FEATURED

Kulob, singaw, sabog o ang patayan ng abang uri


Rebyu ng Amok (Lawrence Fajardo, direktor, 2011)

Rebyu ng Amok (Lawrence Fajardo, direktor, 2011)

Sa Amok, ang magkakasalikop na buhay ng nagbibilyar at nagsusugal, nagbebenta ng barbeque, ukay-ukay at baril, mga pasaherong nag-aabang sa terminal, laos na personalidad at ang kanyang dinehadong transvestite na puta, mga tambay sa kalye’t batang nagbebenta ng sigarilyo, baklang bugaw, magkapatid sa van, galamay na pulis, at iba pang nilalang—mga taong hindi magkakakilala liban sa pagkakatipon sa arbitraryong sandali sa kanto ng EDSA at Pasay Taft—ay tinatahi bilang ordinaryong buhay sa bansang ito.

Kunsabay, hindi ordinaryong abitraryong sandali ang panahon ng pelikula.  Ito ay konsumasyon ng matagal-tagal na buhay ng mamamayan, syudad at bansa sa ilalim ng kultura ng impunidad.   Walang pakundangan ang karahasan dahil sa sistematiko’t sistemikong kasaysayan ng mga nasa kapangyarihan, at ang pagkatagos nito sa pang-araw-araw na buhay.

Ang problema sa pelikula ay inilatag ang pang-araw-araw na pagkatagos ng karahasan at kultura ng impunidad nang walang pag-uugnay sa kasaysayan at lipunang nagluwal ito.  Microcosmic ang pagsisipat, kahit pa sa pangunahing kalsada ng syudad ang binabaybay nito, na lumikha ng invisibilidad ng politikal na kapangyarihan.

May traffic enforcer pero hindi lubos na ginagampanan ang tungkulin nito.  Ang pulis ay gangster na nangunguntsaba ng panununog sa komunidad ng maralitang tagalunsod.  Ang ambulansya at imbestigador ay dumarating sa eksena ng krimen para gumawa ng post-mortem na ulat.  Walang implikasyon sa buhay ng estado.

Sa panahon ni Lino Brocka, simple lang ito:  mga poster at portrait ng opisyal sa opisina ng mayor at ordinaryong mamamayan, mga imahen sa altar, larawan ni Rambo katabi ni Marcos, halimbawa.  Sa Amok, may staging ng aksyon din naman, tulad ng eksena na ang duguang may baril ay tinatahak ang EDSA habang ang familiar na signage na “Bawal tumawid, nakamamatay” ay nasa eksena rin.

Ang resulta, tulad ng kabuuan ng pelikula, ay pastische o halong-kalamay na imitasyon ng tunay.  Hindi matalas ang politikal na komentaryo dahil sa invisibilidad ng ugnay ng MMDA, Metro Guwapo, Noynoy Aquino, Palparan, Willie Revillame, at iba pang figura ng aktwal na kapangyarihan.  At ang pinakamatindi pang problematiko ng pelikula:  ang representasyon ng abang uri.

Sa kultura ng impunidad, ang mga aktibista at journalists ang tukoy na politikal na biktima.  Pero ang abang uring mamamayan ay bahagi rin ng biktimisasyon ng estado na sa Amok ay imbis na nakakapagnilay para mapabuti ang pagdanas ng panlipunang katarungan ay nagwawala na lamang, nag-aamok, at pasensyahan na lamang kung sino ang kapwa abang uri na mabiktima.

Ito ang burgis na realismo sa indie cinema, ang bigyan-representasyon ang abang uri para lamang muli itong isadlak sa pejoratibong lunan:  ang kapasidad ng abang uri na lamunin ang kanyang kauri para lamang ang nakulob at sumisingaw ay mabigyan-pagkakataong sumabog.  Masaker ang resulta, na pati ang kahalintulad na uri ng ama sa terminal ay magiging saksi sa pagkapatay sa binatang anak, gayundin ang driver na kapatid sa van sa kanyang mas maykayang kapatid.

Nakakalibang ang pelikula dahil sa fragmentasyon ng mga tauhan, eksena at kwento, at sa kulminasyon ng ugnayan ng mga ito sa sandali ng pag-amok.  Nakakalibang pero sa expense ng abang uri, na tila nanonood lang tayo ng familiar na away ng kapitbahay na squatter, snatching at shoplifting, gulo ng jumping jologs sa U.P. Fair, at iba pang spektakulong ikinakamada sa katawan ng abang uri.

May pambobosong nagaganap sa Amok, dahil ang kalsada ang sityo ng negosiasyon ng buhay at kamatayan.  Walang redempsyon, na isang katangian ng indie cinema sa kasalukuyan.  Pero may kalitatibong pagbabago, tulad sa mga pelikula ni Brillante Mendoza.

May pagbabago dahil ang direktor, artista, manonood, sabjek na tinatalakay sa pelikula ay nakapaloob din naman sa hulmahan ng estado:  mga taong hindi magkakakilala liban sa magkakahalintulad na uring pinagmulan at lipunang kinabibilangan.  May pagkakaiba ng pagdanas batay sa pribilehiyadong posisyon sa lipunan, at mapanganib ang “ubusan ng lahi” (sa kaso ng pelikula, ubusan ng uri) na perspektiba bilang resolusyon ng historikal at panlipunang problema.