PED XING

Malayang Diwa


Isang taon na ang lumipas mula nang akusahang miyembro ng New People’s Army at ikulong si Ericson Acosta. Isang taon na ang lumipas, ngunit hindi pa rin napatutunayan ang katotohanan ng mga kasong inihain laban sa kanya. Arts month pa man din ngayon, at kung wala lang ding maihahaing matibay na ebidensya ang pamahalaan laban sa makata-manunulat-mangaawit-kompositor-manggagawang pangkulturang si Ericson, mas makabubuti pang palayain na lang nila.

Isang taon na ang lumipas mula nang akusahang miyembro ng New People’s Army at ikulong si Ericson Acosta. Isang taon na ang lumipas, ngunit hindi pa rin napatutunayan ang katotohanan ng mga kasong inihain laban sa kanya. Arts month pa man din ngayon, at kung wala lang ding maihahaing matibay na ebidensya ang pamahalaan laban sa makata-manunulat-mangaawit-kompositor-manggagawang pangkulturang si Ericson, mas makabubuti pang palayain na lang nila.

Hayaang marinig ng sinumang nais makinig ang malayang diwa ng kanyang mga salita. Hayaang madama ng sinumang nakadarama ang pag-ibig na nakapaloob sa sining na iniaalay niya sa bayan.


Rain Song

Rustum Casia

Sana umulan ng common sense,

at ipagbawal ang sumilong
at ang pagdadala ng payong.

I-require sa mga nagdududa,
walang opinyon at tatanga-tanga

na kahit ilang minuto,
magpa-ambon.

Sana umulan ng common sense.
Sana umulan ng common sense.

Utang na loob, samahan natin sila.
Maligo tayong lahat.

FYI: Sabi ng mga sundalong nakahuli kay Ericson Acosta, NPA daw siya. Mataas na opisyal ng NPA.

Dahil may dala siyang laptop.

Si Rustum Casia ay isa sa mga nagtatag ng grupong Kilometer 64 Poetry Collective. Aktibong miyembro ng United Church of Christ in the Philippines. Kasapi rin siya ng Artists Arrest at Concerned Artists of the Philippines.


Sa Labas Na Mundo

MJ Rafal

marahil kinaiinggitan mo sila
ang ipis, gagamba, langgam, langaw
na malayang lumipad-gumapang
o maging ang mga ibong
sumisilip sa maliit na uwang ng maliit
na bintanang miminsang ding nagkakait
sa iyo ng liwanag sa tuwing ang araw
at buwan ay di makasilip sa kapirasong
espasyong nagpapagunita na
ang iyong kalayaan ay ikinulong kasama
ng iyong karapatan
marahil nga’y kinainggitan mo sila
mga insektong malayang labas-masok
sa makitid at mainit mong puwang
kinainggitan mo ngunit di pinandirihan
pagkat batid mong mas masahol pa
sa kanila–absurdong mukha ng karum’han:
antena, maitim, lagpas limang mga paa,
mabalahibo, mabalasik tumitig na mga mata–
ang mga unipormadong robot
ng pandarahas at panggigipit
marahil nga’y kinaiinggitan mo sila
na nasisikatan ng araw,
nakalalanghap ng hamog,
sinusuyo ng ulan,
tinititigan ng buwan,
hinahaplos ng hangin
marahil kinaiinggitan mo sila
sa kanilang laya
naisaisip mo marahil
na mapalad sila, mas mapalad
sa mga unipormadong robot
ng pandarahas at panggigipit
mas mapalad sa mga naka-amerikana’t
barong sa karnabal ng kongreso,
malakanyang at senado
mas mapalad pagkat pinakikinabangan
ng kalikasan anumang kaanyuan
mayroon ang pinandidirihan nilang kabuuan
naniniwala kang mas mariringal
ang mga insekto,
sa mga unipormadong robot
ng pandarahas at panggigipit
mas marangal sa mga naka-amerikana’t
barong sa karnabal ng kongreso,
malakanyang at senado

at mapalad ka rin, alam mo
pagkat higit pa sa pisikal ang pakikiniig mo
sa labas na mundo
pagkat tulad nila, laksa-laksang
taon kang mananatili
sa labas na mundo
tula mo’t sining ang insektong
gumagapang patakas, malaya
sa labas na mundo.

Si M.J. Rafal ay mahilig tumula. Paborito niya ang linyang “Poetry, like bread, is for everyone.” ni Roque Dalton. Ilan sa mga idolo niya sa pagtula ay sina Stum Casia, Kislap Alitaptap, Pia Montalban at si Alexander Martin Remollino. Mahilig din siyang magbasa at maglakad.

