28 undocumented na OFW, dinakip sa Jordan
Dalawampu’t walong Overseas Filipino Workers (OFWs) ang dinakip noong nakaraang Lunes sa bansang Jordan. Ayon sa ulat ng Migrante-Middle East, nabiktima ang mga OFW sa malawakang crackdown ang gobyerno ng Jordan sa hindi dokumentadong mga migranteng manggagawa. “Batay sa mga ulat na aming natanggap, maraming OFWs ang humihingi ng tulong dahil sa pagkakadakip ng 20 […]
Dalawampu’t walong Overseas Filipino Workers (OFWs) ang dinakip noong nakaraang Lunes sa bansang Jordan.
Ayon sa ulat ng Migrante-Middle East, nabiktima ang mga OFW sa malawakang crackdown ang gobyerno ng Jordan sa hindi dokumentadong mga migranteng manggagawa.
“Batay sa mga ulat na aming natanggap, maraming OFWs ang humihingi ng tulong dahil sa pagkakadakip ng 20 kababaihang Pilipino na dating domestic helper noong Setyembre 26,” sabi ni John Leonard Monterona, regional coordinator ng Migrante-ME.
Walong OFW pa ang inaresto noong sumunod na araw, sa operasyong house-to-house ng gobyerno ng Jordan laban sa ilegal o di-dokumentadong mga migranteng manggagawa sa Amman at iba pang karatig lugar.
Inilinaw ni Monterona na karamihan sa mga OFW ay mga absconder, o mga napilitang layasan ang kanilang mga amo dahil sa pagmamaltrato at paglabag sa mga kontrata sa paggawa.
Ang malawakang pang-aabuso sa OFWs sa Jordan ang nagtulak sa Pilipinas na magbaba ng deployment ban sa nasabing bansa noong Enero 2008.
Pero ayon kay Monterona, “Dumami lamang ang aktibidad ng human traffickers at illegal recruiters na bumibiktima sa libu-libong OFW.”
Tinatayang may 40,000 hanggang 50,000 OFWs sa Jordan, na may 60 porsiyento ang hindi dokumentado.
Nanawagan ang grupo sa gobyernong Aquino ng kagyat na dokumentasyon o repatriation ng mga OFW, habang sinisigurong nirerespeto ang kanilang mga karapatan.