FEATURED

Sinematograpiya ng politikal na komentaryo


Tala sa Maynila sa Kuko ng Liwanag at Orapronobis

Tala sa Maynila sa Kuko ng Liwanag at Orapronobis

Kung nabuhay si Lino Brocka, siya ay 73 anyos na.  Ang dalawa niyang pelikula ang sinasabing nagbukas at nagsara ng “second golden age” ng pelikulang Filipino.  Ang Maynila sa Kuko ng Liwanag (1975) ay 37 na taon na, at ang Orapronobis (1989) ay 23 na taon.  Malamang ang tanda ng kanyang dalawang pelikula ang demographics ng kasalukuyang edad ng mga indie cinema director.

Natatangi ang dalawang pelikula ni Brocka dahil dito mahinuha kung paano siya naging kritikal sa lipunan at kasaysayang ininugan ng panahon at espasyo ng kanyang pelikula.  Si Brocka ay tinaguriang pinakapolitikal na direktor ng kanyang panahon, isang reputasyon na malamang ay hanggang sa kasalukuyan ay nababagay.

Ang pasok ng opening credits sa Maynila ay nilahukan ng black-and-white documentary scenes ng isang umaga sa Escolta-Chinatown area:  kalesa, estero, pagbubukas ng tindahan, paglilinis ng kalsada, pagdura, at iba pa.  Ang eksena matapos, ang pagsisimula ng kwento, ay ang pagtukoy kay Julio (Bembol Roco) at ang assemblage ng politikal na slogans (Makibaka, KM, manggagawa).  Dito nagsimulang magkaroon ng kulay ang pelikula.

Ang lokasyon ng kontraryong pagkatao ay minapa ni Brocka:  isang probinsyanong naghahanap ng redempsyon sa syudad, at ang radikal na sabjek sa pamamagitan ng kilusang masa.  Wala sa nobela (1968) ni Edgardo M. Reyes ang politikal na sabjektibismo dahil alinsunod ang struktura ng nobela sa isang klasikal na tradisyon ng isang butihing bayani na ang tanging kahinaan ay naging totoo sa sarili (ang magmahal, ipaglaban at ipagpatayan ito).

Dahil sa deklarasyon ng batas militar ni Marcos noong 1972, hindi pa lubos ang pagsasapubliko ng pakikipagtunggali sa diktadurya ng sinambit ni Brocka ang radikal na posibilidad.  Uulitin ang komparison ni Brocka sa pagwawakas ng pelikula.  Namaalam at naghabilin si Julio sa kanyang kaibigan, at sa paghihiwalay ay bumaybay ito sa rali na inawit pa ang “Internasyonal,” na iligal noong panahon.  Ang gabi ay madilim ding magwawakas ng patayin ni Julio ang inakalang salarin ng pagkamatay ng kanyang sinta.

Hahabulin si Julio ng mga ordinaryong mamamayang lalake hanggang sa makoral ito sa eskinita.  Sa isa sa pinakamakapangyarihan na ending sa pelikulang Filipino, si Julio ay mangangamba sa kanyang buhay habang ang mga lalake ay isa-isa nang dumadampot ng maaring ipagpatay sa kanya.  Distorted ang aligagang mukha ni Julio, slow motion, at matapos ay kagyat na tinapos at isinunod ang anino ng kanyang sinta.

Ang politikal na komentaryo ni Brocka ay ang karahasang dulot ng mapanupil na kaayusan ng estado na ang abang nilalang ay lalong nalulugmok sa higit na abang kondisyon.  Na kung mayroon lamang pulisyang mapupuntahan, hindi na sana si Julio ang naghanap ng sintang nabiktima ng white slavery, o naimbistigahan ng pulisya ang anomalya sa pagkamatay nito.

Pero kay Brocka, lalo na sa ilalim ng batas militar, walang tsansang umunlad at magkaroon ng redemsyon ang mayoryang mamamayan.  At ang gabi ay magiging umaga, na tulad ng pagbubukas na eksena ng pelikula, ay tila nagka-amnesia sa mga katiwalian, isang panibagong-anyo ng mukha’t substansya ng estado.

Ang pasok naman ng eksena sa Orapronobis ay ang fiksyonalisasyon ng pagpaslang ng vigilante groups kay Fr. Tulio Favali sa Cotabato.  Matapos ng pagkabaril sa kanya, ang opening credits ay nasa backdrop ng documentary footage ng EDSA 1:  operasyon ng militar, helicopter shot ng people power, malu-luhang gitnang uri at relihiyosong nakikipagbatbatan at nananalangin, at iba pa.

Sa pelikula ay compendium ng mga aktwal na katiwalian sa karapatang pantao sa panahon nina Marcos at Cory Aquino.  Sa pagwawakas ng pelikula, si Esper (Gina Alajar) ay dinala sa safehouse ng vigilante, ginahasa ni lider nito.  Nanlaban ang anak ni Esper at binaril ng lider.  Naghiganti ang babae at nabaril ito, kasama ng iba pang dinukot na kanayon.

Ang dati nitong asawa (Phillip Salvador) ay nasa labas ng guhong simbahang pinagtapunan ng mga pinaslang.  May panayam sa ofisyal ng militar habang ang lalake ay niyakap ang kanyang anak kay Esper at dahan-dahang nagtungo sa loob ng simbahan.  Tunog lata ang payak na mga ingay sa loob ng simbahan habang tahimik at long take na nagluluksa ang lalake.

Ang huling eksena ay sa kwarto sa bahay ng lalake, tanaw ang mag-ina.  Tutungo ito sa kwarto, tatawag sa telepono at ibibigay ang kanyang koda na naghuhudyat ng muling paglahok sa kilusang andergrawnd.  Malinaw ang politikal na mensahe at ang failure ng bagong pamahalaang sinasambit sa pelikula (Aquino) na maging kaiba kay Marcos, kahit pa si Brocka ay naging komisyoner sa Konstitusyong binuo ni Aquino.

Itong wakas naman ang pinakamatapang na indictment sa estado sa pelikulang Filipino, na wala ang katubusan sa reformismo sa sistema kundi sa paglulunsad at pagpapatibay ng armadong kilusan.  Kaya nananatiling makabuluhan si Brocka at ang kanyang politikal na sangay ng filmmaking:  dahil nananatiling matalas na politikal na komentaryo noon, ngayon at sa hinaharap ang kanyang pelikula.