FEATURED

Problema sa fantasya


Rebyu ng Enteng ng Ina mo (Tony Y. Reyes, direktor, 2011) at Panday 2 (Mac Alejandre, direktor, 2011)

Rebyu ng Enteng ng Ina mo (Tony Y. Reyes, direktor, 2011) at Panday 2 (Mac Alejandre, direktor, 2011)

Ang fantasy film, na ang premis ay nakaangkla sa hiwaga at kababalaghan (kaya rin maaring i-argue na ang kasalukuyang horror films, lalo na ang galing sa Star Cinema, ay mga fantasy films din) na mga parallel na mundo, at umiinog, tulad ng sa horror films, sa kontestasyon para sa restorasyon ng moral na uniberso.

Sa pagpasok ng matagumpay na franchise ng Enteng Kabisote: Okey ka, fairy the legend (2004) na hango sa matagumpay na sitcom sa telebisyon, nabago ang idea ng “Filipino blockbuster.”  Dati, ito ay mga action film (pelikulang bakbakan) na sa machong kapangyarihan ng lalakeng manonood ay kayang tustusan pa ang pampamilyang libangan na ito (kaya hindi hayagang sexual at lantarang family melodrama ang storya).

Dati na rin ang melodrama na sentral ang pinakamalaking babaeng artista rito:  teeny-bopper at young adult na pelikula ni Sharon Cuneta na halaw din sa teeny-bopper na unang pelikula ni Nora Aunor at Vilma Santos.  Pero sa pagbagsak ng industriya ng pelikula noong huling bahagi ng 1990s, iba ang sumalo ng box-office na genre—ang pelikulang fantasya.

Ito ang mga pelikulang pinagkakagastuhan nang husto ng prodyuser (na kabahagi rin ang artistang lalake rito), gumagamit ng mamahaling special effects, at ang investment-over-time ay patuloy na tinatamasa bilang matagumpay na franchise.  Madalas, at maliban sa “family values” (na kasama sa premium ng Metro Manila Film Festival (MMFF) na madalas pinagpapalabasan nitong mga pelikula), wala nang pagkaugat ang mga ito sa “kulturang Filipino.”

Ang Panday na di na nakaangkla sa ethos ng naunang panday ni Fernando Poe, Jr.:  angst-y, nakaangkla pa ang pagkatao sa lipunang kinabibilangan, at mga saga ay nakabatay sa ilan pang paniniwalang folk.  Ang Panday ni Ramon Revilla, Jr. ay purong fantasya: komunidad na walang ginawa kundi magpatuyo ng tela, lumilipad na mga dragon at may komunidad pala ang mga ito, kwento na natuto na sa “franchise films” na ikinukwento na ang magiging suliranin para sa susunod na installment, at iba pa.

Ang media ng pelikula ay isa nang fantasya sa tatlong antas:  una, tulad ng mga manufakturang produkto, ang finished product ay nagiging magical, walang human labor na makikinita (di mapapansin ang manipis na shooting days, ang droga na nagpagising sa mga nagtrabaho para matapos ang pelikula, at ang dibisyon ng paggawa); ikalawa, ang panonood ay gayundin (sa pagtatangkang hakutin ang surplus na kita ng ordinaryong mamamayan na hindi naman ordinaryong nakakapanood sa labas ng bonuses ng Pasko at MMFF), hindi na naiisip ang sinupil na paggawa para lamang matustusan ang panonood ng pamilya sa mall.

At ikatlo, ang suspension-ng-disbelief  sa panonood, walang kokontra na wala namang dragong lumilipad o parallel na uniberso si Enteng na kailangang sagipin ang kanyang asawa (na magic na paiba-iba’t nakakahulog-panga na asawa niya dati na magiging biyenan niya sa ibang installment).  Madadagdag pa rito ang mismong fantasya sa pelikulang fantasya:  ang ikaapat, na kahit ano tutugma sa sangkap ng naratibo’t motibo sa pagtitiyak ng box-office potential nito, ay kaya itong ipaloob dahil nga pelikulang fantasya naman ito.

Kaya parang double-with feature (two-for-one) na value ang Enteng ng Ina Mo dahil pinagsanib ang pwersa ng pinakamatagumpay na franchises sa MMFF:  si Enteng at Ang Ina Mo na serye.  Purong fantasya rin ito dahil magagawa ng pelikula na plantsahin ang mga gusot at batayang premis ng pinaghalawang dalawang franchises.

Integral ang pelikulang fantasya sa ofisyal na “fantasy production” ng estado na higit pang pagdamutan ang abang uri para ilagay na lang ng mayorya sa kanilang kamay ang dapat ay obligasyon ng goberyno’t historikal na pribilehiyado.  Sa mga pelikula, halimbawa, ang posisyon ng manonood ay walang ahensya:  hindi niya kontrolado ang kanyang expektasyon dahil ito ay idinikta na ng premis na ito nga ay pelikulang fantasya.

At dahil ito ang value-for-money (malalaking bida, mamahaling special effects) at across-the-board audience ng isang buong pamilyang Filipino, ito ang puntirya’t afinidad ng fantasy production:  gawing docile at magsawalang-kibo, handa pa ring magbayad at malibang, bitbit ang buong pamilya sa isang beses isang taon na panonood ng sine, at matiyak na sa susunod na MMFF, naroroon pa rin silang tagatangkilik.

Ang problema sa fantasya, among others, ay ang problema ng pagtangkilik:  ang pinapatangkilik ay ang isang textong media na kumakatawan (embodiment) ng ethos ng estado:  buo, aktibo, nakapaloob sa ritual ng demokratikong partisipasyon, pero hindi mababago at kayang baguhin ang planadong laro ng estado.

Kaya ang Shake, Rattle and Roll ay aabot sa ika-13 installment nito, at sina Panday, Enteng at ang Ina ay kung ano-ano pang sagang magkakatulad lang naman, pati ang big-budgeted na horror film, o ang matipid sa produksyon na melodrama ng mag-asawa ay magiging spongha na maglalaman na rin ng ethos ng fantasy film.   Anong ganda ng spektakulo ng pinakamalaking festival sa bansa, na ang tanging adjustment ay kung paano ang manonood ay patatangkilikin ng lamig na kanin at tira-tirang rekados?