Pinoy Weekly

Migrante, nadismaya sa pagsibak sa ‘sinserong’ administrador ng POEA

Dating POEA Administrator Carlos Cao Jr.

Dating POEA Administrator Carlos Cao Jr.

Dismayado ang Migrante International sa Middle East sa pagkakasibak sa puwesto kay Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Administrator Carlos Cao Jr.

Sinabi ni John Leonard Monterona, regional coordinator ng Migrante-Middle East, na ipinagtataka nila kung bakit tinanggal ng administrasyong Aquino sa kanyang tungkulin sa pagsisimula ng taon si Cao.

Itinuturing umano ng Migrante si Cao bilang isa sa iilang “bukas ang isipan at sinsero” sa pakikitungo sa mga migrante, sa lahat ng naging mga hepe ng POEA.

“Bago pa lang siya sa kanyang tungkulin, ngunit nakita na namin ang kanyang sinseridad at mabuting mga hangarin para sa mga OFW. Katunayan, agad siyang nagsagawa ng mga konsultasyon sa amin upang malaman ang aming mga interes at kahilingan,” paliwanag ni Monterona.

Sinabi naman ni Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante, na sa maiksing panunungkulan ni Cao, nakipagkaisa ang POEA sa mga migrante para labanan ang mga kaltas-badyet sa serbisyo sa mga migrante at para sa mas mataas na subsidyo sa mga serbisyong OFW.

“Pinayagan pa nga niya kaming magtayo ng petition-signing booths sa POEA,” sabi pa ni Martinez.

Inalis si Cao sa kanyang puwesto noong Enero 1, matapos ang isa lamang taon ng panunungkulan. “Please give me some dignity,” naibulalas diumano ni Cao, sa kanyang pagkakasibak sa hindi pa malinaw na kadahilanan.

I was informed verbally a few days ago by higher-ups at DOLE (Department of Labor and Employment) that they want to replace me,” ang saad ni Cao noong nakaraang Disyembre, “but I have not received anything from the Office of the President.”

Wala ring agarang naging pahayag si maging si Labor Secretary Rosalinda Baldoz ukol sa pagkakasibak sa puwesto ni Cao.

Gayunman, sinabi ni Cao na ikinagagalak niya ang mga pahayag ng Migrante. “These are little things but these are what our workers appreciate. I think I’m the only POEA chief who has not been picketed by our workers. ’Yung iba, nirarali araw-araw,” ani Cao.

Sinabi ni Cao na sa ilalim ng kanyang panunungkulan, nagkaroon ng 3.74 porsiyentong pagtaas ng depolyment sa mga OFW— aabot sa halos 1.5 milyon mula Enero hanggang Nobyembre noong nakaraang taon, kumpara sa halos 1.4-M noong 2010. Tumaas rin ng 7 porsiyento ang remitans ng mga OFW: $15.4 Bilyon noong Enero hanggang Oktubre 2010 tungo sa $16.5-B noong nakaraang taon.

Si Labor Undersecretary Hans Cacdac ang nakatakdang humalili kay Cao sa ahensiya.

email

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=17526

avatar Posted by on Jan 10 2012. Filed under Balita, OFW. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Pinoy Print Issues

Eskinita: Ang Alternatibong Ruta

Log in | Designed by Gabfire themes
More in Balita, OFW (495 of 1321 articles)