Pinoy Weekly

Dayuhang oil exploration sa PH, ‘nakakainsulto,’ posibleng magdulot ng hidwaan sa Tsina

Susunugin ng Gabriela sa Marso 8 ang malaking yellow ribbon na may drowing ng bandila ng US (Mula kaliwa) Liza Maza, Joms Salvador, at Rep. Emmi de Jesus ng Gabriela (Ilang-Ilang Quijano)

Sa gitna ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis, “nakakainsulto” para sa mga Pilipinong nagdurusa sa sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis ang plano ng administrasyong Aquino na ibukas sa dayuhang mga kompanya ang natural na   reserbang mga langis at gas ng bansa.

Ito ang inihayag ng mga lider-kababaihan ng Gabriela sa isang press conference sa Quezon City ngayong araw, matapos ianunsiyo ng Department of Energy (DoE) na nakaakit ng 38 dayuhang kompanya ang bidding para sa oil and gas exploration sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kabilang na ang dalawang exploration sites na inaangkin ng Tsina.

“Ito ay pagbebenta sa patrimonya ng bansa. Ang langis na ito ay pag-aari ng mga mamamayang Pilipino na dapat na pangunahing makabenepisyo dito,” ayon kay Joms Salvador, deputy secretary general ng Gabriela.

Paliwanag ni Salvador, nakakainsulto ang timing ng plano ng administrasyong Aquino. “Pinakamataas ngayon ang presyo ng langis sa world market, kaya malaking ganansiya para sa dayuhang mga kompanya na makuha ang mga kontrata sa oil and gas exploration sa bansa. Malaki naman itong kawalan sa ating mga Pilipino na bibili ng langis na kinuha mula sa sarili nating bansa, pero ibebenta naman sa atin sa presyo ng pandaigdigang merkado,” aniya.

Ayon sa DoE, 38 na kompanya ang nagpahayag ng interes sa eksplorasyon ng natural na mga reserbang langis ng bansa. Karamihan dito’y malalaking dayuhang kompanya ng langis at kanilang lokal na mga subsidaryo gaya ng Shell Philippines Exploration B.V., Total E&P Activities Petrolieres, Esso Exploration International Ltd.,  GDF Suez, Repsol Exploracion S.A., ENI, Nido Petroleum Philippines Pty. Ltd., Philex Petroleum Corp. at Mitra Energy.

Sinabi ni Salvador na tanging ang malalaking dayuhang kompanya ang nakikinabang sa natural na mga rekurso ng Pilipinas, gaya ng nangyari sa Malampaya Deep Water Gas-to-Power. Kontrolado ng Royal Dutch Shell at Chevron ng Estados Unidos ang 90 porsiyento ng shares o sapi ng Malampaya, kaya’t “hindi naman nakapagpababa ng presyo ng langis, gas at kuryente sa bansa ang proyektong ito.”

Samantala, dalawa sa 15 exploration site na inaalok ng DoE ay matatagpuan sa Northwest Palawan, malapit sa Reed Bank ng Spratly Islands na inaangkin ng Tsina.

Pangamba ni Liza Maza, tagapangulo ng Gabriela at International Women’s Alliance, posibleng magpatindi ng hidwaan sa Tsina ang pinaplanong mga eksplorasyon, sa tulong na rin ng umano’y “pang-uupat” ng US. Aniya, sinisiguro ng gobyernong US na makukuha ng mga kompanyang US ang mga kontrata sa eksplorasyon, kaya itinaas nito ng 17 porsiyento ang ngayo’y nasa $145-Milyong halaga ng ayudang militar sa Pilipinas.

“Inaasahang gagamitin ang ayudang ito para protektahan ang 200-milya ng mga rekursong pandagat ng bansa para gawing exclusive economic zone ng mga dayuhang kompanya…Naniniwala kaming hindi nagkataon lamang ang pagkakasabay ng pagbibigay ng ayudang-militar at ang bidding para sa oil and gas exploration,” sabi ni Maza.

Idinagdag niya na lalong makakadagdag sa tensiyon sa relasyon ng Pilipinas at Tsina ang pinaplanong joint naval exercises sa pagitan ng mga tropang Amerikano at Armed Forces of the Philippines sa ilalim ng Balikatan Exercises.

Inihayag naman ni Gabriela Rep. Emmi de Jesus na maghahain siya ng resolusyon sa Kamara para paimbestigahan ang 15 kontrata na inaalok ng administrasyong Aquino sa dayuhang mga kompanya ng langis. “Hindi pa nga inaaksiyunan ang aming panukala na ibasura ang Oil Deregulation Law at alisin ang Expanded Value Added Tax sa langis, bumulaga na naman ang isa pang hakbang na malinaw na pagtalikod sa interes ng mga mamamayan,” sabi ni de Jesus.

Bukas, susugod ang Gabriela sa tanggapan ng DoE sa Taguig City para magprotesta. Bahagi ito ng serye ng mga protesta hanggang sa Marso 8, Araw ng Kababaihan, kung kailan inaasahang 10,000 katao mula sa iba’t ibang sektor ang magtitipon sa Plaza Miranda sa Maynila at magmamartsa patungong Mendiola.

Kokondenahin nila ang umano’y sabwatan ng administrasyong Aquino at ng kartel ng langis sa “sobrang pagpepresyo” (overpricing) at panlilinlang sa mga Pilipino.

 

 

email

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=18546

Ilang-Ilang D. Quijano Posted by on Mar 5 2012. Filed under Balita, Kababaihan. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Eskinita: Ang Alternatibong Ruta

Loading Twine Social
Log in | Designed by Gabfire themes
More in Balita, Kababaihan (574 of 1305 articles)