Balitang Global

Occupy Wall Street, nilahukan ng mga Pinoy sa US


Lumahok ang mga Pilipino sa New York sa Occupy Wall Street, isang popular na kilusan sa Estados Unidos na ngayo’y nasa ikatlong linggo ng protesta. Simula noong Setyembre 17, nagsimula ang daan-daang mga Amerikano na magpiket sa Wall Street, ang financial district kung saan naroroon ang headquarters ng malalaking bangko at institusyong pampinansiya ng US. Umani […]

Mga Pilipino, dinala sa Occupy Wall St. ang mga sentimiyentong anti-imperyalista (Contributed Photo)

Lumahok ang mga Pilipino sa New York sa Occupy Wall Street, isang popular na kilusan sa Estados Unidos na ngayo’y nasa ikatlong linggo ng protesta.

Simula noong Setyembre 17, nagsimula ang daan-daang mga Amerikano na magpiket sa Wall Street, ang financial district kung saan naroroon ang headquarters ng malalaking bangko at institusyong pampinansiya ng US. Umani ng malawak na suporta ang protesta laban sa pagkaganid ng mga korporasyon sa ilalim ng kapitalismo, na sinisimbolo ng Wall Street. Tinatayang libu-libong mga mamamayan na ang lumahok at nagpapatuloy sa protesta, sa kabila ng mga insidente ng pandarahas at pang-aaresto ng pulisya.

Kahapon, lumahok na sa pagkilos maging ang mga Pilipinong naninirahan sa New York, sa pamumuno ng Bagong Alyansang Makabayan-USA, Gabriela USA, at International League of People’s Struggles. Ayon sa nasabing mga grupo, iyon ang unang beses na lumahok sa Occupy Wall Street ang organisadong mga migrante o mamamayan ng ibang lahi, “na bitbit ang malinaw na mensaheng anti-imperyalista.”

Martsa na pinamunuan ng Bayan-USA at iba pang grupo ng mga Pinoy at migrante (Contributed Photo)

Sa mga plakard na dala ng mga Pilipino, binatikos nila ang mga gerang agresyon ng Estados Unidos sa mga bansang Middle East at interbensiyong militar nito sa Pilipinas. Tinawag din nilang “imperialist globalization” o imperyalistang globalisasyon ang paghahari ng iilang korporasyon at pandarambong sa mahihirap na bansa gaya ng Pilipinas.

“We are in this country for the same reason you are occupying Wall Street: because our governments could not provide us with jobs. Imperialism destroyed our countries…What we are doing here today is not just for us, it is for every person in this world fighting imperialism,” sinabi ni Bernadette Ellorin, tagapangulo ng Bayan-USA, sa libu-libong tagapakinig sa martsa.

Dahil walang sound permit, walang sound system ang protesta. Ngunit dinadala ang mensahe ng mga tagapagsalita sa pamamagitan ng “people’s mic,” kung saan inuulit at ipinapasa ito ng mga tagapakinig hanggang sa dulo ng bulto.

Pagtatalumpati ni Bernadette Ellorin (Contributed Photo)

“It was an exhilarating experience,” ayon kay Ellorin sa panayam ng Pinoy Weekly.

Tinatawag ng mga organisador ng Occupy Wall Street ang kanilang mga sarili na isang kilusang walang pamunuan o leaderless resistance movement, na sinisikap abutin ang mga pagbabago sa pamamagitan ng di-marahas na mga protesta gaya ng nangyari sa ilang bansa sa Middle East. Bagaman binubuo ng iba’t ibang lahi at paniniwalang pulitikal, umano’y nagkakaisa ang lahat na hindi na dapat magpatuloy ang sistema kung saan 99% ng mga mamamayan ang nagdurusa sa pagkaganid at korupsiyon ng 1%.

Nagpahayag na ng suporta sa Occupy Wall Street ang mga personalidad gaya ng aktres na si Susan Sarandon, filmmaker na si Michael Moore, at mga akademikong sina Noam Chomsky at Dr. Cornell West.

Kasama ng mga Pilipino ang grupong Bail Out the People Movement, na lumalaban sa malakihang budget cuts sa mga serbisyong sosyal na ipinapatupad ng administrasyong Obama. Isinisisi ito ng mga mamamayan sa government bailouts sa malalaking institusyong pampinansiya bunsod ng krisis noong 2008.

Kasama ng mga Pinoy ang grupong kontra sa bailout ng administrasyong Obama sa malalaking korporasyon (Jonna Baldres)

Kasama rin nila ang People’s Justice Coalition for Community Control and Police Accountability, isang grupo ng mga migrante ng iba’t ibang lahi na lumalaban sa brutalidad ng pulisya.

Noong nakaraang linggo, nakunan ang pulisya na nag-pepper spray sa mga babaing demonstrador sa Wall St., at nambugbog ng marami pang iba.

Ngayong araw, nagsagawa rin ang mga Pilipino sa West Coast ng protesta ng pakikiisa.

Ayon sa Bayan-USA, tiyak na lalawak pa ang kilusang protesta sa buong Estados Unidos, sa gitna ng 10.2% antas ng unemployment at budget cuts sa bansa. Sumama na rin ang organisadong kilusan ng mga manggagawa sa Occupy Wall St., ayon sa pinakahuling mga ulat.