1M pirma vs taas-presyo, target malikom ng Gabriela

Nanawagan ang Gabriela sa administrasyong Aquino na gawin ang lahat ng paraan para makontrol ang tumataas na presyo ng batayang mga bilihin. (KR Guda)
Isang milyong pirma ang target na malikom ng militanteng grupong pangkababaihan na Gabriela sa kanilang petisyon kontra sa pagtaas ng presyo ng batayang mga produkto, kabilang ang langis.
Tinaguriang “Altapresyo(n),” o Alerto sa Taas-Presyo Network, pinakikilos umano ng Gabriela ang iba’t ibang miyembro at tsapter nito sa Kamaynilaan at sa mga probinsiya para makalikom ng mga pirma sa petisyon. Layon nilang isumite ito sa Kongreso at administrasyong Aquino sa Marso 8, pandaigdigang araw ng kababaihan.
“Anumang panahon ay maaaring i-prioritize ng Malakanyang ang pagbasura sa Oil Deregulation Law (ODL) sa pinamumunuan nitong LEDAC (Legislative-Executive Development Advisory Council). Pero sa halip, pinapabayaan lang nito ang mga kompanya ng langis na humakot ng pagkalaki-laking tubo sa kapinsalaan ng kapakanan ng mga mamamayan,” sabi ni Lana Linaban, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.

Isa sa mga kongkretong hakbang ng gobyerno para matigil ang taas-presyo ng mga bilihin ay ang pagbasura sa Value-Added Tax o VAT sa langis. (KR Guda)
Sa paglulunsad ng petisyon sa Carriedo, Manila noong Pebrero 3, pinakilala ng grupo ang karakter na “Gabriela Consumida” na siyang mangunguna sa pangangalap ng mga lagda. Kinakatawan din umano ni Gabriela Consumida ang kababaihang Pilipino na nakukunsumi na at tumataas ang presyon sa walang habas na pagtaas ng batayang mga bilihin at serbisyo.
Kaasabay ng pagpapalagda sa Carriedo at iba pang lugar at komunidad, nag-aalok ang grupo ng serbisyong pagkuha ng blood pressure sa mga mamimili.

Umalma ang Gabriela sa pinakahuling P6 na pagtaas ng presyo ng liquefied petroleum gas o LPG. Inanunsiyo rin ng Department of Energy ngayong linggo ang muling pagtaas ng presyo ng langis. (KR Guda)
Para sa paglagda sa online petition ng Gabriela, maaari umanong lumagda rito: http://www.change.org/petitions/altapresyon-alerto-sa-taas-presyo-network
Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=18091













