FEATURED

Formulang kilig


Rebyu ng Won’t Last a Day Without You (Raz dela Torre, direktor, 2011)

Rebyu ng Won’t Last a Day Without You (Raz dela Torre, direktor, 2011)

Malaking negosyo ang produksyon ng kilig.  Pagtambalin ang matagumpay na mga loveteam (Gerald Anderson at Kim Chu, Sarah Geronimo at John Lloyd Cruz), at kung di na matagumpay, i-mash-up (Gerald at Sarah).  Napatunayan na matagumpay ang Gerald-Sarah team-up dahil sa matagumpay na unang pagtatambal, Catch me… I’m in Love (Mae Cruz, 2011 din!).

Ilagay ang team-up sa interesanteng sitwasyon makaka-relate ang kabataan:  si DJ Heidee (Sarah) ay pinayuhan sa kanyang show si Melissa (Meagan Young) na makipagbreak-up sa kanyang playboy na boyfriend, si Andrew (Gerald).  Nang magbalak si Andrew na i-report si DJ Heidee at ang stasyon sa nakakataas na awtoridad, pumayag ang babae na tulungan si Andrew na i-win-over muli si Melissa.  Sa proseso, mai-inlove ang dalawa pero pipigilin ni DJ Heidee dahil nga ayaw niya muling maging inappropriate.  Siempre, alam na ng lahat ang ending, kung sino ang magkakatuluyan.

Mahirap bigyan-definisyon ang kilig, walang exaktong kahulugan sa ingles.  Ang referensya lamang ay sa karanasan ukol sa pag-ibig:  blush kapag nandiyan ang crush, masayang mamilipit kapag nasa awkward situation na kalahok ang sinisinta, ang rush kapag natutupad ang nais matupad sa ngalan ng pag-ibig.  Sa katunayan, may Facebook account ang kilig, “the best of super kilig quotes.”

Nagtatagumpay ang pelikula dahil may inaasahan sa manonood, ang tinatawag na “suspension of disbelief” o ang pagpapaubaya sa operasyon ng pelikula (naratibo, special effects, acting at maging ang mismong panonood) na ito ay “tunay” na realidad.  Hindi ka manonood na bwinibwiset ang sarili:  iisiping may harness lang naman si Superman o Darna kaya ito nakakalipad, o sa bugbugan sa action hero na hindi naman mamamatay ang bida.

Pero sa formula films, doble ang suspension of disbelief:  na dahil pelikula ito, totoo at lehitimong karanasan ito; at na ang kakatwang kombinasyong sangkap sa formula film ay natural at organiko naman.  Ang nauna ay nagtatagumpay dahil nagbayad tayo ng P180 para sa tiket, kaya paniniwalain ng manonood ang kanilang sarili sa posibilidad at reafirmasyon ng gayong formula.

Ang  huli ay pagsang-ayon din dahil sa prior knowledge building na ginawa na ng entertainment corporation sa atin.  Binuild-up sila bilang magka-loveteam, pina-duet sa variety shows, ginawang covers ng glossy magazines nila, ginawan ng MTV ang theme song ng pelikula.

Sa Facebook account, narito ang ilang wall posts:

Mula kay Advincula: “It doesn’t matter if the guy is perfect or the girl is perfect, as long as they are perfect for each other.”

Mula sa mismong site owner: “Love is a symbol of eternity. It wipes out all sense of time, destroying all memory of a beginning and all fear of an end.

Wala naman talagang PANAKIP-BUTAS eh , nagkataon lang na NANDOON ka, noong panahong NAWALAN siya.

Hanapin mo yung taong tanggap ka, hindi yung taong pinipilit mong tanggapin ka.”

Ang mga post ay cliché naman talaga.  Nagtatagumpay lang sila dahil pinili ng mambabasa, at ka-FB na maniwala sa mode ng kilig bilang tampok na pakiwari.  Hindi ka naman magfre-friend dito kung hindi naniniwala sa premis at magpapa-KJ dito.  Gayundin sa pelikula at konsumerismo, hindi ka papaloob dito kung hindi ka naniniwala sa premis at rules of the game nito.

Matagumpay ang pelikulang dulot ay kilig dahil kumita ito ng P20 milyon sa unang araw na pagpapalabas nito.  Kahit pa mas telenovella ang dating–hindi cinematiko ang saklaw ng mas kalkuladong pagbibitaw ng linya sa mis en scene, halimbawa—pero kinilig ang kasama ko, pati ang sangkatauhang nanood ng pelikula.

Sa sabayang paglabas ng sinehan, natanaw ko ang nakasabayan ko sa dilim na manonood, mga ordinaryong mamamayang gumasta para magpakaligaya.  At nalungkot ako.  Sa buhay sa kapitalismo, walang nasa labas ng sistema.  May kapasidad ang sistema na ipaloob tayo sa kalakaran nito.  Sa sine, pinili nating pumaloob.  Highway robbery o kusang pag-aambag sa ngalan ng kilig na pagdanas ng buhay sa kapitalismo?