Migrante

Migranteng Pinoy, apektado ng global debt crisis


Muling kinuwestiyon ng Migrante International ang pagsandal ng ekonomiya ng Pilipinas sa remittances ng Overseas Filipino Workers (OFWs), sa gitna ng pandaigdigang debt crisis na inaasahang lubhang makakaapekto sa daloy ng OFW remittances at lalong maglulugmok sa ekonomiya ng bansa. “May dalawang epekto sa OFWs ang debt crisis: ang posibleng malawakang tanggalan sa mga bansang apektado […]

Paghina ng dolyar sa gitna ng debt crisis, may epekto sa OFW remittances (PW File Photo)

Muling kinuwestiyon ng Migrante International ang pagsandal ng ekonomiya ng Pilipinas sa remittances ng Overseas Filipino Workers (OFWs), sa gitna ng pandaigdigang debt crisis na inaasahang lubhang makakaapekto sa daloy ng OFW remittances at lalong maglulugmok sa ekonomiya ng bansa.

“May dalawang epekto sa OFWs ang debt crisis: ang posibleng malawakang tanggalan sa mga bansang apektado ng krisis, at direktang epekto ng pagbaba ng halaga ng dolyar kontra piso sa OFW remittances,” ayon kay Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante, pandaigdigang alyansa ng OFWs.

Dahil sa paghina ng dolyar bunsod ng debt crisis ng gobyernong US, nabawasan ang halaga sa piso ng remittances na ipinapadala ng OFWs. Inirereklamo ito ng OFWs at kanilang pamilya, lalo sa gitna ng tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Dagdag ng Migrante, bagaman inaasahang lalakas ang daloy ng remittances ngayong semestre dahil sa nalalapit na enrollment at Kapaskuhan, maaapektuhan ang ekonomiya ng paglakas ng piso kontra dolyar.

“Taliwas sa mga pahayag ng Malakanyang, lubhang apektado tayo sa global debt crisis dahil naka-depende ang ekonomiya ng bansa sa dayuhang utang at pamumuhunan, at sa OFW remittances,” ayon kay Martinez.

Ayon sa grupo, hindi pa nakakabawi ang ekonomiya mula pagkawala ng remittances mula sa Libya, Tunisia, at Egypt dahil sa giyera, at sa Japan dahil sa nuclear disaster noong unang bahagi ng taon. Inaasahan ding bababa ang OFW remittances mula sa Saudi Arabia, ang numero unong destinasyon ng OFWs, dahil sa polisiyang Saudization at ban sa domestic workers.

Inihayag ng Migrante na bago pa man ang debt crisis, apektado na ang OFWs sa buong mundo dahil sa proteksiyunistang hakbang ng host countries, kung saan inuunang bigyan ng trabaho ang sarili nitong mga mamamayan dahil sa tindi ng pandaigdigang krisis pampinansiya.

Labis na nakaasa ang ekonomiya ng bansa sa OFW remittances. Mas malaki pa ito sa foreign direct investments (US$1.52-Bilyon) at eksport ng mga produkto at serbisyo (US$11.1-B) noong 2008. Noong 2010, umabot ang OFW remittances sa US$18-B, ang pinakamataas sa kasaysayan, ayon sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas.

“Panahon na para repasuhin ng gobyerno ang labor export policy nito, at magpokus sa pagpapaunlad ng lokal na industriya para sa lokal na mga trabaho, disenteng pasahod, insentibo, at iba pang sustenableng kabuhayan para sa ating mga manggagawa,” ayon kay Martinez.