Ako ay ikinulong
Kinasuhan ng gawa-gawang kasong kriminal
Itinurong nangidnap, pumatay
Ng isang taong ni sa panaginip ay di ko pa nakikita
Isinakdal sa korteng may hawak
Ng timbangan ng katarungan
Ngunit may piring ang mga mata
Isinisigaw ng aking buong pagkatao
“Inosente ako!”
Ngunit walang makarinig
Sapagkat ang hukumang may piring,
Instrumento ng estadong sa akin ay umusig.
Life imprisonment, reclusion perpetua
Sa akin ay parusa
Masong pumukpok sa lamesa ng hukom
Umalingawngaw sa nabibingi kong tainga
Isinisigaw ng aking diwa
Bakit ako nagdurusa sa kasalanang ‘di ko naman ginawa?
Sa isang sulok ng aking mata
Aking nakikita, nakangisi
Ang demonyo, nagbubunyi
Sa kanyang pagkapanalo
Pinigil ko ang pag-iyak
Upang sila’y ‘wag lalong magalak.
Pagbalik sa seldang malamig
Sarili ay hinahamig
Yakap ang unan sa gabi-gabi kong kapiling
Hinahayaang ang luha ay dumaloy na kanina pa pinipigilan
Mga hikbi na naging hagulgol
Na bumubulabog sa gabing tahimik
Kasalanan bang ipagtanggol
Ang karapatan ng mga magsasaka?
Kasalanan bang sumama sa welga?
Upang igiit ang makatarungang pasahod at paggawa?
Kasalanan bang ubod lakas na isigaw
Ang hustisya laban sa pamamaslang
Na itong berdugong gobyerno ang may gawa?
Kasalanan bang ipagtanggol ang kasarinlan ng bansa?
Hindi! Hindi! Hindi!
Ngunit para sa naghaharing uri,
Kasama ng kanilang mapamuksang estado
Ito ay isang malaking kasalanan
Na nararapat gawaran ng kaparusahan
Upang ang mga tulad ko ay takutin
At tanggalan ng lakas para lumaban.
Nag-uunahan sa pagdaloy ang aking mga luha
Nalulunod sa pighati ang aking puso
Ngunit ito ay hindi tanda
Ng aking pag-atras at pagsuko
Sapagkat ang lahat ng aking ipinaglaban
Ay higit pa sa tumpak, husto, at makatwiran
At kahit saan mang larangan at kapanahunan
Ay patuloy akong maninindigang
Ang pagtindig sa hanay ng api
Ay ‘di krimen o kasalanan.
Nagbabanta ang aking diwa
Estadong mapaniil, hindi ka magtatagumpay!
Malapit na ang araw na ang iyong mapang-uyam na ngiti ay mapapawi.
At mapapalitan ng takot at panginginig
Sapagkat malapit na ang bukang-liwayway
Ng pagpupunyagi
Tangan ang maso’t karit
Upang tapusin ang pagsasamantala at pang-aapi.
Umalingawngaw ang kanayunan
Humihiyaw ang kasyudaran
Puso’t diwa iisa ang isinisigaw
Kalayaan! Kalayaan!
At bukas kami ay sasama sa daluyong
At sa gintong araw na iyon
Hukumang bayan ang hahatol
Estadong naghahari
Palitan na at itapon!
Marso 20, 2024