PED XING

Sendong


Mga tulang alay sa mga biktima ng bagyong Sendong at ng sistemang pinalalamon ng kasakiman ng iilan lamang sa sanlaksang nabibilang sa ating lipunan.

Sa tala ng Rmp Nmr (Rural Missionaries of the Philippines Northern Mindanao Region, mahigit sa 409,119 na indibidwal–mula sa 45,989 pamilya–ang nasalanta ng bagyong Sendong. Mula sa talang iyon, 984 ang nasawi. Ngunit hindi Sendong ang ugat ng sakuna sa Hilagang Mindanao. May isang sistema na maituturong puno’t ugat ng sakunang ito: isang sistemang pinalalamon ng kasakiman ng iilan lamang sa sanlaksang nabibilang sa ating lipunan.

Pula ang Lupa

Noel Vinoya Gomez

Sabi sa bisa,
pinuta ng tinupa
ang landas na sandal
sa salin at lisan.
Walang takas ang aming katas
sa malapad mong palad
at sa ginawa mo sa aki’t inagaw
nilampasan ko pa ang sinampal
kaya ngayon, tanging meron ako
kawalang pag-asa’t  malakalawang na buhay.
Sakal mo’ng buo kong lakas,
at buong talab sa balat
dahil hindi naman katawan ng kawatan
buo kong katawan
at nakulob, nabulok
nawalan ng angas
aking mga sanga.
Gagawin kong panakip lubak ang bulak
tatalian na ang alitan
aawatin na’t aawitan
ang tahol ng hatol
laban sa mga pekeng banal
bago maging pula ang ulap
at maging singpula ng dugo ang lupa.

Si Noel Vinoya Gomez ay nagtapos ng Bachelor in Secondary Education (Major in English) sa University of Santo Tomas. Kasalukuyang private tutor. Madalas magluto, nakikinig sa rock music at magbasa ng mga librong akda at limbag ng kapwa Pilipino sa sariling bansa. Ang mga gusto niyang mabago sa Pilipinas: lakihan ang sahod at damihan ang benefits ng mga manggawang nagpapakahirap upang iangat/mapaganda ang ekonomiya ng bansa; mawala ang mga naglalakihang gusali’t establisyamento, taniman ng mas maraming halaman at puno; at mas tangkilikin ang produktong Pinoy.

*  *  *

Anarkismo Ng Liberalisasyon

Ramon Quizon

Anuman ang gawin ng mga naghaharian
sa itinayong kaayusan iisa ang patutunguhan

Debolusyon ang tawag
sa kapangyarihang pinaghahatian
upang bawat bayan
matutong gumuhit ng sariling kapalaran.

Balangkas na kodigong salalayan
biyayang lakip sa lokal na pamahalaan.
Kinalos na kasakiman sa sentrong pamahalaan
tanging pamanang pinag-iimbutan.

Pakiwari’y kabuhayan mapapabuti
bagkus pinagtulungan pagpapahirap sa bayan.
Likas na yaman di pinahahalagahan
dayuhan hinayaang kalbuhin ang bayan.

Sariling bayan ng may akda
pinarusahan ng baha.
Akdang pamamahala na nagpabilis
at nagpatindi ng paggahasa sa yaman ng bansa.

Liberalisasyon sa kapangyarihan
Liberalisasyon sa kabuhayan
Liberalisasyon sa kabundukan
Anarkiya ang patutunguhan

Sa patuloy na globalisasyon, naaagnas na ang bayan!

Si Ramon Quizon ay isang mangangalakal (trader), may asawa at 2 anak. Taga-Cabagan, Isabela. Ipinanganak noong ika-1 ng Enero, 1980. Isang protestante at nag-aral sa Metro Manila Bible School. Nag-organisa sa hanay ng mga maralitang lungsod, mga manggagawa, propesyonal atbp.

*  *  *

Pakikiramay sa Mga Nadamay

Emmanuel Halabaso

Hatol ng kalikasan waring tahol
na umalingawngaw sa dila ng mga dilat
na namatay sa lunod ng anod
nadamay sa ganid na negosyo na nagpauso
ng pagputol ng puno sa bundok ng ninuno
napanot na bundok nagdudulas na lang ang ambon
kampeon sa pagtitiis ang nalitis
sa bawi ng nasawing kalikasan
at ito na nga,
nagdurusa ang nagkusa
ng malinis na pamumuhay
at silang dahilan ng kasalanan
nasa kanilang kama at nakatanga
buong araw na naghihilik ang mga lintek
habang silang wala naman muwang sa pagtunaw
ng kalikasang likas namang tagapagbuhay
ay namatay sa kamay ng mga kaaway
dalawa ang sawi sa pag-iwas na maturo
kalikasan at ang mga tao ang tunay na talo
kung akala nila tapos na ang laro, sila ang panalo
nagkakamali sila,
nagsisimula palang ang pangkat
na hahatol sa nandamay sa tahol ng kalikasan
bukas, pagbukas ng pagkakataon
taon-taon, buwan-buwan, araw-araw, minu-minuto kang dadalawin
ng panawagan ng mga nakikiramay at nadamay
sa makalupa mong pamumuhay
na nagkulay pula sa lupang mga bangkay ang nakahandusay.

Si Emmanuel Halabaso ay isang guro sa pampublikong paaralan (sekundarya). Isa sa mga pinalad na graduate ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP) sa kursong AB Filipino. Hilig niyang sumulat ng tula at maikling kuwento. Mahilig din magbasa ng kung anu-ano. Nais lang niya mabago ang buhay sa Pilipinas.

