Aksidente sa Keppel Subic Shipyard pinaiimbestigahan ng militanteng mga obrero


Ipinaabot ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang pakikiramay sa mga kaanak ng mga biktima ng aksidente sa Keppel Shipyard noong Biyernes, Oktubre 7, at nagsabing maglulunsad ito ng fact-finding mission upang alamin ang tunay na pangyayari.

Ipinaabot ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang pakikiramay sa mga kaanak ng mga biktima ng aksidente sa Keppel Shipyard noong Biyernes, Oktubre 7, at nagsabing maglulunsad ito ng fact-finding mission upang alamin ang tunay na pangyayari.

Ayon sa naunang mga balita, namatay ang limang mangagagawa sa naturang shipyard matapos bumagsak ang 42 toneladang bakal na rampang ginagamit bilang tulay ng mga manggagawa.

Kagyat na namatay ang apat na mangagagawa at namatay naman ang isa habang dinadala sa ospital. Pinangalanan ang mga biktima na sina, Jay Lord Reyes, Glen Miranda, Mark San Juan, Chrisander Papna and Ronald Lara.Walong mangagagawa naman ang napaulat na sugatan sa naturang aksidente.

“Ipinaaabot namin ang aming marubdob na pakikiramay sa naulilang mga pamilya ng mga mangagagawa,” ani Elmer Labog, tagapangulo ng KMU.

Nanawagan din ang lider ng KMU kay Pangulong Aquino na magsagawa ng kagyat na imbestigasyon sa pagkamatay ng mga manggagawa at parusahan ang Keppel kung mapatunayang lumabag ito sa occupational health and safety standards na itinatakda ng batas.

Samantala, hiniling naman ng Institute for Occupational Health and Safety Development (Iohsad) sa Department of Labor and Employment (DOLE) na ipatigil muna ang operasyon ng Subic Keppel Shipyard habang iniinspeksiyon nito ang safety practices ng kompanya.

“Hangga’t walang napaparusahan, dagdag lamang ang mga pangalang Jay, Glen, Mark, Chrisander at Ronald sa lumolobong estadistika ng mga pagkamatay sa lugar ng trabaho. Tuloy ang impunity o kawalan ng pananagutan sa loob ng mga lugar ng trabaho kung saan nasa operasyon pa rin ang mga lumalabag sa safety (at) nagdadala sa panganib sa ating mga manggagawa,” sabi ni Noel Colina, executive director ng Iohsad.

Kasabay naman ng pagkondena ng KMU sa manedsment ng Keppel na diumano’y may pagtatangkang itago ang impormasyon hinggil sa aksidente, ikakasa umano nila ang isang fact-finding mission.

“Ipinarating ng mga miyembro namin sa Central Luzon na may tangkang itago ng Keppel ang anumang inpormasyon kaugnay sa insidente,” ani Labog. Napabalitang hindi pinapasok sa lugar ng insidente si Mayor Jay Khonghun ng Subic.

“Dapat na bukas sa imbestigasyon ng lokal na pamahalaan ang mga ganitong aksidente,” sabi pa ni Labog.

Hiniling rin ni Labog sa Department of Labor and Employment (DOLE) at sa iba pang ahensiya ng gobyerno na maglabas ng opisyal na ulat hinggil sa dahilan ng aksidente, kahit maglulunsad ang KMU ng hiwalay na fact-finding mission.

“Malaki ang posibilidad na nagpapatumpik-tumpik ang Keppel sa pagpapatupad ng occupational health and safety standards,” ani Labog.

Inihalintulad ng KMU ang insidente sa mga aksidenteng kinasangkutan ng Hanjin, na parehong may operasyon sa Subic Shipyard. “Panahon na upang imbestigahan ang Keppel at Hanjin hinggil sa mga insidenteng ito,” dagdag pa ni Labog.

Samantala, ipinagpapaliwanag naman ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano ang DOLE hinggil sa nabanggit na insidente at sinabing magsasampa siya ng isang resolusyon upang maimbestigahan ang mga aksidente sa mga shipyard sa buong bansa, gayundin ang pagpapatupad ng mga kompanya sa shipyard sa occupational health and safety standards.

“Hindi natin gustong sumunod ang trahedya sa trabaho na ito sa di-naresolbang aksidente sa Hanjin Subic at sa trahedya sa Eton,” sabi pa ni Mariano.