FEATURED

Politika’t estetika ng remake


Rebyu ng Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story (Tikoy Aguiluz/Gary Dela Cruz, direktor, 2011)

Rebyu ng Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story (Tikoy Aguiluz/Gary Dela Cruz, direktor, 2011)

Nang i-google ko ang “Asiong Salonga,” nalaman kong ito na ang ikaanim na bersyon mula sa biograpiya ng “hari ng Tundo” na pinaghalawan at ginawang pelikula (http://www.imdb.com/character/ch0274573/).  May tatlo na itong biopic (Asiong Salonga, 1961, ni Joseph Estrada; Salonga, 1978, ni Rudy Fernandez; at Asiong Salonga Story, 1990, ni Jorge Estregan, Jr. bago ito naging ER Ejercito, ang kasalukuyang gumaganap).

Ang dalawa pang bersyon ay mula pa rin kay Estrada:  Asiong Meets Alembong (1962) at Asiong Brothers (1965).  Malinaw na may Midas touch ang paghalaw ng pelikula sa buhay ng kilalang hoodlum, gangster at kriminal, lalo na nga kung ito ay si Asiong Salonga.

Hindi naman ordinaryong “kriminal” ang buhay na ito.  Ito ang Robin Hood na tipo na nagnanakaw sa maykaya’t may kapangyarihan, at namumudmod sa pinagdamutan.  At ang true-to-life stories ang balon na pinaghahalawan ng pagiging “action king,” isang titulo na nabakante dahil sa pagbagsak ng kita ng komersyal na pelikula at nagpalaho sa pelikulang aksyon at bakbakan, mga pelikulang mahal ang gastos at spesipiko sa kalalakihan ang audience.

Hanggang sa buhayin muli ang patay ni ER Ejercito (na siya mismo ay produkto ng ilang “resureksyon”).  Nang buhayin ito ni Ejercito, siya ay gobernador na ng Laguna (kaya dalawa na ang aktibong artistang gobernador, kasama si Vilma Santos ng karatig-probinsyang Batangas).

At ito ang malinaw na lumalabas na politika ng Manila Kingpin, na ito ay nakaugnay sa politikal na karir ng artista nito, na siya rin naman bahagi ng formulasyon ng mga action king na naging politiko:  matagumpay sa genre ng bakbakan, nagtatagumpay dahil sa paghalaw sa buhay ng Robin Hood na tauhan, nagiging ikoniko na magpapakat sa kanilang tauhang ginampanan sa pelikula sa kanilang pagkatao sa labas ng pelikula, at magiging matagumpay—kundi man, mahahalal at mananahimik kapag nahalal—sa pambansang posisyon.

Ang ceiling nito ay hanggang kay Lito Lapid lamang, na mayroon ding biopics sa kanyang kredensyal.  Ang “junior action kings” (tignan ang hirarkiya sa genre na ito) ay nakasandal sa naunang hari’t politiko:  Bong Revilla, Jr. at Jinggoy Estrada.  Si Revilla ay sumanga na sa fantasy films sa kanyang Ang Panday series, na kahit matagumpay na halaw pa kay FPJ (Fernando Poe, Jr.) ay sa ipinagyayabang na “world-class” special effects ay pinamahayan na ng lumilipad na dragon, taong bato’t dagat, at exotikong tribu.

Kaya may kontradiksyon sa bisyong di maayos at mapagkaisahan ng direktor at artista’t producer ng Manila Kingpin.  Sa beteranong direktor na si Tikoy Aguiluz, ang nangyaring “re-edits” at ang kalidad ng mga promotional material ay kailangang magbigay pribilehiyo sa bisyon ng direktor nito.  Para kay Ejercito, “prerogatibo” naman ito ng producer, pati ang obserbasyong “mabagal ang pacing” at maglapat ng panibagong musika sa pelikula.

Sa pelikulang napanood ko para sa 2011 Metro Manila Film Festival ay namumutiktik sa tensyon.  Una ay ang elaborasyon ng Robin Hood na buhay, lalo na sa unang bahagi ng pelikula, ay “walang puso” at nakakakuha lang ng atensyon dahil sa black-and-white na kalidad ng pelikula at ilang piling eksena, tulad ng shoot out na gamit ang kalesa.

Ikalawa, ang fragmented na storytelling (paano mo nga naman ire-remake ng ikaanim na beses si Asiong, na ang pinakahuli pang remake ay iyon mismong gawa rin ng artista mo?) ay nasasalo lamang sa pamamagitan ng artistikong shots at staging ng action.  Kabilang dito ang duelo ni Asiong at ng isa pang kasamahang hoodlum sa kulungan sa ilog at tuyot na lugar.

Kasama rin dito ang homage scene sa ending.  Sa pagtungo ng karwahe ni Asiong sa libingan ay nagkaroon pa ng engkwentro.  Akostikong “Mad World” ng Tears for Fears ang lingering soundtrack habang ang montage ng madugo’t stylistikong kumprontasyon at patayan (re: masaker) ay ipinapakita.  Sa akin ay matagumpay ang eksena, kinausap ako ng postmodernong eksena sa klase ng aking kasulukuyang historikal na positioning (1980s kid, nakakapanood ng Hong Kong new wave action films, at Korean gangster movies).

Ang problema sa remake ay ang kaubusan ng pwede pang masasabi:  na kahit pa hindi “klasikal” ang turing sa mga naunang Asiong Salonga (isipin na lang ang remakes ni Lino Brocka at Ishmael Bernal ng Maynila at City After Dark ng indie filmmakers; pati na rin ang remake ni Celso Ad. Castillo ng sarili nitong obrang Ang Pinakamagandang Hayop sa Balat ng Lupa), ay ikoniko ang historikal na figurang pinaghahalawan.

Tulad din ito ng proliferasyon ng Rizal biopics sa sentenaryo ng kamartiran ng pambansang bayani, ang kaibahan nga lang, installment ang Asiong Salonga.   May subersibong potensyal pa rin dahil nga ang binibigyan-buhay para sa ibang henerasyon—ang binubuhay na patay ay ang bangkay ng kriminal, ang bayani ng masa na minahal ito.

Sa isang bansa na mas dumadaling magkabaligtad ang pwesto ng bayani’t kriminal, nananatiling makabuluhan ang buhay at ang muli’t muling pagsasabuhay ng pelikula kay Asiong Salonga.