Biyak na biyak na ng gobyerno ang alkansiya
Higit lalo ngayong umuugong na ang mga plano at pagtatangka para sa paparating na halalan sa 2028. Hindi dapat magamit na alkansiya ng mga kandidato ang kaban ng sambayanang Pilipino.
Walang makatarungang badyet ang posibleng mailuwal nang wala pang hustisya sa nakaraan. Impraktikal man pakinggan, bakas na ito sa panukalang badyet para sa 2027 na aprubado na ng Kamara.
May pondong P23 milyon mula sa Department of Agriculture ang ilalaan daw sa farm-to-market road sa Nueva Ecija pero ang nakalista sa proyekto na coordinates ng lokasyon ay sa dagat malapit sa Benham Rise. Mayroon namang P55 milyon na parehong farm-to-market road para sa lalawigan ng Quezon pero mas malapit sa Brunei ang nakalistang lokasyon.
Ilan lang ito sa mga anomalyang sininsin ng People’s Budget Coalition, isang civil society group na nakabantay sa paggastos ng gobyerno. May P15 bilyon pa anila ang walang nakalistang project papers.
Puna ng Kilusang Bayan Kontra Kurakot, ang bulag na paglalaan ng pondo sa mga proyekto na saka pa lang titiyakin kung siyentipiko at makamamamayan ang pagpaplano. Kahit pa raw ipangako ng mga ahensiya na sisinsinin ang paggamit ng kaban ng bayan, baliktad pa rin ang proseso. Hinahabol pa ng taumbayan ang paliwanag sa bilyones na inilista na.
Isa ito sa mga dahilan para ideklara ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon ang badyet noong 2024 at 2025. Una, labag raw sa Saligang Batas ang 2024 General Appropriations Act (GAA) dahil sa dinagdag ng Kongreso na unprogrammed appropriations (UA) na P449.5 bilyon; pangalawa, dahil sa mga espesyal na probisyon na nilagay sa 2026 GAA ukol sa pagpondo at paggamit ng UA; at ikatlo, labag sa Konstitusyon ang 2025 GAA dahil dinagdagan ng Kongreso ang Special Road Fund ng P17.99 bilyon.
Ginagamit man ng magkabilang bakod ng mga Marcos at Duterte ang maanomalyang paggamit ng pondo ng kabila para yurakan ang isa’t isa, napakalinaw na pareho silang may kailangan panagutan sa paggasta man ng confidential at intelligence funds o unprogrammed appropriations.
“Nagiging labag sa Saligang Batas ang [Unprogrammed Appropriations] kapag wala itong sapat na mga pamantayan, kaya nagkakaroon ng ‘di-nababantayang kapangyarihan sa paggastos ang Ehekutibo,” sabi ng Office of the Spokesperson ng Supreme Court.
At tukoy na ito noon pa. Sinabi sa Kamara at sa ibang lunsaran ni ACT Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio na para maaprubahan ang bilyon na proyektong nakalista sa unprogrammed appropriations, kakailanganin ng pirma ng pangulo. Walang mambabatas ang makakontra sa pahayag, dahil totoo itong bahagi ng proseso, kahit pa dumidistansiya ang Palasyo sa isyu ng korupsiyon.
Ginagamit man ng magkabilang bakod ng mga Marcos at Duterte ang maanomalyang paggamit ng pondo ng kabila para yurakan ang isa’t isa, napakalinaw na pareho silang may kailangan panagutan sa paggasta man ng confidential at intelligence funds o unprogrammed appropriations.
Kaya noon pang 2024 at 2025, mariin nang tinutulan ng ilang senador at ng Makabayan bloc ang tinatalakay na badyet bago pa ipasa ng Kongreso. Hindi sila nagpatinag, kahit pa kaliwa’t kanan ang naging pambubusal, tulad ng pagpatay sa mikropono ni noo’y Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel sa plenaryo noong tinatalakay ang badyet para sa 2024.
Ngayon, kahit pa gustong iratsada ng administrasyon ang pondo, tuloy-tuloy sa pagsinsin at paniningil ang taumbayan, ang mga nagkakaisang mga karaniwang mamamayan. Sunod-sunod ang mga nasisiwalat.
Makikita sa budget.bettergov.ph ang ginawa ng iba’t ibang volunteer na pagkumpara ng datos sa badyet para sa Department of Public Works and Highways na mula sa 2027 National Expenditure Program at mula sa ipinasa ng Kamara na sa House Bill 10858.
Kapansin-pansin na pinakamaraming idinagdag na proyekto ang napunta sa unang distrito ng Ilocos Norte na kinakatawan ni Rep. Sandro Marcos—dagdag na 405 na proyektong nagkakahalaga ng P4.37 bilyon.
Totoo na kailangan ng pondo ng mga lungsod, distrito at probinsiya. Pero dapat bago pa ito ipasa ng Kamara at Senado, bago pa umabot sa lamesa ng pangulo, dumaan na sa masinsing pag-aaral at pagdepensa sa kung bakit ba kailangan ng anumang paglaki ng halaga.
Higit lalo ngayong umuugong na ang mga plano at pagtatangka para sa paparating na halalan sa 2028. Hindi dapat magamit na alkansiya ng mga kandidato ang kaban ng sambayanang Pilipino.