Karapatang Pantao

Aquino, hinamon na kasuhan ang militar na umaresto kay Ericson Acosta


Malaya na sa wakas si Ericson Acosta. Matapos ang halos dalawang taon ng pagkakakulong, ibinasura na ng Gandara Regional Trial Court sa Samar ang kaso ng illegal possession of explosives na isinampa sa kanya ng gobyerno batay sa reklamo ng Armed Forces of the Philippines. Ang desisyon ng korte ay batay sa utos ng Department of Justice […]

Ericson Acosta, artista at detenidong pulitikal na inaasahang lalaya matapos ang dalawang taon sa piitan (Darius Galang)
Ericson Acosta, artista at detenidong pulitikal na inaasahang lalaya matapos ang dalawang taon sa piitan (Darius Galang)

Malaya na sa wakas si Ericson Acosta.

Matapos ang halos dalawang taon ng pagkakakulong, ibinasura na ng Gandara Regional Trial Court sa Samar ang kaso ng illegal possession of explosives na isinampa sa kanya ng gobyerno batay sa reklamo ng Armed Forces of the Philippines.

Ang desisyon ng korte ay batay sa utos ng Department of Justice (DOJ) na isawalang-bisa ang kasong isinampa ng lokal na piskal laban sa aktibista’t manunulat.

Dahil dito, pinapanawagan ng mga grupong pangkarapatang pantao na kasuhan ng administrasyon Aquino ang mga alagad ng AFP na ilegal na umaresto, nagsampa ng gawa-gawang kaso at nagpiit kay Acosta.

“Masaya nating tinatanggap ang desisyong ito ng DOJ na iatras ang kaso laban sa atin,” ani Acosta sa panayam ng Pinoy Weekly noong nakaraang linggo sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI), kung saan siya kasalukuyang nagpapagamot. “Nakulong ako nang halos dalawang taon sa Samar, kahit wala talagang batayan ang kasong isinampa sa akin.”

Ayon sa Karapatan, dapat kasuhan ng gobyernong Aquino ang yunit ng militar na lumabag sa karapatang pantao ni Acosta sa ngalan ng programang kontra-insurhensiya na Oplan Bayanihan.

Tinukoy ng grupo ang mga paglabag sa Republic Act 7438 o Rights of Persons Arrested, Detained, or Under Custodial Investigationwarrantless arrest, hindi pagsabi ng dahilan ng kanyang pagkakaaresto, hindi pagbigay ng karapatan sa abogado at kagyat na pagpapaalam sa pamilya, interogasyon at tortyur, pagtatanim ng ebidensya, at pagdedetine sa loob ng kampo militar.

Sa resolusyon na inakda ni Justice Undersecretary Francisco Baraan III, inihayag ng DOJ na “The high court has consistently held that any taint of irregularity that affects the performance if an official’s duties effectively negate that presumption. Moreover, the presumption of regularity in the performance of official duty cannot by itself overcome the presumption of innocence, nor constitute proof beyond reasonable doubt.

Ipinapakita ng kaso ni Acosta ang sitwasyon ng 430 na bilanggong pulitikal sa bansa na pinagbibintangan ng iba’t ibang “gawa-gawang” krimen, ayon pa sa Karapatan. “Noong Disyembre 2012 lamang, 28 na katao ang arbitraryong inaresto ng AFP,” ayon kay Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan.

Inaresto si Acosta sa San Jorge, Samar noong Pebrero 13, 2011 at inakusahang miyembro siya ng New People’s Army dahil lamang sa pagdadala niya ng isang laptop. Sinampahan siya ng kasong illegal possession of explosives sa Gandara Regional Trial Court. Nitong buwan, pinahintulutan ng naturang korte si Acosta na sumailalim sa isang medical check-up sa Maynila para sa kanyang karamdaman sa kidney. Lumabas ang desisyon ng DOJ habang naka-confine si Acosta sa NKTI.

Ngunit sa kabila ng kasiyahan ni Acosta sa kanyang napipintong paglaya, patuloy ang panawagan niyang pagpapalaya sa kapwa niyang mga detinidong pulitikal.”Kailangan pa rin nating ipagpatuloy ang ating kampanya. Uulitin natin ang hamon kay Pangulong Aquino na bigyan ng amnestiya–General, Unconditional and Omnibus Amnesty–ang lahat ng mga detinidong pulitikal,” ani Acosta.

Malugod namang tinanggap ng lahat ng mga sumuporta kay Acosta ang naging pasya ng hukuman.

“We hail the resolution as it finally officially exposed the trumped-up charge of illegal possession of explosives against our client who has suffered already a gross injustice,” pahayag ng National Union of People’s Lawyers, na siyang humawak ng kaso ni Acosta.

Ayon naman sa Concerned Artists of the Philippines (CAP), “This victory is the result of a long and persistent struggle by Acosta’s family, friends, fellow activists, artists and human rights advocates against such political persecution and suppression. It affirms that the military has erred in bringing on false charges and violated basic human rights.”

Idinagdag ng CAP na marami pang artista at manggagawang pangkultura ang hindi napapalaya, kabilang ang estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas na si Maricon Montajes, manunulat na si Alan Jazmines, at manunulat at organisador ng unyon na si Randy Vegas.