Desisyon ng Korte Suprema sa Luisita, ‘kataksilan’ – KMP

Pinakamalaking kataksilan.”

Sa ganitong paraang inilarawan ng mga magsasaka ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang desisyon ng Korte Suprema na kontra sa panawagan ng mga magsasaka ng Hacienda Luisita na ipamahagi na sa kanila ang asyenda.

Magsasaka sa Hacienda Luisita. (KR Guda/PW File Photo)
Magsasaka sa Hacienda Luisita. (KR Guda/PW File Photo)

“Pinakamalaking kataksilan.”

Sa ganitong paraan inilarawan ng mga magsasaka ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang desisyon ng Korte Suprema na kontra sa panawagan ng mga magsasaka ng Hacienda Luisita na ipamahagi na sa kanila ang asyenda.

Sa botong 6-4, inutusan ng korte sa Department of Agrarian Reform na magsagawa ng “bagong referendum” kaugnay ng pagmamay-ari ng mahigit 6,000 ektaryang asyenda.

“ PARC Resolution No. 2005-32-01 dated December 22, 2005 and Resolution No. 2006-34-01 dated May 3, 2006 are hereby AFFIRMED with the MODIFICATION that the original 6,296 qualified FWBs shall have the option to remain as stockholders of HLI,”  bahagi ng desisyon ng korte.

“Malinaw na ipinakita ng duwag na desisyon ng Korte Suprema na instrumento ito ng panlilinlang, panunupil at pagsasamantala. Sumasang-ayon ito sa pulitika ng akomodasyon ng namumunong pangkatin ng mga Arroyo,” sabi ni Danilo Ramos, pangkalahatang kalihim ng KMP.

“Malinaw na malaking impluwensiya ang di-nakikitang kamay ng Malakanyang sa desisyong kontra-magsasaka ng Korte Suprema,” sabi pa niya.

Ipinaliwanag ni Ramos na walang pinag-iba ang desisyong ito sa referendum na niluto ng pamilyang Cojuangco-Aquino noong 1989 at nitong Agosto ng nakaraang taon.

Bahagi lamang umano ito ng enggrandeng disenyo ng mga Cojuangc-Aquino na umiwas sa distribusyon ng asyenda sa mga magsasakang nagbubungkal nito.

Inilarawan pa ni Ramos ang desisyon na “mas masahol pa ito sa masaker sa Hacienda Luisita dahil pinag-uusapan natin dito ang libu-libong mga manggagawang bukid na piangkaitan ng kanilang karapatan at lupa.”

Hindi matatapos dito ang kalahating siglong tunggaliang agraryo sa Hacienda Luisita kundi paiigtingan pa ito, sabi pa niya.

Pinaliwanag naman ni Rodel Mesa, tagapagsalita ng Alyansa ng mga Manggagawang Bukid sa Asyenda Luisita (Ambala), na binasura na ng mga magsasaka ang referendum noong Agosto ng nakaraang taon, nang desperadong itulak ng pamilyang Cojuangco-Aquino ang compromise deal na “kontra-manggagawang bukid.”

Idinagdag pa ni Mesa na senyales ang desisyon ng mas maigting na pakikibaka ng mga manggagawang-bukid. “Magbubuklod ngayon manggagawang-bukid sa asyenda Luisita upang igiit ang kanilang  karapatan na ariin ang lupa,” aniya.