tindahan ng generic na gamot, ngunit nasasalamin kaya nito ang tunay na kalagayan ng mura at abot-kayang gamot sa bansa?

Naisabatas nga ang Cheaper Medicines Act, ngunit marami ang nagsasabing “ilusyon” lamang ang mga naibigay na pangako ng Republic Act No. 9502. Kasama na rito ang Consumers’ Action for Empowerment, isang koalisyon ng mga organisasyon at mga indibiduwal na nag-aabante ng kapakanan ng mga mahihirap laluna sa usapin ng medisina.

Isinabatas noong Hunyo 2008 sa ilalim ng administrasyong Gloria Macapagal-Arroyo ang RA 9502, kilala rin bilang Universally Accessible Cheaper Medicines Act. Ngunit hanggang sa kasaluluyan, hindi pa rin abot-kaya ang mga gamot na maaaring magsalba sa buhay ng mga mahihirap nating kababayan.

“Walo sa sampung Pilipino ang hindi nakakabili ng gamot,” ang pahayag ni Eleanor Nolasco, tagapagsalita ng grupo. “Third year na, pero ano ba ang naging tugon nito sa pagiging available ng gamot. Sa karanasan, hindi ito nagsilbi sa interes ng mayorya ng ating mga kababayan dahil hindi naman naging mura ang gamot.”

“Kasi alam naman natin na walang access o hindi kaya ng ating mga kababayan na makabili ng gamot lalung-lao na yung essential medicines na tinatawag.”

Hindi malusog na batas

Sinabi pa ni Nolasco na “sa simula pa lamang, may taglay nang mga mali sa Cheaper Medicine Act at hindi na ito inasahang mapapababa ang presyo ng gamot.”

Pati ang mga bilang sa datos ay magpapalugmok sa hangad ng kasaping organisasyon na Health Alliance for Democracy (Head) para sa pagpapaunlad ng sariling industriya ng gamot, pati na rin ang hangad nitong pagpapatupad ng National Drug Policy. At sa karanasan ng mga kasapi ng Consumers’ Action for Empowerment, pinagtitibay ang ilusyon ng murang gamot ng tatlong bagay.

Una, nangako man ang batas na tumulong sa generic firms sa pagdebelop ng kalidad at abot-kayang gamot, hindi ito nangangahulugan ng suporta para sa isang lokal na industriya. Nakita ng grupo na pabor pa ang batas sa parallel importation. Maaari kasing magpasok ng bukod sa mas murang gamot ay may tatak pa (branded) mula sa ibang bansa kung saan mura ang mga ito. Kahit mayroon namang katulad ito sa merkado ng Pilipinas.

Protesta kontra sa Cheaper Medicines Act noong Hunyo 7, 2011. (Darius Galang)
Protesta kontra sa Cheaper Medicines Act noong Hunyo 7, 2011. (Darius Galang)

Sa pananaliksik ng grupo, sumusunod ang bansa sa Japan bilang mga bansang may matataas na presyo ng gamot sa Asya. Lumalabas na posibleng patayin ng parallel importation ang industriya ng gamot sa bansa, ayon sa naturang grupo.

Ikalawa, nananatili ang monopolyadong kontrol ng mga korporasyong transnasyunal sa mga patente ng gamot. Lumalabas na nasa pagitan ng 80-90 porsiyento ng mga esensiyal na gamot ay off-patent (maaari nang mamanupaktura nang mas malaya na walang takot sa pagmamay-ari dahil sa patente) pero hindi pa maaaring maimanupaktura upang mabili ng mga mamamamayan. Kulang lamang sa 200 mula sa 800 esensiyal na gamot ang naipoprodyus ng lokal na manufacturers ng gamot. Ipinapakita nito na kulang na kulang ang suporta ng gobyerno sa industriya, ayon pa sa CAE.

Ikatlo, kontrolado pa rin ng unregulated free-market forces ang pagtatakda ng presyo ng gamot. “Hindi natatanggal ang monopolyo ng transnational pharmaceutical companies sa ating industriya,” pansin ni Nolasco. Kaya naman malaya pa rin ang pagdidikta ng transnasyunal na mga korporasyon na nagmamanupaktura at naglalako ng mga gamot na magpatupad ng presyo nila sa kanilang mga produkto, kahit pa may kapangyarihan ang pangulo ng bansa na magtakda ng price ceilings.

“Bukod pa dito ay hindi naman tinutulungan ng pamahalaan na makipag-compete ang ating lokal na mga brand,” dugtong ni Nolasco.

Sinabi pa ni Nolasco na kahit may Generics Act, hindi rin ito makakatugon laluna sa mga hikahos sa buhay. “Mura nga ang gamot ngunit wala ka namang pera, at wala ka namang support mechanisms o provisions para maka-access ka (sa gamot). Ampaw rin ang labas ng batas.”

Serbisyo ang isa-isip

Sa kasalukuyan, umabot sa 20 lamang na esensiyal na gamot ang bumagsak ang presyo, hindi tulad ng inaasahan na masasaklawan ng batas na sinasabing essential medicines upang masagot ang pangangailangan para sa mga pangkaraniwang karamdaman. “Kaya ilusyon lang ang Cheaper Medicines Bill dahil laluna sa puntong ngayon na binabaan pa ang health budget. Pati na ang supplies ng gamot sa public institutions ay hindi na available,” sabi pa ni Nolasco.

Sa ngayon, inaasahan sana ang estado na magbigay ng libreng gamot lalung laluna sa mga pampublikong institusyon o ospital. Pero hindi pa ito nagaganap, sabi ni Nolasco. “Kaya ang mga mahihirap nating pasyente at kababayan ay kailangan pa silang maghanap sa iba’t ibang drugstore at parmasya. Kung mayroon man, wala naman silang sapat na pambili para dito sa essential medicines.”

“Nananawagan kami sa gobyernong Aquino na remedyuhan ang problema ng hindi maawat na pataas na presyo ng gamot,” panawagan ni Nolasco, “sa pamamagitan ng probisyon ng libreng esensiyal na gamot para sa mas nakararaming mahihirap laluna sa mga pampublikong ospital at government health centers. Totohanin nila ang pagbaba ng halaga ng essential medicines at gawin nila itong accessible laluna sa mga mamamayang mahihirap. ”

Dugtong niya na maaabot ito sa pamamagitan ng pagsasabansa ng lokal na industriya ng gamot, at  pagbuo ng isang drug regulatory board na demokratikong kakatawan sa stakeholders, o iba’t ibang sektor ng mga mamamayan.