Anibersaryo ng batas militar, Baha sa Luneta, sasalubungin ng protesta


Muling magkakasa ng isang malawakang kilos-protesta ang iba’t ibang progresibong grupo sa pangunguna ng Kilusang Bayan Kontra Kurakot at Bagong Alyansang Makabayan sa darating na Set. 21.

Muling magkakasa ng isang malawakang kilos-protesta ang iba’t ibang progresibong grupo sa pangunguna ng Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK) at Bagong Alyansang Makabayan sa darating na Set. 21, ika-54 anibersaryo ng batas militar at isang taon matapos ang Baha sa Luneta.

“Muli tayong magsasama-sama sa isang malaking rally laban sa mga korupsiyon, kahirapan, at kawalang pananagutan,” ani KBKK convenor David Michael San Juan.

Bibitbitin ng mga grupo ang mga panawagan sa pagpapanagot sa mga nangurakot sa maanomalyang proyektong flood control, paniningil kay Ferdinand Marcos Jr., pagpapanagot kay Sara Duterte, at pagkondena sa mga atake sa mga kritiko ng gobyerno.

Umabot na sa 26 ang mga kasong may kaugnayan sa mga proyektong flood control na isinampa ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan.

Kabilang na dito ang kasong plunder laban kay Leyte 1st District Rep. Martin Romualdez, pinsan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating House Speaker.

Patuloy namang nagtatago sa France si dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co na may mga kasong graft at malversation.

Ayon sa inilabas na traffic advisory ng Manila Police District, isasara ang ilang mga daanan mula hatinggabi ng Set. 21 at tinatayang may 15,700 pulis din ang ipapakalat bilang paghahanda sa naturang protesta.