Mga tulang lumilikha ng makata
Rebyu ng Pag-aaral sa Oras: Mga Lumang Tula tungkol sa Bago ni Kerima Lorena Tariman. High Chair. 2018
Sa panahong tumitindi ang pag-atake sa mga kritikal at progresibo hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo, tiyak lalo pang tumataas ang interes ng kabataan sa mga tinig na pilit pinatatahimik. Dumarami ang gustong unawain ang mga radikal na alternatibo. Kaya kahit mag-iisang taon na ngayong Mayo 2019 mula nang ilabas ng High Chair ang Pag-aaral sa Oras: Mga Lumang Tula Tungkol sa Bago ni Kerima Lorena Tariman, bago pa rin ito. Kahit may dalawang dekada na ang nakalipas nang isulat ang mga tula, mahirap itong maluma dahil pagbabago mismo, rebolusyon ang paksa nito.
Naglalaman ng ilampung orihinal na tula ang koleksiyon na nahahati sa mga seksiyong “Multo,” mga tula sa lungsod; at “Mutya,” mga tula sa kanayunan. Mayroon ding ikatlong naglalaman naman ng “Mga Salin.”
Makapangyarihan na sa kanilang sarili ang mga tula (ang ilan ay nauna nang nailimbag) subalit sa pagkakatipon ng mga ito sa isang koleksiyon, ito’y nagiging isang mas makapangyarihan pang paglalakbay. Naglalahad ito ng kuwento ng transpormasyon ng kamulatan at praktika ng isang estudyanteng tagalungsod na sa huli’y magpapasyang lumahok sa rebolusyon sa kanayunan. Malamang maraming kabataang naghahanap ng kanilang papel sa lipunan ang makikita ang kanilang sarili sa mga tula sa koleksiyon. Kundiman, makatutulong itong magpaliwanag kung bakit pinipili ng iba ang ganitong “pagbabahagi ng sarili sa sambayanan” (mula sa “Pag-aari ko ang ang aking Sarili”).
Kagaya ng mga rebolusyon, kritikal at mapanlikha ang mga tula ni Tariman. Sa isang banda’y binabasag ang mga pinagpipitagan at establisadong institusyon gaya ng pormal na edukasyon, mataas na sining/panitikan, at tradisyunal na pamilya; sa kabila’y itinataguyod ang alternatibo at bagong pagkatuto at pagtuturo, bagong panitikan at sining, at bagong pamilya at pag-ibig. Kinikritika ang pagmamataas ng mga lumang institusyon para bigyang-pugay ang karunungan ng maralita.
Sa tulang “Serye ng Sobresaliente,” ipinagtapat ang edukasyong pangkolehiyo sa panunulisan:
Wala akong diploma.
Naisip kong magpapeke
Sa Recto-Avenida
Ngunit ginawa kong magpatunay
Sa pasya ng Kabesa.
Sa pamamagitan naman ng mga simpleng tugma at mga kongkretong imahe, dalubhasang naisasakapsula sa mga tulang “Aralin sa Ekonomyang Pampulitika,” “Muni-muni ng Mandirigma,” “Pag-aaral sa Oras,” “Natural,” at “Kalikasan/Lipunan,” ang mga komplikadong Marxistang konsepto ng batas ng halaga, diyalektika, materyalismo, pagpuna at pagpuna-sa-sarili, digmang bayan, at tunggalian ng uri. Pagpapatotoo itong maaari ring matuto at magturo sa mga “alapaw” (maliliit na kubo), kaklase ang mga magsasaka.
Habang may mga tula ng pag-ibig para sa indibidwal, sa Bikolanong tulang “Paglaum” ay ipinanguna ang pag-ibig para sa rebolusyon:
Kaya hindi na ako umaasa
Na matatawag kitang “asawa,”
Ang hiling ko lang:
Ang lagi ka lamang
tawaging “kasama.”
Samantalang ang natatanging tula ng ina (“kuliglig”) ay isa ring tula ng “pagtanggi sa pagiging maternal” (mula sa “Kuwatro Kantos”).
Tampok din ang relasyon ng kalagayang obhetibo at elementong suhetibo, parehong salik sa mga rebolusyon. Malinaw ang mga imahen ng materyal na realidad ng kahirapan pareho sa lunsod at kanayunan. Sa seksiyong “Mutya,” isinalarawan ang pagragasa ng “kalamidad ng malapyudalismo” at “operasyon ng mga asong ulol” (mula sa “Dalawang Tula”) sa mga “lugar na nakaligtaan ng oras” (mula sa “Taisan”).
Kasabay nito, binibigyang-diin ang usapin ng pagkamulat at pagpili. Ipinupuntong ang pakikibaka ay hindi sapilitan, bulag, o desperadong tulak – isa itong mahaba, hindi basta-basta, at paulit-ulit na pagpapasya. Ang tulang “Mutya” ay tula ng pag-ibig para sa pagtangang ito:
Ang aking mutya ay ang pasya ng bawat api,
Na tanganan ang kapalaran at palayain ang uri!
Mapaglaro rin sa wika at porma ang mga tula. Ang pag-unlad ng kamulatan ng persona ay nasasalamin sa pagbabago sa bokabularyo mula sa seksyong “Multo” tungo sa “Mutya.” Mapapansin ito halimbawa sa unti-unting paggamit sa wikang Bikalano at Ilokano habang nagbabago ang mga tagpuan mula “Cubao” at “Quiapo” tungong “Lambak Cagayan” at “Ragay Golpo.” Gayundin, ang paminsang paglalaro sa pagkasalansan ng mga salita sa pahina, na makikita sa mga unang tula (“bugtong,” “hungkag,” “Gusali,” “Kasalo”), ay mapapalitan sa ikalawang seksyon ng mga simple at kumportableng tugmaan. Nilipat ang diin mula sa biswalidad tungo sa katangiang oral ng tula. Tugma ito sa temang pagtungo sa kanayunan, kung saan mas kaunti ang may kasanayang magbasa.
Sa pagtatampok sa mga makatang mula sa iba’t ibang panahon, rehiyon, at bayan, tila ipinaaalala naman sa seksiyong “Mga Salin” ang katangiang inter-henerasyunal, inter-rehiyunal, at internasyunal ng rebolusyon.
Sa huli, tapat ang koleksiyon sa panatang “tula ang siyang dapat na lumikha sa makata” (mula sa “introduksyon”). Sa paglalahad mismo sa masalimuot na proseso ng pagkalikha sa isang makata, gamit ang wikang pinakamauunawaan ng mga makata mismo – mga tula – nag-aambag ang koleksyon sa aktwal na paglikha hindi lang ng basta-bastang mga makata, kundi ng mga makatang, ayon sa tulang “Hukbo ng Maralita,” naghahangad: