PED XING

Sumuko ka na, sumuko ka na, napapaligiran ka namin


Masakit sa isang pamilya ang mawalan ng mahal sa buhay. May mga nawawalan dahil sa sakit. May nawalan dahil sa di maiiwasang aksidente. At may nawalan dahil inagaw ng kung sino ang mga mahal nila

Masakit sa isang pamilya ang mawalan ng mahal sa buhay. May mga nawawalan dahil sa sakit. May nawalan dahil sa di maiiwasang aksidente. At may nawalan dahil inagaw ng kung sino ang mga mahal nila.

Ang panghuling pangungusap ang pinakamasaklap sa lahat ng kawalan. Mangangapa, maghahanap sa wala; walang sisimulan at walang tiyak na tapos. Hindi basta-basta na lamang ang mga pagkawalang ito dahil nasa likod ng mga ito ay ang mga demonyo at berdugong tila mga aswang na naniniktik at pataksil kung manila.

Iyan si Jovito Palparan at ang kapwa akusadong si Master Sgt. Rizal Hilario.

Insensitive
, ika nga ng abogodang si Edre Olalia.

At tila gusto pang pigaan ng kalamansi ang sugat, sasabihin sa mga miyembro ng mamamahayag ng isa sa mga abogado ni Jovito Palparan na buhay pa daw sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño.

Ngayong nalalapit na ang araw ng mga puso, huwag nating kalilimutan ang Pag-ibig sa Tinubuang Lupa. Huwag nating hayaang “Rumamona” ang mga berdugong dapat managot sa kaniyang mga kasalanan, sa mga pamilya ng kaniyang biktima, at higit sa lahat, sa taumbayan.

Narito ang mga makata ng KM64, handang tumutugis sa berdugong si Jovito Palparan. Tunghayan, at sabay-sabay tayong sumigaw:  HULIHIN SI PALPARAN! PAGBAYARIN!

Kung Ano ang Katuturan ng Kagitingan

Alexander Martin Remollino

Dati nang nasabitan ng Medalya ng Kagitingan
si Jovito Palparan, Jr.
Hindi raw magiging heneral si Palparan
kung hindi isang “tunay na lalaki,”
ayon sa dating heneral na si Eduardo Ermita —
na ang pagpapakahulugan sa pagiging isang “tunay na lalaki”
ay pagiging isang huwaran ng katapangan.

Ano ang katuturan ng kagitingan?

Itanong natin sa mga paslit na Tausug
na pinagpapatay ng mga sundalo sa Sulu
upang, diumano,
huwag nang makasapi pa sa “rebeldeng” mga Moro.
Itanong natin kay Marcelo Fakila,
ulama sa isang baryo sa Sagada —
dinukot at pinahirapan ng mga sundalo.
Itanong natin sa lilimahing taong gulang na batang
pinaslang sa Laguna;
at kay Niña Angela Apolinar,
walong taong gulang,
na ginapos sa mga kamay
bago kinitlan ng buhay sa Oriental Mindoro.
Itanong natin kay Marvin Montabon,
binaril at sinilaban isang madaling-araw
sa sariling tahanan.
Itanong natin kina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan:
sinugod sa dampang tinuluyan habang natutulog,
binati sa paggising ng nakatutok na mga baril,
piniringan — at sariling kamisetang hinubad kay Karen
ang ipinampiring sa kanya —
binitbit at hindi ilitaw ng mga sundalo.

Itanong natin sa mga Expedito at Manuela Albarillo,
sa mga Choy Napoles, Eden Marcellana, Eddie Gumanoy,
Felidito Dacut, at Orlando Rivera —
mga walang sandata, pawang pinagbabaril hanggang mamatay.

Sila ang makapagsasabi
kung kagitingan nga bang maituturing
ang manakit ng mga di-makalaban,
ang pumatay ng mga di-makapagtanggol ng sariling buhay
laban sa mga baril.

2006, Setyembre 13

Lingid tiyak sa marami si Alexander Martin Remollino o Alex ay mahilig kumanta at maggitara. Ilan sa mga paborito niyang tugtugin ay ang mga kanta nina Gary Granada at Jess Santiago. Nung mga panahong hindi pa uso ang mga iPod at mp3 player, hindi mawawala sa bag niya ang kanyang cd player at isang dangkal na audio cd.

MGA BUGTONG NA HINDI PALPALARAN*

Mark Angeles

Nang munti pa’y minamahal,
nang umalma na’y pinugutan.

Sagot: ____________

……………

Nagtago si Jovito, labas ang ulo.

Sagot: ____________

……………

Baston ni Palparan,
hindi mabilang-bilang.

