Kapirasong Kritika

Prospek ng Occupy sa Pilipinas


Marami sa mga progresibo ang katulad ngayon ni Prop. Leonor Magtolis-Briones ng Unibersidad ng Pilipinas: nagmumuni tungkol sa posibilidad ng pagputok ng protestang Occupy sa bansa. Halata ang simpatya niya sa pagkakaroon ng lokal na kaakibat – higit pa sa lokal na bersyon – ng ganitong protesta sa mundo. Sa isang banda, nakilala siya bilang isa sa mga lider-estudyante na nagsalaksak ng trak ng bumbero sa tarangkahan ng Malakanyang noong Sigwa ng Unang Kwarto. Anu’t anuman, heto ang ilang ambag ko sa mga umiinog na talakayan hinggil sa prospek ng protestang Occupy sa ating bansa.

Marami sa mga progresibo ang katulad ngayon ni Prop. Leonor Magtolis-Briones ng Unibersidad ng Pilipinas: nagmumuni tungkol sa posibilidad ng pagputok ng protestang Occupy sa bansa. Halata ang simpatya niya sa pagkakaroon ng lokal na kaakibat – higit pa sa lokal na bersyon – ng ganitong protesta sa mundo. Sa isang banda, nakilala siya bilang isa sa mga lider-estudyante na nagsalaksak ng trak ng bumbero sa tarangkahan ng Malakanyang noong Sigwa ng Unang Kwarto. Anu’t anuman, heto ang ilang ambag ko sa mga umiinog na talakayan hinggil sa prospek ng protestang Occupy sa ating bansa:

(1) Mainam ang kalagayan. Hindi na siguro kailangang isa-isahin pa ang mga isyung nagpapatunay na tumitindi at titindi pa ang kahirapan at kagutuman ng mga mamamayan. Sa pangkalahatan, ang mga interes ng malalaking kapitalistang dayuhan at lokal, ng mga dayuhang bangko, ng malalaking panginoong maylupa, at ng mga tiwaling pulitiko ang nananaig sa bansa. Ang gobyernong Aquino, bukod sa pagpanig sa mga nabanggit na grupo, ay nagpapatupad ng di-idinedeklarang programa ng pagtitipid o austerity para sa mga mamamayan, habang pinapatindi rin ang paghuthot sa huli. Minana rin nito ang napakaraming komitment na neoliberal ng mga naunang rehimen.

(2) Ang mga aktibistang pambansa-demokratiko ang nasa pinakamainam na katayuan na pamunuan ito. Bukod sa sila ang pinakamarami, sila rin ang pinakalubog sa masa. Sila rin ang tuluy-tuloy na naglalantad at lumalaban sa pagpapatindi ng kahirapan at kagutuman. Hindi maaasahan ang mga grupong nagpapakilalang “Kaliwa” pero todong nagpalamon sa gobyernong Aquino. Takot na takot silang magalit ang kanilang alyado dahil sa kung anong protesta; takot na takot silang matanggalan ng posisyon at sweldo sa gobyerno. Hindi nila iniisip ang magandang kalagayan para magmulat at mag-organisa dahil wala naman silang tinatanaw na rebolusyon sa saklaw ng kanilang buhay.

(3) Nakatuntong ito sa lawak at lakas ng mga naunang protesta ng mga mamamayan. Sa propaganda, may naipundar nang puhunan hinggil sa iba’t ibang isyu; ang hamon ay kung paano ikakawing at itataas ang mga ito – sa isang paraan na madaling maunawaan ng marami. Sa lunsaran ng protesta, may mga nahawan nang sentro ng protesta; ang hamon ay kung paano eengganyuhin ang mga mamamayan sa paligid nito na lumahok. Sa mahalagang suporta ng mga nasa panggitnang uri, sila mismo ay nakakaramdam ng krisis at sila ang mas inaabot, sa pamamagitan ng Facebook at iba pang social networking sites, ng impormasyon at ahitasyon hinggil sa protestang Occupy sa US.

(4) Ang isang susi ay ang pagtukoy sa puntirya ng protesta batay sa iba’t ibang isyu. Sa US, “corporate greed” ang tampok na target ng protesta. Sa Pilipinas, isang panukala ang “Kapitalistang Gahaman, Kasabwat na Pamahalaan.” Sa US, ang panahong binabalik-tanawan ay ang “gera kontra-terorismo” simula 2001 at tampok ang pagsambulat ng matinding krisis noong 2008. Sa Pilipinas, maaari ring simula 2001, sa bungad ng pagrereyna ni Gloria Macapagal-Arroyo. O mas maaga, sa 1992, bungad ng rehimen ni Fidel Ramos. Kung ang huli ang pipiliin, kailangan at ibubunga ng protesta ang pagbuo sa kamalayan ng mga mamamayan ng epekto ng neoliberalismo sa bansa.

(5) Mahirap kung ilulunsad ang protestang Occupy sa Makati na, tulad ng Wall Street, ay sentro ng pampinansyang aktibidad sa bansa. Malayo kasi ito sa malawak na mamamayan na maaasahang lalahok. Maaari ang Maynila para malapit sa mga sentro ng kapangyarihan at tradisyunal na pinagraralihan, tulad ng Mendiola at US Embassy. Pero ang mahalaga ay kung saan ito makakaakit ng malawak na paglahok at suporta ng mga mamamayan. Pwede ang Morayta, Welcome Rotonda, o Quezon City Memorial Circle. Ayon sa isang balita, nakaasa ang mga nagpoprotesta sa Wall Street sa kabaitan ng Burger King sa pagpapagamit ng kubeta. Ganito kaya ang mangyayari sa bansa?

(6) Ilan pang punto: Mas mainam kung hindi magtatagal ang protesta nang walang taning. Mas magiging rurok ito ng protesta, na maaaring tumagal nang ilang araw, pero hindi pipiliting isustine nang matagal. Ang mas mahalaga pa rin ay ang pag-abot, paghikayat at pagpapakilos sa paparaming mamamayan sa kanilang konsentrasyon. Tiyak na magiging mahalaga ang papel rito ng mga kabataan at estudyante, silang kayang tumao sa paglulunsaran ng protesta. Sigurado, may musika rito, na pwedeng pana-panahon o gabi-gabing rumurok sa mga konsyerto. Babalik-aralan at tutugtugin ang maraming awit at himig ng protesta, at maging mga awit at himig ng pagrerebelde.

24 Oktubre 2011