 

Tumula Ka, Ericson Acosta

Jeric Jimenez

Tumugon ka
Manunula ng bayan
Pinatutula ka nila
Pinatutula ka ng bawat hagkis
Ng kanilang mga kamao
Pinatutula ka nila sa kadiliman
Isigaw mo!
Hindi ka nila naririnig.

Kahit ang bagwis ng bawat suntok
Isumbong mo man sa iyong mga tula
Hindi nila maririnig,
Subalit ang mga tula mo
Tila tinik na sumusugat sa lalamunan
Marahang dumadausdos
Sabay ng pag-agos ng dugo
Tila bulong, nakabibingi’t nakatutulig
Tila kidlat, matalas. Nakasisilaw.

Isigaw mo!
Hindi ka nila naririnig!
Isigaw mo pa!
Dumaing ka pa!
Sapagkat nakapiring
Sapagkat sinasalubong ng mga parte
Ng iyong katawan
Ang mga suntok at sipa
Ang dura at hambalos ng mga baril
Tumula ka
Manunula ng bayan
Tumula ka
Humihiling sila ng mga linya.

Hindi man marinig ang iyong mga tula
Hindi man marinig ang iyong mga sigaw
Nakikita mo ang katotohanan
Sa kadiliman
Nakikita mo sa kadiliman,
Ang mga halang nilang kaluluwa.

Sa kadiliman,
Pinatutula ka nila
Tumula ka!
Manunula ng bayan
Upang mapagbigyan
Hayok nilang kamao
At makita nila
Halang nilang kaluluwa.

Tubong San Carlos City, Pangasinan ang 23 taong gulang na si Jeric Jimenez, siya ay Jeric ay nagtapos ng Batsilyer ng mga Sining sa Filipinolohiya at naging Katuwang na Patnugot ng The Catalyst, opisyal na publikasyon ng mga mag-aaral ng Politenikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP). Kasalukuyang nagtuturo ng asignaturang Filipino sa ICCT Colleges at regular na contributor ng mga maikling kwento sa KAILYAN, isang online community group ng mga kababayang Overseas Filipino Workers (OFW) at ng mga tula sa KM64.

 

Lumaya Ka

Lenkurt Lopez

Kumusta? Nakita ko ang kalabaw sa Cubao.
Isasama ko ito sa aking pagdalaw.
Tatabasin ko ang ulo at sa sungay ang tangan-
ito ang magsisilbing tanglaw patungo sa madilim mong piitan.

Alam kong mahirap marating ang iyong selda aklatan.
Sa unang pinto pa lang, meron nang kapkapan.
Ngunit hindi kami malilinlang ng mga militar at parak-
dahil ang susi ng kalayaan mo’y sa isipan namin nakapasak.

Patuloy ang rebolusyon-

tatalas ang talim ng ika-anim na sundang dahil sa bulok na konstitusyon.

tutuligsain,

tutugisin ang mga sakim sa tuwid na daang pahamak.
Ang ikapitong sundang sa leeg nila’y itatarak.

Ikubli mo ang pag-asa-

mangarap,

lalaban,

lakasan ang loob.

Isang palakat,
walang kasunod na hikbi-
para sa iyong kalayaang minimithi.

Si Lenkurt Lopez ay kasalukuyang nakabase sa lalawigan ng Quezon; tagasalba ng mga sirang cellphone at alipin ng tarpaulin printer.


Tinintahang Granada: Balinguyngoy ng Nanggigitatang Gwardya Sibil

Noel Vinoya Gomez

Hanggang sa huling hantungan,
hindi ko papayagang mawalay
ang minsang nangyari sa akin,
ang kagimbal-gimbal na araw
bago sumapit ang araw ng mga puso.

Napakagaling nga naman ng mga gwardya sibil
kung ako’y arestuhin nang wala man lang
maipakitang kahit anumang nasusulat na katibayan
at dali-daling dinampot sabay isinilid sa loob ng sasakyan.

Pinagbintangang kasapi ng rebelde.
Aba! Tamang hinala pala at hindi
masusing imbestigasyon ang ipinaiiral
sa mga ganitong panahon,
panahon ng biglaang pagkawala.

At ano naman ang problema kung ako’y kasapi nila,
nilang tanging hangarin ay pagbabago,
pagbabago ng sistemang matagal nang
niyurakan at nilapastangan ng mga
mapanlinlang na buwaya’t palamunin ng mamamayan?
Hala! Sila talaga ang patunay na buhay ang mga
salot at taksil ng lipunan.

Mas mabangis pa sa madyikero kung magpalitaw
ng granadang pinagduduldulan sa sariling bulsa galing.

