Magsasaka

Hacienda Luisita, ‘laboratoryo’ ng Oplan Bayanihan?


Pinaigting ng mga grupong magsasaka ang kanilang panawagan para sa pull-out ng mga puwersang militar sa Hacienda Luisita matapos ang isang fact-finding mission na nagkukumpirma sa matinding militarisasyon sa asyenda ng pamilya ni Pang. Benigno Aquino III. Inamin mismo ni Maj. Enrico Gil Lleto, tagapagsalita ng 7th Infantry Division, na ipinapatupad sa Hacienda Luisita ang Oplan […]

Magsasaka sa Hacienda Luisita, hindi mapayapang makapagsaka dahil sa militarisasyon at patuloy na pagkakait sa kanila ng lupa (PW File Photo/ King Catoy)

Pinaigting ng mga grupong magsasaka ang kanilang panawagan para sa pull-out ng mga puwersang militar sa Hacienda Luisita matapos ang isang fact-finding mission na nagkukumpirma sa matinding militarisasyon sa asyenda ng pamilya ni Pang. Benigno Aquino III.

Inamin mismo ni Maj. Enrico Gil Lleto, tagapagsalita ng 7th Infantry Division, na ipinapatupad sa Hacienda Luisita ang Oplan Bayanihan, programang kontra-insurhensiya ng gobyernong Aquino. Kasalukuyang naka-deploy ang mahigit 200 sundalong militar sa mga barangay ng Balete, Texas, Asturias, Bantog, Cut-Cut, Parang, Lourdes, Mutrico at Parang.

“Sa wakas, inamin na ng gobyerno na militarisado ang Hacienda Luisita,” sabi ni Joseph Canlas, tagapangulo ng Alyansa ng Magbubukid sa Gitnang Luzon (AMGL).

“Ang Hacienda Luisita ay parang naging ekstensiyon na ng Northern Luzon Command,” ayon naman kay Rodelson Mesa, pangkalahatang kalihim ng Unyon ng Manggagawa sa Agrikultura (UMA) at dating manggagawang-bukid sa asyenda.

Sa fact-finding mission na pinangunahan ng UMA, AMGL, Ambala (Alyansa ng Manggagawang Bukid sa Asyenda Luisita), Karapatan, at Promotion of Church People’s Response, napag-alaman na nakakatanggap ng death threats ang lider-magsasaka na si Felix Nacpil Jr., tagapangulo ng Ambala, habang tinitiktikan at pinagbibintangan namang rebeldeng New People’s Army sina Lito Bais, tagapangulo ng UMA at United Luisita Workers Union; Leonor Saroza, pangkalahatang kalihim ng Ambala; at Francisco Dizon, tagapagsalita ng Ambala.

Napag-alaman din na regular na rumoronda sa asyenda ang armadong mga sundalo, na naghahasik ng takot sa mga magsasaka at residente ng asyenda. Aktibong nagrerekluta rin ang militar ng mga miyembro ng Civilian Armed Forces Geographical Unit o Cafgu.

Pinabulaanan ng Ambala ang pahayag ni Lleto na mismong mga kapitan ng 10 barangay ang humiling presensiya ng militar sa pamamagitan ng isang resolusyon. Ayon sa grupo, hindi dumaan sa konsultasyon sa mga residente ang nasabing resolusyon. Napuwersa lamang din umano ang mga kapitan na pirmahan ito, maliban kay Renato Luna, kapitan ng Brgy. Balete na kilalang tagasuporta ng pamilya Cojuangco-Aquino.

“Kilala si Luna bilang isang korapt na opisyal. Niloko niya ang maraming manggagawang-bukid, inangkin niya ang mga lupain na aming sinasaka. Takot siya ngayon sa amin, at naninirahan sa lugar na ginuguwardiyahan (ng mga Cojuagco),” sabi ni Nacpil.

Pinuna ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano ang pagiging “laboratoryo” ng asyenda para sa Oplan Bayanihan. Umano’y  ang mga operasyong sosyo-sibiko ay kinokondukta ng Armed Forces of the Philippines para pagtakpan ang panghaharas at pandarahas sa mga magsasaka  na ipinaglalabang mapasakanila ang mahigit 4,000 ektaryang lupain.

Binalewala naman ito ng tagapagsalita ni Pangulong Aquino na si Edwin Lacierda, na sinabing “hindi isyu” ang presensiya ng militar sa asyenda.

Ngunit ayon kay Mariano, militarisasyon ang nagdulot ng masaker sa Hacienda Luisita noong 2004. Ito rin umano ang sanhi ng ekstra-hudisyal na pamamaslang sa mga lider-magsasaka at kanilang mga tagasuporta na sina Ricardo Ramos, Tarlac City Councilor Abel Ladera, Obispo Alberto Ramento, Fr. William Tadena, Tirso Cruz, at Marcelo Beltran. Hanggang sa ngayon ay wala pa ring hustisya sa masaker at sa ekstra-hudisyal na mga pamamaslang.