Sagot: ____________

*palpalaran – “padalus-dalos” sa wikang Pangasinense

Awtor ng dalawang bonggang libro si Mark Angeles, ang Patikim at Emotero. Makakabili nito sa Bookay Ukay sa 55 Maginhawa, QC

Sumuko ka na!

Kojak Yo Brown

Sumuko ka na
Napapaligiran ka na namin
H’wag kang mag-alala
‘di ka namin papatayin

Ihagis mo ang iyong baril
Itaas mo ang iyong kamay
Arestado ka sa salang
Paghalik sa pwet ng amo mong dapat nang mamatay

Berdugo ng kanayunan
Marapat ka nang burahin
Nang ‘di na pamarisan

Sumuko ka na
Wala ka nang tatakbuhan
H’wag kang mag-alala
‘di ka muna namin papatayin

H’wag kang malikot
Nang ‘di na lalo pang masaktan
Magiging matamis
Paghalik ng despalinghadong ari mo sa kutsilyo ko

Berdugo ng kanayunan
Pagpatay sayo’y dahan-dahan
Nang sakit ay iyong lalong maramdaman

Sumuko ka na
Baka sa ami’y may matirang awa pa
Magdasal ka kung sakaling marunong ka
Nang bangkay mo’y
Baka sakaling makilala pa

Putang ina ka
Ilang pamilya
Ang inalisan mo ng
Anak, ama at ina?
Ngayon aming iisa-isahin
Ano kayang magandang unahin
Iyong ulo, kamay o paa?

Berdugo ng kanayunan
Katawan mong dati nang walang kaluluwa
Ni sa impiyerno’y ‘di bibigyang halaga

Si kojak ay isang mag-aaral ng batsilyer ng peryodismo sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas. mabaho ang paa.

Pagtugis ay Sipagan

Noel Vinoya Gomez

Hindi pelikula ngunit pinilahan
ng mga puki’t titeng kinupitan
ng mga karapatan at katapatan
sa inang bayang gabay at utos
ng mandarayang daga.

At ngayong inakusahan, kinasuhan
naglaho, nakihalubilo,
itinakas ng matitikas
pagtugis ay sipagan
gantihan ng pag-iingat ang sarili
nananatiling buo ang berdugo.

Nagtapos ng Bachelor in Secondary Education (Major in English) sa University of Santo Tomas ang makatang si Noel Vinoya Gomez. Isa nang lisensyadong guro at kasalukuyang private tutor.  Mababasa ang ilan sa kanyang mga tula sa www.sandatangnaghihingalongaswang.blogspot.com/

HULING LIHAM PARA KAY BERDUGO*

Lorena Castro

Jovito,

nakalulungkot isiping
nagmaliw na ang iyong pagtingin,
dahil ba sa kagandahang kumupas
o sa aking pagkabirheng dinahas?

Bakit ka tumatakbo Berdugo?
natatakot ka ba sa anyo ko?

Wag kang mag-alala,
matatakpan naman ng “make-up”
ang mga pasa at sugat sa balat.

Pagkatao kong dinungisa’t ginahasa,
matatakpan din ng trahe de boda;
ternuhan pa ng gwantes na malinis
upang kulang na daliri’t kuko’y di mapansin;
Ipinatahi na rin yaring sugat sa ulo
upang bumagay sa ipapatong na belo.

Palparan,
maaari mo silang takbuhan
ngunit ang nalalapit nating pag-iisa
ay di mo matatakasan.

Dahil matapos ang sumpaan
at matagal na takbuhan,
ay mag-iisa rin ang ating buhay
at magsasama panghabambuhay sa hukay!

*Sa punto de bista ng mga kasamang pinaslang ni Palparan.

——

Tubong Cavite at panganay sa tatlong magkakapatid si Lorena Castro. Nagmedyor sa kursong asignaturang Filipino sa Pansekundaryang Edukasyon sa Pamantasang Normal ng Pilipinas. “Sumulat para sa tao at hindi para sa tao”, ito ang matibay na pundasyon ng kanyang pamamantik.

PALPARAN

Jeric Jimenez 

1
lumulukso ang dugo
mariwasa ang tulo
patungo sayong nguso

2
wag mo akong salingin
ikaw sa anyo’t tingin
namayani’y digmaan!

3
puki mo’y nilalasap
aking sinungkit sungkit
lagot sa dilang tinik

4
pati anino’y bugbog
puwit tinusok tusok
sementadong kantutan!

5
tula kong ito’y sayo
sama nunal sa noo
pati pandak na kuko

Tubong San Carlos City, Pangasinan ang 23 taong gulang na si Jeric Jimenez, siya ay Jeric ay nagtapos ng Batsilyer ng mga Sining sa Filipinolohiya at naging Katuwang na Patnugot ng The Catalyst, opisyal na publikasyon ng mga mag-aaral ng Politenikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP). Kasalukuyang nagtuturo ng asignaturang Filipino sa ICCT Colleges at regular na contributor ng mga maikling kwento sa KAILYAN, isang online community group ng mga kababayang Overseas Filipino Workers (OFW) at ng mga tula sa KM 64

 

Takbo, Bergago!

