FEATURED Parangal

Pagpupugay kay Kasamang Ericson Acosta, makata at mandirigma para sa tunay na kalayaan at demokrasya


Rebolusyonaryo, makabayan, hindi terorista! Ipinagmamalaki namin si Acosta! Kailanman hindi mapipigilan ng rehas at punglo ang rebolusyonaryong diwa ng makata’t mandirigma. Lalong hindi magtatagumpay ang mga pasista sa pagyurak sa kanyang ala-ala.

Si Ericson Legaspi Acosta ay dating kabataang-aktibista, manunulat at makata, na naging manggagawang pangkultura, edukador, organisador ng mga magsasaka at proletaryong rebolusyonaryo. 

Ipinanganak si Ericson noong Mayo 27, 1972, kina Isaias Acosta at Liwayway Legaspi. Nagtapos siya ng elementarya sa St. Mary’s College sa Quezon City at high school sa University of Sto. Tomas sa Maynila. Sa matagal na panahon ay nanirahan sila sa Cubao, tapat ng terminal ng jeep na Diamond – Roces. Noong 1980s, mula Grade 4, ay nagsimula na siyang lumahok sa teatro sa pamamagitan ng PETA. Bahagi sya ng pagsasadula ng Macbeth noong 1984 na sumalamin kalagayan ng diktadurang US-Marcos. Dito nagsimula ang kanyang pagkamulat.

Taong 1989 pumasok si Ericson sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman sa kursong political science. Sa UP ay napabilang siya sa human rights organization na Amnesty International at naging manunulat at kinalaunan, patnugot ng Kultura section ng Philippine Collegian. Hindi agad napabilang si Ericson sa mga organisasyong masa ng mga aktibista sa kanyang unang mga taon sa campus. Late-bloomer na maituturing sya sa organisadong aktibismo pero mulat na siya sa maraming realidad panlipunan. 

Habang estudyante ay naging manunulat sya sa Manila Times at nagsulat ng isang full-page review ng album na Circus ng Eraserheads. Naging writer-researcher din sya ng Magandang Gabi Bayan ni Noli de Castro. Gumanap din sya sa mga dula ng UP Repertory Company na “Sa Sariling Bayan” sa direksyon ni Soxy Topacio at sa Dulaang UP na “Green Bird,” sa direksyon ni Ogie Juliano. 

Taong 1994, habang nasa Kule’ ay nakasalamuha niya sa Vinzons Hall ang grupo ng Alay Sining na noon ay itinatatag pa lamang. Makakasama nya ang mga aktibista sa mga tugtugan at sa mga isyung pang-kampus at pambansa. Bago pa man pormal na napabilang si Ericson sa organisasyong masa ay nagbabasa na sya ng mga akda ni Marx at iba pang Marxistang manunulat lalo na sa usapin ng kultura. 

Taong 1995 nang sumama si Ericson sa isang cultural integration sa hanay ng mga masang magbubukid sa Timog Katagalugan. Dito mas lumawak ang kanyang pananaw kaugnay ng mga suliraning panlipunan at mas tumibay ang paninindigang buong panahong kumilos. 

Pagkabalik nya sa UP nang taong iyon ay naging full-time na aktibista na sya at naging aktibo sa pagbubuo ng Alay Sining sa unibersidad. Bahagi din sya ng patnugutan ng Rebel Kule noong 1996. Siya din ang sumulat, naging director ng at gumanap bilang Andres Bonifacio sa dulang Monumento, isang multi-media production ng Alay Sining para sa ika-100 anibersaryo ng rebolusyong Pilipino. Magiging lider din si Ericson ng bagong tatag na political alliance na STAND-UP na unang tumakbo sa halalan noong 1996. 

Gagampan ng iba’t ibang gawain si Ericson sa larangang pangkultura matapos ang kanyang pagkilos sa UP. May panahon na tutulong din sya sa pagbuhay ng Concerned Artists of the Philippines. Taong 2003 nang ikasal sila ni Kerima Tariman na isa ding aktibista mula sa UP at miyembro din ng Alay Sining. May isang anak sila, si Eman. 

Si Ericson Acosta, asawang si Kerima Tariman at anak na si Emman Acosta habang tumutugtog sa isang programa sa UP Diliman laban sa Martial Law. Larawan mula kay Pablo Tariman.

Ang kanyang malalim na pag-unawa sa kalagayan ng masang api ay magdadala sa kanya sa kanayunan ng Bicol kung saan matagal din silang kumilos ni Kerima. Nang maghigpit ang kalagayang panseguridad sa rehiyon ay kinailangang lumipat ng kinikilusan si Ericson at Kerima. Sa isla ng Samar sila nagpunta para doon ipagpatuloy ang pagkilos sa hanay ng mga magsasaka. 

Pebrero 13, 2011, isang araw bago pormal na magsimula ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at GRP, ay naaresto si Ericson sa San Jorge, Samar. Kinuha siya ng mga military habang naglalakad papunta sa daungan ng mga bangka, at batay lang sa hinala na siya ay miyembro ng NPA. Dinala siya sa kampo para sa interogasyon, sinailalim sa psychological torture at hindi binigyan ng access sa abogado. Matapos ang 3 araw ay saka lang siya dinala sa piskal para sampahan ng kasong illegal possession of explosives batay sa tinanim na ebidensya. Inakyat ng mga abogado ang kaso nya para sa review ng DOJ na noon ay nasa pamumuno ni Leila de Lima. 

