Corona, hinamon na manatiling pabor sa magsasaka ng Luisita


Sa gitna ng nalalapit na impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona, hinamon ng mga magsasaka ng Hacienda Luisita ang punong hukom na panindigan ang utos ng Korte Suprema na ipamahagi na ang asyenda ng pamilyang Cojuangco-Aquino. Ayon sa Alyansa ng Manggagawang Bukid sa Asyenda Luisita (Ambala) at Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luzon (AMGL), kinokonsulta […]

Patuloy ang pagtanim at pagkalinga sa lupa ng dating mga manggagawang bukid ng Hacienda Luisita habang ipinaglalaban nila ang mga karapatan. (KR Guda)
Patuloy ang pagtanim at pagkalinga sa lupa ng dating mga manggagawang bukid ng Hacienda Luisita habang ipinaglalaban nila ang mga karapatan. (KR Guda)
Patuloy ang pagtanim at pagkalinga sa lupa ng dating mga manggagawang bukid ng Hacienda Luisita habang ipinaglalaban nila ang mga karapatan. (KR Guda)

Sa gitna ng nalalapit na impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona, hinamon ng mga magsasaka ng Hacienda Luisita ang punong hukom na panindigan ang utos ng Korte Suprema na ipamahagi na ang asyenda ng pamilyang Cojuangco-Aquino.

Ayon sa Alyansa ng Manggagawang Bukid sa Asyenda Luisita (Ambala) at Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luzon (AMGL), kinokonsulta ng mga benepisyaryong manggagawang-bukid ang kanilang mga abogado hinggil sa pagsagot sa motion to clarify and reconsider na inihain ng manedsment ng Hacienda Luisita, Inc. (HLI) noong Disyembre 19. Kinokonsolida rin umano ng mga magsasaka ang kanilang hanay para sa anumang desisyon ng korte.

“Alam ni Chief Justice na pinatatalsik siya ni Pangulong Aquino pangunahin dahil sa isyu ng Hacienda Luisita. Naniniwala kaming ‘pinagalitan’ ang pangulo ng kanyang mga kamag-anak dahil sa kabiguan niyang pigilan ang Korte Suprema na maglabas ng desisyon na pabor sa mga manggagawang bukid. Nananawagan kami sa korte na kagyat na ibasura ang mosyon ng mga Cojuangco at simulan na ang distribusyon ng asyenda,” ani Joseph Canlas, tagapangulo ng AMGL.

Ayon sa mga manggagawang-bukid, “walang bago” at para nang “sirang plaka” ang mga argumento at panukala na inihain ng manedsment ng HLI sa kanilang mosyon. Kabilang dito ang pagsasagawa ng referendum, pagkakaroon ng 10-taong moratoryo sa pagbebenta ng lupa, at hindi pakikialam ng Korte Suprema sa pagtatakda ng halaga ng lupa o land valuation.

Iginigiit ng pamilyang Cojuangco-Aquino na bayaran sila ng gobyerno ng minimum na P1 Milyon kada ektarya ng asyendang ipapamahagi sa mga magsasaka.

Ayon kay Canlas, “Malinaw na patuloy na pinangangalagaan ni Pangulong Aquino ang interes ng kanyang mga kamag-anak, dahil hindi nito mapangunahan ang pamamahagi ng Luisita.”

Babala pa niyang baka si Aquino naman ang posibleng ma-impeach kung magtatalaga ang Pangulo ng Chief Justice na magbabaliktad sa naunang desisyon ng Korte Suprema hinggil sa isyu ng Hacienda Luisita.

Samantala, magsasagawa naman ang mga magsasaka ng mas malawak pang “bungkalan” ng mga lupain sa asyenda, habang hinihintay ang pamamahagi ng gobyerno sa lupa. Ito umano ang pinagkasunduan sa isang pulong Ambala noong Enero 3 sa Brgy. Balete, na dinaluhan ng 700 manggagawang bukid.

“Sabik na sabik ang mga magsasaka na bungkalin ang lupa…Wala nang makakapigil sa amin na ayudahan ang pamamahagi ng lupa, lalo at inutos na ito ng Korte Suprema,” sabi ni Felix Nacpil Jr., tagapangulo ng Ambala.

Noong Enero 5, nagsampa na rin ang Ambala ng petisyon sa Korte Suprema para ipawalang-bisa ang land use conversion order ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa 500 ektarya ng asyenda na inaangkin ng Rizal Commercial Bank Corp.

“Dapat ipawalang-bisa na ang kautusang ito ng DAR dahil hindi naman napaunlad ang lupa sa loob ng limang taon simula noong 1996. Iginigiit namin na dapat umalis na sa asyenda ang RCBC,” ani Canlas.