Magsasaka

Magsasaka ng palay, apektado sa pagtaas ng presyo ng langis


Nagtipun-tipon ang mga magsasaka ng palay mula sa buong bansa para ihiling sa gobyernong Aquino na itaas ang farmgate price ng palay sa P20 dahil sa patuloy na pagtaas ng gastos sa produksiyon sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis. Sa National Rice Farmers’ Conference na ginanap kahapon sa Quezon City, nagkaisa ang mga magsasaka […]

Papataas na gastos sa produksiyon, inirereklamo ng mga magsasaka ng palay (PW File Photo/Ilang-Ilang Quijano)

Nagtipun-tipon ang mga magsasaka ng palay mula sa buong bansa para ihiling sa gobyernong Aquino na itaas ang farmgate price ng palay sa P20 dahil sa patuloy na pagtaas ng gastos sa produksiyon sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis.

Sa National Rice Farmers’ Conference na ginanap kahapon sa Quezon City, nagkaisa ang mga magsasaka na resonable at makatuwiran ang kanilang hiling.

Nakapako sa P17 kada kilo ang presyo ng palay na binibili ng National Food Authority, habang binibili ito ng ibang pribadong trader sa mas mababa pang presyo na hanggang P12. Ngunit gumagastos ng tinatayang P18.75 kada kilo ang mga magsasaka na umaani ng 80 kaban ng palay.

“Habang binabalikat ng mga magsasaka ang papataas na gastos sa produksiyon, nananatiling mababa ang presyo ng palay,” ayon kay Danilo Ramos, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP).

Paliwanag ng KMP, malaki ang epekto sa produksiyon ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis na di masolusyunan ng gobyerno.

Kumukonsumo ang rotovator at hand tractor ng 600 litro ng gasolina kada cropping season, habang kumukonsumo naman ang irrigation pumps ng 150 litro. Sa presyong P55 kada litro ng gasolina, gumagastos ang mga magsasaka ng P41,250 para lamang sa gasolina.

“Ang bawat P1 na pagtaas sa presyo ng gasolina ay nangangahulugan kaagad ng karagdagang P750 na gastos kada ektarya ng taniman ng palay,” sabi ni Ramos.

Umaabot sa P75,000 kada ektarya ang gastos ng mga magsasaka, kasama na ang abono at pestisidyo, upa sa makina, at upa sa lupa.

Sa ganitong kalakaran, ayon sa KMP, nababaon lamang sa utang ang mga magsasaka para muling makapagtanim.

Dagdag pa rito, umano’y hindi kayang impluwensiyahan ng NFA ang merkado ng palay dahil nasa dalawang porsiyento lamang ng kabuuang ani ng palay sa bansa ang binibili nito.

“Lalo pa kaming iniinsulto dahil ginagamit ang badyet ng NFA para sa maramihang importasyon ng bigas, na lalong nagpapababa ng presyo ng palay,” dagdag niya.

Makikipag-dayalogo ang mga magsasaka kay Sek. Proceso Alcala ng Department of Agriculture ngayong araw, kasabay ng isang piket na pangungunahan ng KMP, Anakpawis Party-list, at Amihan.