Mula sa Prison Sessions, mga rekording ng kanta ni Ericson Acosta at Renato Reyes, Jr. habang nakakulong si Acosta sa Calbayog Sub-Provincial Jail.

Nakulong sa Calbayog Sub-Provincial Jail si Ericson nang halos 2 taon. Sa panahong ito ay patuloy siyang nakibaka para sa kalayaan niya at ng iba pang bilanggong pulitikal. Inilunsad ang Free Ericson Acosta Campaign at nakakuha ng malawak na suporta sa iba’t ibang sektor. Patuloy na nagsulat at gumuhit si Ericson habang nasa piitan. May mga akda siyang mailalathala sa Jailhouse Blog at mga awit na mare-record bilang Prison Sessions. Nagsagawa din sya ng hunger strike para sa kalayaan ng mga bilanggong pulitikal. 

Enero 2013 nang dalhin si Ericson sa ospital dahil sa problema sa gallstones. Sa tulong ng Public Attorney’s Office ay nadala siya sa National Kidney Transplant Institute upang magpatingin. Sa panahong nasa ospital si Ericson ay pinalakas ang panawagan sa DOJ na ilabas na ang resulta ng review nito. Enero 31, 2013 nang madismiss ng Calbayog RTC ang kaso kay Ericson matapos ang pag-atras ng DOJ sa kaso. 

Sa kanyang paglaya ay kumilos muli si Ericson sa hanay ng kilusang magbubukid. Sa panahong ito ay nagpatuloy sya sa pagsusulat ng iba’t ibang akda kasama pelikulang The Guerilla is a Poet at produksyong Maghimahsik! Boni@150 (parehong kasama si Kerima) at ang koleksyon ng mga sulatin na Mula Tarima Hanggang na nagwagi ng National Book Award para sa tula noong 2016. Muling naaresto si Ericson noong Setyembre 17, 2013 kasama ng iba pang agrarian reform advocates sa Hacienda Luisita habang isinasagawa ang bungkalan sa lupang dapat ay naipamahagi na sa mga magsasaka. Tumulong si Ericson sa kampanya ng Anakpawis Partylist noong 2016 at sa opisina nito sa Kongreso bilang consultant.

Dahil sa kaalaman sa mga isyung agraryo ay naging resource person siya sa pagbubuo ng Comprehensive Agreement on Socio-economic Reforms sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at GRP noong 2016-2017. Nakasama sya sa formal talks sa ibayong dagat at sa pagbubuo ng mga kasunduan para sa libreng pamamahagi ng lupa at rural development. 

Nang ibinasura ni Duterte ang peace talks noong 2017 at naglunsad ng all-out war sa rebolusyonaryong kilusan, naging mahirap din ang kalagayang pangseguridad ni Ericson habang nasa kalunsuran. Hindi nagtagal ay kumilos na muli sa kanayunan si Ericson at Kerima, sa isla ng Negros, taong 2018.

Si Ericson Acosta sa unang pampublikong pagtatanghal ng Palad. Larawan ng ST Exposure.

Batid ni Ericson na ang pagiging artista ay hindi dapat mangahulugan ng pagkahiwalay sa mga usaping panlipunan. “Kaya nga buhay mismo ang alay, di lang luha, sigaw, tula at awit” (Dahil). “Pagkat awit ay di sasapat, upang lubos na tupdin ang panata” (Haranang Bayan). Sa pasikot-sikot at masalimuot na paglalakbay mula Vinzons hanggang Calbayog, mula Luisita hanggang Kabankalan, taglay niya ang puspos na pagmamahal sa bayan, lalo na sa masang magsasaka. Tinugunan niya ang pangangailangan ng rebolusyonaryong pakikibaka upang wakasan ang kaapihan at para palayin ang bayan. 

Bilang rebolusyonaryong romantiko, sinikap niyang ilarawan ang makatarungang pakikibaka ng mamamayan at ang “tapat na pangako ng paglayang wagas”. At bilang lider rebolusyonaryo, nagpunla siya para sa kilusan na magpapapatuloy sa mahabang panahon, kahit siya ay wala na. 

Pinaslang si Ericson at kasamang lider magsasaka na si Joseph Jimenez noong Nobyembre 30 nang madaling araw sa Kabankalan, Negros. Nagbunyi ang mga pasista sa akala nila ay kahanga-hangang nagawa – ang pagpatay sa mga hindi armado. Nilantad ng mga pasista ang kanilang sarili nang ginamit nila ang hungkag na paratang na “terorista” si Ericson kaya’t wala siyang karapatan sa ilalim ng batas. 

Laking gulat siguro  ng mga berdugo na napakarami ang nagpatotoo na hindi “terorista” si Ericson, at hindi katanggap-tanggap ang ginawang pagpatay sa kanya. Laksa ang nagpahayag ng pakikiisa sa pinaslang na martir ng Negros. 

Rebolusyonaryo, makabayan, hindi terorista! Ipinagmamalaki namin si Acosta! Kailanman hindi mapipigilan ng rehas at punglo ang rebolusyonaryong diwa ng makata’t mandirigma. Lalong hindi magtatagumpay ang mga pasista sa pagyurak sa kanyang ala-ala. Magkasama sina Ericson Acosta at Kerima Tariman sa bulwagan ng mga bayani ng sambayanan, hindi malilimot at hindi mamamatay. Magpapatuloy ang mamamayang lumalaban.

Mabuhay ang alaala ni Ericson Acosta!

Mabuhay ang nakikibakang sambayanang Pilipino!