Kapirasong Kritika

One Percent


May dalawang malaking hamon ang protestang Occupy sa US sa ating mga Pilipino. Una, ang magprotesta nang maramihan laban sa tumitinding kahirapan, kagutuman at kawalan ng pagkakapantay-pantay – ang kagyat na nararamdamang epekto ng krisis pang-ekonomiya. Ikalawa, ang magprotesta laban sa tinatawag na “1%” – na ang totoo’y mas kaunti pa sa one percent – ng US, bukod pa sa 1% na mga naghaharing uri sa bansa.

May dalawang malaking hamon ang protestang Occupy sa US sa ating mga Pilipino. Una, ang magprotesta nang maramihan laban sa tumitinding kahirapan, kagutuman at kawalan ng pagkakapantay-pantay – ang kagyat na nararamdamang epekto ng krisis pang-ekonomiya. Ikalawa, ang magprotesta laban sa tinatawag na “1%” – na ang totoo’y mas kaunti pa sa one percent – ng US, bukod pa sa 1% na mga naghaharing uri sa bansa.

One percent ng US? Oo. Dahil sa kabila ng mga pagsusuring walang teorya o ideolohiya na gumagabay sa protestang Occupy, may isang mahalagang bagay rito na ikakatuwa ng isang mahusay na manunuri ng pandaigdigang sistemang kapitalista: ang puntirya nito, ang 1%, na madalas tawaging “bankers.” Ang matutuwa: si Lenin, na nagsabing sa ilalim ng sistemang imperyalista, pinakamakapangyarihan na ang “oligarkiya sa pinansya.”

(Sa ganitong pagtingin, pinakamalaking kabastusan sa protestang Occupy sa US ang inilulunsad ngayong “Occupy for Reproductive Health Bill” ng Akbayan at mga grupong kadikit nito. Una, sang-ayon ang oligarkiya sa pinansya sa pagkontrol sa populasyon (population control) na siyang balangkas ng kanilang panukalang batas. Pangalawa, may ayuda ang naturang kampanya mula sa mga daluyan ng oligarkiya sa pinansya.)

Sa ganitong pagtingin, ang oligarkiya sa pinansya sa US ang responsable sa maraming patakaran sa bansa na matagal nang kinokondena bilang maka-imperyalista. Matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, sila ang nagpwersa sa Pilipinas sa mga hindi-pantay na kasunduang nagtali sa ekonomiya natin sa ekonomiya ng US. At hindi bilang kapantay, kundi bilang neokolonya: walang sariling pag-unlad, lubos na nakaasa sa US.

Sila ang naglulong sa gobyerno sa pautang, na suporta sa mga naghaharing uring tagapagpatupad ng kanilang mga dikta sa ekonomiya. Walang tunay na reporma sa lupa. Walang industriyalisasyon. Pagbawas sa subsidyo sa mga serbisyong panlipunan, debalwasyon ng salapi, pagpaparami ng eksport, pagbarat sa gastos sa paggawa. Tinuntungan at itinuloy ang mga ito ng mga patakarang neoliberal simula dekada ’80.

Sa madaling salita, tuluy-tuloy tayong pinautang habang tuluy-tuloy tayong inalisan ng kakayahang makabayad. Binigyan tayo ng pautang na ang paglago ng interes ay mas mabilis pa sa paglago ng tunay na ekonomiya ng bansa. Kapag pinag-uusapan ang utang panlabas, nakakarinig tayo ng “X ang utang ng bawat Pinoy,” na kadalasa’y napakalaki –halagang hindi natin kayang likhain dahil inalis ang oportunidad magtrabaho sa bansa.

Mauugat ang lahat ng pang-ekonomiyang isyung hinaharap ng mga Pilipino ngayon sa mga dikta ng oligarkiya sa pinansya: konsentrasyon ng lupa sa iilan; barat na sahod at kontraktwal na empleyo; demolisyon ng mga maralitang komunidad; pagsirit ng hinuhuthot sa langis, kuryente at kung anu-ano pa; at pagkaltas sa subsidyo sa mga serbisyong panlipunan. Lahat, pahirap sa nakararami at pagkonsentra ng yaman sa iilan.

Lahat, naipatupad sa pamamagitan din ng pautang na suporta sa iilan sa lipunan at maging sa mga kapitalistang dayuhan – pahirap, pinagbabayaran ng mamamayan.

27 Nobyembre 2011