Estudyanteng Pinoy, niloloko ng ahente sa Melbourne?
Nabibiktima umano ng isang education agent ang mga estudyanteng Pilipino na hinihikayat mag-aral at pinapangakuan ng permanent residency sa Melbourne, Australia. Ayon sa grupong Migrante Melbourne, nilapitan sila ng mga estudyanteng Pilipino na nirekluta ng First Education Consultants o Firstec, isang Australyanong ahente sa edukasyon. Hinikayat ng Firstec ang mga estudyante na mag-enroll sa iba’t ibang kurso […]

Nabibiktima umano ng isang education agent ang mga estudyanteng Pilipino na hinihikayat mag-aral at pinapangakuan ng permanent residency sa Melbourne, Australia.
Ayon sa grupong Migrante Melbourne, nilapitan sila ng mga estudyanteng Pilipino na nirekluta ng First Education Consultants o Firstec, isang Australyanong ahente sa edukasyon. Hinikayat ng Firstec ang mga estudyante na mag-enroll sa iba’t ibang kurso sa Australia na maggagarantiya umano sa kanila ng permanent residency pagkatapos. Ngunit natuklasan ng mga estudyante na ang mga kursong kinuha nila ay hindi kasali o tinanggal na sa Department of Immigration Skilled Occupations List (SOL).
Tanging ang mga aplikante o estudyanteng kumukuha ng kurso na nakalista sa SOL ang may posibilidad na mabigyan ng permanent residency.
Pinangkuan din ang mga estudyante ng pabahay at disenteng trabaho. Ngunit kuwento ni Reyvi Marina, tagapangulo ng Migrante Melbourne, “Pagdating sa Australia, ilan sa mga estudyante ang pinagtrabaho bilang tagakolekta ng basura sa isang sports stadium, na may maliit na sahod at walang benepisyo. Hindi rin regular ang trabaho at ‘yung iba, kailangan pang maghintay ng mahigit 35 araw para mapasahod. Ang cleaning agency kung saan sila nagtatrabaho ay pagmamay-ari din ng Firstec.”
Pinangakuan din ng ahente ang mga estudyante ng pabahay kasama ng iba pang estudyanteng Pilipino. Pero ang ilan, pinatuloy sa hotel na binayaran din ng mga estudyante, o hindi kaya’y pinatira kasama ng mga estudyante ng ibang nasyunalidad. Isa sa mga estudyante ang iniwan pa sa isang abandonadong warehouse.
“Malinaw na niloko at binigyan ang mga estudyante ng maling impormasyon hinggil sa permanent residence visa,” ani Marina.
Sinabi naman ni Stephanie Rabusa, youth committee coordinator ng Migrante Melbourne, patuloy na dumarami ang bilang ng mga estudyanteng nirerekluta ng nasabing ahente. “Madali silang masilaw ng mga hungkag na pangako,” aniya.
Dagdag ni Rabusa, “Ang pribatisasyon ng edukasyon sa Australia, ang kawalang trabaho sa Pilipinas at iba pang kontra-mamamayang mga polisiya ng gobyerno ang nagtutulak sa mga estudyante na tumungo rito sa Australia at maging bulnerable sa pang-aabuso.”
Nanawagan ang grupo sa gobyerno ng Australia at Pilipinas na imbestigahan ang kaso ng mga estudyante at kagyat na ipatigil ang pagrerekluta ng nasabing ahente.