Pana-panahon ang pagkakataon


Rebyu ng In Time, tampok sina Justin Timberlake at Amanda Seyfried.

ni Volosinov Valentin

In Time, tampok sina Timberlake at Seyfried.

Sa mundo ng pelikulang In Time, lahat ng tao’y tumitigil sa pag-edad pagsampa ng 25. Pagkatapos nito, kailangan nilang bilhin ang kanilang oras sa pamamagitan ng pagtatrabaho. Oras din ang kanilang pambayad para sa mga batayang pangangailangan tulad ng pagkain at transportasyon, at mistulang alipin ang nakararami dahil lagi silang kulang dito.

Kahit magtrabaho nang mabuti ang bidang si Will (ginampanan ni Justin Timberlake) at mapantayan niya ang hinihinging quota sa pabrika, hindi pa rin tumataas ang kanyang sahod dahil tumaas ang quota. Ang kanyang kaibigang si Borel (ginampanan ni John Galecki), hindi na nakikitaan ng halaga ang sariling buhay at nilulunod na lang ang sarili sa pag-inom (ito ang magiging dahilan ng kamatayan ni Borel, iiwan niya ang kanyang asawa para alagaan ang kanilang sanggol na anak).

Ang ina ni Will na si Rachel (ginampanan ni Olivia Wilde), laging umuutang ng panahon. Isang beses ay mayroon na lang itong isa’t kalahating oras at hindi nakasakay ng bus dahil naging dalawa imbes na isang oras lang ang pamasahe. Tinakbo niya ang lugar kung saan sila magkikita ng anak ngunit hindi sila nagkaabutan, namatay si Rachel. Ito ang isa sa pinakamagandang eksena sa pelikula, hindi dahil may namatay kundi dahil malakas ang emosyonal na dating kung kaya napaparating ang kritisismo ng anyong sining sa sosyo-ekonomiko at pulitikal na kaayusan.

Estruktura ang problema, kahit subukan ng mga pamilya na magkaroon ng espasyo ng kalayaan sa isang mapang-aping sistema, argumento ng pelikula na masisira pa rin ang mga mag-anak ng estruktural na pananamantala. Sinubukang makiusap sa tsuper ng bus ni Rachel, kung papasakayin siya nito’y babayaran ng kanyang anak ang kulang na treinta minutos pagdating sa babaan. Tumanggi ang tsuper. Tumingin si Rachel sa ibang pasahero, nakikiusap ang mga mata. Yumuko lamang ang mga ito. Sa isang sistema kung saan sinusukat ang pagkatao sa pamamagitan ng dami ng oras na mayroon siya, sinong gipit ang tutulong sa kapwa? Mas mahalaga ang oras kaysa sa kapwa sa In Time, katulad ngayon sa sitwasyon natin na mas mahalaga ang pera kaysa sa tao.

Isang mayaman ang iniligtas ni Will mula sa mga magnanakaw, at ito ang nagsabi sa kanya ng sikreto ng mga mayaman sa panahon: “Para maging imortal ang iilan, kailangang mamatay ng marami.” Sadya ang pagdarahop nila Will, hindi ito hulog ng langit o disenyo ng kalikasan. Bago magpakamatay ang mayamang ito, ibibigay niya kay Will ang kanyang isang siglo. Papasukin ni Will ang mundo ng mga mayaman, at dito niya makikilala si Philippe (ginampanan ni Vincent Kartheiser), na lampas 80 taon nang 25 anyos. Lampas syam na libo pa ang taong mayroon ito, at sa may dulo ng pelikula ilalantad na mayroon itong milyong oras na nakatago.

Makikilala rin ni Will si Sylvia (ginampanan ni Amanda Seyfried), na anak ni Philippe. Dudukutin ni Will ang babae, pero magkakaroon ito ng simpatya sa kanya pagkatapos maranasan ang buhay na isang oras lang ang mayroon, at nang tumanggi si Philippe sa hingi ni Will na magdonasyon ito ng isang libong oras sa isang charity bilang ransom para kay Sylvia. Naging magkasama sa pagnanakaw si Will at Sylvia, binibigay nila ang mga nakukuha mula sa bangko ng oras sa mga mahirap, naging Robin Hood sila ng panahon. Palaki nang palaki ang kanilang ninanakaw ang pinamimigay, at sa dulo nakuha nila ang nauna na ngang nabanggit na isang milyong itinatago ni Philippe. Ang huling eksena ng pelikula’y nagpapahiwatig na tuloy-tuloy lang ang kanilang himagsik, at mas lalo pang makapangyarihan at mayaman ang kanilang puntirya.

Mayaman na talinghaga ang oras at mahalaga ang paggalugad ng In Time sa bagay na ito. Sa kanyang pagsusuri sa estruktura ng kapitalismo, inilarawan ni Karl Marx na sa pagtatrabaho ng manggagawa sa pang-araw-araw, umaabot na ang kanyang nalilikhang yaman nang sapat para mabuhay siya, ngunit patuloy pa rin siyang nagtatrabaho at ang yamang nalilikha niya sa panahong ito’y hindi napupunta sa kanya kundi sa kapitalista. Ang labis na halagang ito ang ayon kay Marx ay lihim na pinagmumulan ng yaman ng kapitalismo.

“Pana-panahon ang pagkakataon,” tanong sa kantang “Kanlungan,” “maibabalik ba ang kahapon?” Ang sagot ay hindi, dahil sa patuloy na pagsasamantala ng kalikasan (halimbawa, ng mga multinasyunal na kompanya ng pagmimina) ay hindi na makabawi ang daigdig, tuluyan na itong nagiging salat. Sa pagyuko lamang habang nasisira ang mundo, ninanakaw natin ang kinabukasan natin at ng mga susunod sa atin. Pruweba ang pagkatunaw ng mga dambuhalang tipak ng yelo at ang pagkatorete ng tag-init, tag-ulan at tagbaha na malapit nang maging hindi maaaring tirhan ng tao (at hayop at halaman) ang ating planeta.

Ayon kay Giles Fraser, iskolar at pari sa Simbahan ng Inglatera, mayroong dalawang salita ang mga sinaunang Griyego para sa panahon, ang chronos (ang panahon ng mga relo at kalendaryo) at kairos (ang panahon ng pagkakataon). Ang chronos ang panahong sinusukat, ito ang panahon na umiipit sa mga tauhan sa In Time. Ang kairos ang panahon ng pagdedesisyon, ng oportunidad. Sa mga sandali ng kairos, nagkakaroon ng kaliwanagan na ang sinasabing hindi maaari ay maaaari, na ang mukhang hindi magigibang kaayusan ay mukha lamang hindi magigiba. Walang panahon, sabi ng isang patalastas noon. Sa totoo, wala na tayong panahon. O, mas maganda: eto na ang panahon. Oras na para ang buwis na ating binibayad ay mapunta sa edukasyon imbes na sa pang-aaliw ng mga kongresman sa panonood ng suntukan at karahasan. Oras na para ang lupang sinasaka ay mapunta sa nag-aalaga nito imbes na sa mga asenderong pulitiko’t artista. Oras na para baguhin ang mundo.

“Pagdating ng panahon,” awit ni Aiza Seguerra, “baka ikaw din at ako.” “Kung hindi ngayon, kailan?” tanong ng mga aktibista. Pamagat ng isang pelikula ni Sharon Cuneta: Bukas, Luluhod ang mga Tala. Bakit hindi sa mismong araw na ito?

Si Volosinov Valentin ay nagtuturo ng popular na kultura sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman.