Videos

Occupy Mendiola: Pagkampo ng magsasaka sa Mendiola vs monopolyo sa lupa, Cha-cha


Okupasyon sa Mendiola, malapit sa palasyo ni Pangulong Aquino, ang isinagawa ng mga magsasaka para igiit ang kanilang karapatan sa lupa, sa kabila ng tumitinding pangangamkam at Charter Change.

Mga magsasaka sa Mendiola: Determinadong malakas na ihayag ang pagtutol sa Charter Change, pangangamkam sa lupaing agrikultural, at CARP Extension with Reforms (Carper). (KR Guda)
Mga magsasaka sa Mendiola: Determinadong malakas na ihayag ang pagtutol sa Charter Change, pangangamkam sa lupaing agrikultural, at CARP Extension with Reforms (Carper). (KR Guda)

Nagkampo ang mga magsasaka sa pangunguna ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) sa paanan ng Mendiola Bridge malapit sa Malakanyang noong Oktubre 19, aabot hanggang 21. Ito ang kulminasyon ng kanilang pambansang protesta kontra sa pangangamkam ng lupa, monopolyo ng iilang malalaking panginoong maylupa sa mga lupaing agrikultural ng bansa at panukalang amyendahan ang Saligang Batas (Charter Change o Cha-cha).

Ayon kay Danilo Ramos, pangkalahatang kalihim ng KMP, determinado ang mga magsasaka na manatili sa Mendiola para malakas na ihayag ang pagtutol nila sa patuloy na pangangamkam ng malalaking panginoong maylupa tulad ng nagaganap sa Hacienda Looc, Hacienda Luisita, at iba pa. Tinututulan din nila ang Cha-cha na umuusad sa Kongreso para bigyang laya ang malalaking dayuhang kompanya na makapagnegosyo at makapag-ari ng lupa sa bansa.

Nilahukan ang Occupy Mendiola ng mga magsasaka mula sa Timog Katagalugan, Gitnang Luzon, Bikol at Bisayas. Naglunsad din ng katulad na mga protesta ang mga organisasyon ng magsasaka sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao, at iba pang probinsiya sa bansa.

Isinagawa ang protesta kaalinsabay ng Buwan ng mga Magsasaka. Kalahok din sa Occupy Mendiola ang progresibong mga organisasyon ng iba’t ibang sektor ng mga mamamayan.

Itinuturing nilang bahagi ng pandaigdigang kilusang protesta kontra kapitalismo na tinaguriang “Occupy.” Nagsimula ang protestang ito sa New York, USA,  kung saan inokupaan ng libu-libong mamamayan ang pampinansiyang distrito ng bansa, ang Wall Street, para iprotesta ang “pagkagahaman” ng isang porsiyentong financial elite sa bansa. Sinabi nilang patuloy na yumayaman ang isang prosiyentong ito habang 99 porsiyento ng populasyon ng bansa ay nakakaranas ng matinding pampinansiyang krisis at pagkalugmok ng ekonomiya.