Dating Palawan Gov. Reyes, iba pa, hinatulang nagkasala ng graft
Hinatulang may sala ng Sandiganbayan si dating Palawan Gov. Joel Reyes dahil mga maanomalyang kontratang nagkakahalaga ng higit P1.5 bilyon mula sa pondo ng Malampaya.
Hinatulang may sala ng Sandiganbayan si dating Palawan Gov. Joel Reyes at iba pang mga opisyal mula sa termino niya na kinasuhan dahil sa pinasok na maanomalyang mga kontratang nagkakahalaga ng higit P1.5 bilyon. Mula ang pondo sa natanggap ng provincial government sa Malampaya gas project.
Ayon sa desisyon ng Ikalawang Dibisyon ng korte, napatunayang may 11 bilang ng paglabag si Reyes sa Section 3(e) ng Republic Act (RA) 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Sa Section 3(e), sinasabing labag sa batas ang anumang paggamit ng isang opisyal o empleyado sa kanyang posisyon na may kinalaman sa pagpasa ng lisensya, permit, o kontrata, para paboran o hindi ang iba pa.
Kada bilang ng paglabag, may parusang anim hanggang 10 taon ng pagkakakulong. Sa kaso ng dating gobernador, may 66 hanggang 110 taon ng pagakakakulong ang katumbas ng mga paglabag. Diskuwalipikado na rin si Reyes—na tumakbo pa bilang gobernador ng Palawan noong 2022—sa panunungkulan sa gobyerno.
May 25 na proyekto naman ang nauwi sa acquittal o pagpapawalang-sala dahil sa kakulangan sa ebidensya na direktang nag-uugnay kay Reyes. Sa mga proyektong napatunayan na nilabag nina Reyes sa RA 3019, may mga kaso ng hindi pagsunod sa proseso ng bidding o pagpili ng contractor para sa mga proyektong pang-imprastruktura.
Tinuturo ring mastermind si Reyes sa pagpatay sa brodkaster at tanggol-kalikasan na si Gerry Ortega noong Enero 2011. May isinisiwalat noon si Ortega na kaso ng korupisyon o katiwalian ng administrasyon ni Reyes.
Matapos ang 13 taon pagtakas sa kaso, sumuko si Reyes sa National Bureau of Investigation noon lang Setyembre 2024.