Gem Aramil

Takbo, Palparan!
para sa lahat ng binaon mo,

binalatan nang buhay!

Tumakbo ka!
para sa lahat ng nilublob mo sa yelo,
nilunod,
sinunog,
binunutan ng kuko,
sa mga pinaso mo ng sigarilyo,
ginahasa,
pinahirapan, dinukot at pinatay!

Takbo!
Hangga’t may lupang matatapakan!

Takbo!
Berdugo kang tinuringan!

Bilisan mo pa!
Oras na, ikaw naman aming parurusahan!

Takbo patungong impiyerno!
isama mo amo mong si Arroyo!
Para makita mo na mga kapatid n’yong demonyo!
Pareho kayong gago!

Takbo, Palparan!
Dahil oras na ika’y aming abutan,
Leeg mo naman aming gigilitan!

Sa Listahan

Emmanuel Halabaso

Sa mga panahong ikaw ang tagapaglipon
ng mga ulong nakatala sa listahan,

isa-isa mong itatakda
isa-isa mong buburahin
aagawan ng buhay
makikipagkasundo kay kamatayan
iiyak ang naiwan
tatangis ang kamag-anakan
mapapakuyom ang mga kasama.

Mahaba ang nalikha mong listahan.

Ito ang panahong ikaw naman ang lilipunin
ng mga ulong kasama ng nasa listahan,

wala kaming itatakda
wala kaming buburahin
wala nang aagawan ng buhay
makikiusap kay kamatayan
iiyak, maiiwan
itatakwil ng kamag-anakan
hahatulan ng bayan.

Kasama na sa listahan
ang iyong pangalan.

Nakalinya ka nang hatulan

ng bayan.

Si Emmanuel ay isang guro sa pampublikong paaralan. Mahilig magbasa at magsulat. Mahilig magkape para makatulog. Mahal sa buhay- kapamilya, kaibigan, kasama at bayan.

PALPARROYO LOVESTORY (HORROR)

Romina Ramos

Palparan,
O, naman
Anak ng tokwa.
Gusto ko lang ipaalala,
‘Di porke’t ikaw ay naglaho,
Isa ka nang
Desaparecido.
Dahil gago
Ang isang tulad mo.

‘Wag ka nang magtago.
Subukan mo mang magkubli
Sa lilim ng saya
Ng iyong ina,
Kayo pa ri’y magtatagpo
Ng mahal mong bossing
Sa loob ng
Komedyang kulungan.

Tama ang ‘yong rinig:
Komedya.
‘Pagka’t s’an ka nakakita
Ng isang tao
Na sukdol gumawa
Ng mga sala
Na hayup sa gara
Kanyang selda?
‘Ka’y mapapanganga.

Malaki,
Magarbo,
De-erkon,
De-tiles,
Guwardyado.
Kaya siguro
Ang mga tao’y inspirado
Gumawa ng katarantaduhan
Kasi naman
Ginhawa’y hantungan.

Kung ako’y bigyan man
Pagkakataong pumili
Ng inyong selda,
Gusto ko ay ‘yung kumpleto
Sa kagamitang pang-torture.
‘Yung unti-unting sakit
Ang ramdam.
Hardcore dre.

Mayroong garote.
Ang talas,
Tulad ng sa bread knife,
Hindi sa leeg
Kundi,
para sa kili-kili.
Ang dila ng magsisinungaling,
Kandila ang papatak,
Papaso.

Ang plais,
Ay para sa mga kukong
Kakabit ng makasalanang
Mga daliri.
Isa-isang huhugutin
At bubudburan
Ng sili’t asin.
Mahapdi, makirot.

Sadista?
Hindi ah.
Kulang pa.
KULANG.
Walang sukat ang hinagpis
Ng mga taong
Naghahanap,
Umaasa,
Kahit sa bangkay
Ng kan’lang
Mahal sa buhay.
Ulila.

Na inyong dinakip,
Tinago,
At ‘di na nakita.
Pagsalungat at pagbubunyag lang
Kan’lang gusto.
Pangit kasi
Ang inyong tambalang
PALPARROYO.
Sakim at berdugo.

Kaya ikaw Palparan,
‘Wag nang mag-tago.
Miss ka na
Ng maraming taong
Galit na galit sa’yo
at sa kumander mo.
Kayo’y magsasama sa selda.
Sa
Hirap
at
Pagpawi.

Si Romina ay isang nagpapakakatang makata ng kilometer64-PUP. Makikitang kumakanta at nagsasalita mag-isa sa tabi-tabi.