*  *  *

Naanod Na Pangarap

Lenkurt Lopez

bakas na’ng lungkot ng bukas
sa nawasak na tahanan
sa putik ng mundo
maihahabilin ang adhikain
pagtangis pa rin ang mangingibabaw-
sa pagdungaw ng liwanag
luha ang yumakap
sa mga naanod na pangarap

bakas na ang pagkaway bukas
ng mga nagtanim ng putik
bukas palad sa mga biyayang
hindi maipapalit-
sa buhay ng mga pumanaw

budhi ng minero
ang mineral
kawangis ng pawis ang dugo
buhay ang kaukulang buwis
sa pakikipagtalik ng dilim
sa kalikasan

Si Lenkurt Lopez ay kasalukuyang nakabase sa lalawigan ng Quezon; tagasalba ng mga sirang cellphone at alipin ng tarpaulin printer.

*  *  *

Maiba-taya

Lorena Castro

Wag daw ibunton ang paninisi
sa mg kapitalistang nakangisi;
nais lamang nila ng limpak na pera,
habang kalikasAn nati’y nasisira
ay naiipon ang tubo sa kanilang bulsa
na itatakas tungo sa kanilang bansa.

Wag daw ibunton ang paninisi
sa lokal na korporasyong nakaismid;
habang bagyo’y patuloy na kumikitil
dila ng mga opisyal ay tila naumid
“climate change” kanilang ipinipilit,
“kasalanan ng mga tao”, kanila pang giit.

At mas lalong wag daw ibunton ang paninisi
sa pang(g)ulong mahilig gumala’t magparti;
ayaw niya lang magpapogi sa kamera
o magmukmok sa gitna ng trahedya.

Ngunit…
kanino ba dapat ang sisi?
sa taumbayan bang naapi?
sa daan-daan bang nasawi?
sa mamamayan bang sinalanta?
o di kaya sa kanilang di pa nakikita?
silang di sigurado kung lulutang pa,
o kung tuluyan nang nilamon ng baha.

Ang pagdurusa ngayon ng buong bansa,
wag daw natin isisi sa pang(g)ulong gala
kung ayaw nating siya ay maglupasay
o si Kris ay magsalaysay ng walang saysay
pag si panot ay di nakapunta sa piging
na matagal niyang tinungangaa’t hinintay.

“KRIS: DI NAMAN NIYA ALAM NA MAY GANUNG MANGYAYARI,
MATAGAL NA KASING NAKASCHEDULE YUNG PARTY.”

*sa panahon ng kagipitan, maiba-taya
na lang kung sino ang tunay na may sala.

12/20/11

“Sumulat para sa tao, hindi para sa Tao.” Ito ang naging matibay na pundasyon sa pamamanitik ni Lorena Castro sa loob ng ilang  taon. Tubong Cavite at panganay sa tatlong magkakapatid kaya nahubog sa katatagan ang kanyang personalidad. Bata pa lamang ay mahilig na sa pagbabasa at pagsusulat si Lorena. Lalo itong nahubog nang magmedyor siya sa asignaturang Filipino ng Pansekundaryang Edukasyon sa Pamantasang Normal ng Pilipinas.

*  *  *

Sa Kawang-gawang Sinungkit Sa Labi

MJ Rafal

ginagahasa nila ang lahat ng mayroon   tayo
ginagahasa nila ang umbok ng bundok
ginagahasa nila ang kaparangan
ginagahasa nila ang taimtim na tulog ng ilog
ginagahasa nila ang kasapatan ng karagatan
ginagahasa nila ang yaman ng kagubatan
ginagahasa nila ang lahat nating karapatan
na     mabuhay

ginagahasa nila ang lahat-lahat sa atin     tayo
ang biktima    at    ipamumukhang tayo  at     tayo
pa rin     ang salarin

tayo at tayo ang ginagahasa at wala pa rin    tayo
sa kamuwangan ng            pagtindig

namatay ang isang ina, laksang mga anak
namatay, namatay ang kuya at isang ate ang nalamog
ang dibdib, namatay ang sanggol sa lunod at namatay
ang lola sa piling ni lolo sa tagpo ng creek, naipit ang mga ulo

nakanganga ang mga sinalanta at ginahasa
naninigas na kamay at paa, malamig,       nakahihindik

hinahanap ng ama ang dalawang anak, ang asawa
ang mga magulang ang biyenan, hinahanap ng kaluluwa
ang unawang bakit sa sako humahantong ang bangungot
hinahanap ng biktima ang sarili sa putik, hinahanap
ng sarili ang pasko sa tumuwad na kotse at mayabang
na troso

ginahasa, ginagahasa at gagahasain nila tayo
lahat-lahat, mulang bumbunan hanggang kasukasuan

sila ang magmumukhang mabuti, sa huli
sila ang magmamabuti
sa kawang-gawang         sinungkit sa labi
ng nagdadalamhati
nakangiti
sila
sa TV
silang gumagahasa sa      atin.

Si M.J. Rafal ay mahilig tumula. Paborito niya ang linyang “Poetry, like bread, is for everyone.” ni Roque Dalton. Ilan sa mga idolo niya sa pagtula ay sina Stum Casia, Kislap Alitaptap, Pia Montalban at si Alexander Martin Remollino. Mahilig din siyang magbasa at maglakad.