Mahiya naman sa mga iskwater kung magpalipat-lipat
ng sandamakmak na kutang pinamumugaran ng mga nanggigitatang gwardya sibil.

Dinaig pa ang asong nagkakalkal ng pagkaing
mula sa mga basurang nakahandusay kung magtanong.

Mas brutal pa sa mga Hapon, hindi dahil sa
pantotortyur nang walang-pahingang apat napu’t apat na oras
kundi sa mismong kababayan pa ginawa ang kahayupan.

Anong petsa na? Ilang pagdinig na’ng aking nadaluhan at ilang buwan
nang nagmamantikilya sa likod ng rehas.

Pakinggan n’yo ang sigaw ko’t
sigaw ng aking mga kasama:

Sawang-sawa na ako!
Sawang-sawa na ako sa kalaboso!
Sawang-sawa na ako sa pasismo!
Sawang-sawa na ako!

‘Yan ang granada ko
at sasabog na ang aking granada!
Granadang babalinguyngoy sa inyong lahat!

8 Disyembre 2011
ER, Philippine Heart Center

Nagtapos ng Bachelor in Secondary Education (Major in English) sa University of Santo Tomas ang makatang si Noel Vinoya Gomez. Isa nang lisensyadong guro at kasalukuyang private tutor.  Mababasa ang ilan sa kanyang mga tula sa www.sandatangnaghihingalongaswang.blogspot.com/


Obra

Pia Montalban

Himig ng lahing inaglahi–Himig ng masang api:
Himig ng magsing-kasi, sa isa’t isang iisa’y napili:
maglingkod sa bayan, paglakbayin ang mga binti
sa kanayunan pabaha sa kalunsuran ang sidhi

ang mga tema ng iyong mga obra.

Sining na iniaalay para sa lahat at di sa iisa.
Sining na responsable, napapanaho’t mapagpalaya.
Sining na naglilingkod nang tapat sa bansa.
Sining na iniaalay sa mas malawak na bilang ng masa.

Iniluwal at iniluluwal mong mga awit
nag-anak at nag-aanak
ng mga kung-makakapit-
at-makatangan-sa-karit-
at-masa ay buhay ang tinatayang kapalit

ang saysay ng iyong mga obra.

Sining na nagsusulong ng pambansang demokrasya.
Sining na nagmumulat, nagpapakilos, nagoorganisa.
Sining na pumupukaw sa sensibilidad, at gumigiya.
Sining na naglalantad ng tunay na itsura ng demokrasya.

Dinukot ka nila bilang pagtatangka
maitigil ang tunggaliang sila ang nagsimula.
Ngunit ang pagtatangka’y pumalya
nadukot nga ang pisikal mong presensya…

hindi naman iyong mga obra—

Pia Montalban. Babae. Edad bente-nuebe. Romantic Heart Disease Survivor. Rice Terminator. Dating Model ng Rejoice, nasesante at nasampahan ng asunto sa nilikhang trapik sa EDSA. Hindi pa convicted yet on-bail, tambay sa Facebook at Multiply.

 

Monumento

Kislap Alitaptap

Matagal nang walang nagtatabas
Ng damo sa palibot ng Monumento.
Naungusan ng dagdag pasaheng piso
Ang pagpapalit ng pinturang nakasuot
Sa bandila,
At tabak,
At ng Katipunero.

Ganito ang Monumento
Ngayon,
Ericson.
Karaniwang panoorin
Na lang ito,
Sa mga estudyante,
Mga tsuper,
At mga pasahero.

Oo, karaniwan…
Gaya ng karaniwang
Paglalamay dito ng mga kandila,
Pagpapakilala ng mga karatula,
At pagsisikap ng mga mandudula.

Tutugisin ng panahon ang Monumento.
Ang ulan ay magpapakabato
Upang talupan ito
Ng diwang sinasaludo.
Bibigwasan ito ng pagkalimot,
Pupulaan ng mga nababagot,
At hahayaang maakyat ng lumot.

Ngunit walang makakapagtago
Ng katiyakang
Ang bandila,
Ang tabak,
At ang Katipunero,
Ay ikaw.
Nabubuhay,
Nagpapakatatag
At magpapakatatag.

17 Pebrero 2011/0236H

Si Kislap Alitaptap ay unang naging kasapi ng Alpha Sigma Fraternity, dun rin unang namulat, hanggang sa maging kasapi ng ANAKBAYAN. Taong 2009 ay sumali siya sa Gawad Palanca, hindi nanalo. Maliban sa hilig sa pagsusulat ng tula at kuwento, mahilig din siyang magbasa, at mahilig ding makinig.