Pinoy Weekly

K+12: Dagdag aralin, dagdag pasanin

Piket ng Anakbayan kontra sa K+12. (Kontribusyon)

Piket ng Anakbayan kontra sa K+12. (Kontribusyon)

Sa pagbubukas ng pang-akademikong taon 2012-2013, hindi na lamang taun-taong problema sa edukasyon ang sasalubong sa mga mag-aaral, guro, at mamamayan, kundi ang implementasyon ng Universal Kindergarten o K+12 na naglalayong dagdagan ang mga taon sa elementarya at hayskul.

Ang K+12 ang programa ng administrasyong Aquino na naglalayong solusyunan daw ang matagal nang problema sa edukasyon. Pero umani ito ng batikos.

Base sa programa, magiging mandatory ang kindergarten, magkakaroon ng anim na taon sa elementarya (Grade 1 hanggang 6), apat na taon sa junior high school (Grade 7 hanggang 10) at dalawang taon na senior high school (11 hanggang 12).

Subalit ayon sa Kabataan Party-list, hindi sasagot sa bumababang kalidad ng edukasyon, sa paglobo ng bilang ng mga out-of-school youth, maging ang problema sa kawalan ng trabaho sa bansa, ang hakbang sa pagdagdag ng taon sa batayang edukasyon.

Kalidad at reyalidad

Isa sa ipinagmamalaki ng administrasyong Aquino na layunin ng K+12 ang pagtaas ng kalidad ng edukasyon sa bansa. Pero inulan agad ito ng di pagsang-ayon sa aktuwal na kalagayan ng mga paaralan sa Pilipinas.

Sa implementasyon pa lang ng mandatory kindergarten ngayong taon, tampok na ang kakulangan ng pamahalaan sa pisikal na pangangailangan ng mga paaralan.

Sa Department of Education Order N0. 37 na pinamagatang “Policies and Guidelines on the Implementation of the Universal Kindergarten for SY 2011-2012,” pinahihintulutan ang pagggamit ng “other available spaces” ng pampublikong mga paaralan.
Binatikos ito ni ACT Teachers Rep. Antonio Tinio. “Ganito ba ang patakaran ng isang matinong gubyerno? Hihikayating mag-enrol ang lahat ng limang taong-gulang kahit wala palang klasrum na paglalagyan, kaya pagkakasyahin na lamang sa ‘any available spaces’?” ani Tinio.

Binatikos din ni Tinio ang pagpahintulot ng DepEd Order No. 37 sa pagkakaroon ng volunteer o unlicensed teachers para sa kakulangan ng guro sa kindergarten na labag umano sa Section 27 ng RA No 7836 o Philippine Teachers Professionalization Act of 1994.

Dagdag pa, sa 2011 datos ng Alliance of Concerned Teachers, tinatayang 103,599 ang kulang na mga guro sa bansa. Samantalang nagsisiksikan ang 45 mag-aaral o higit sa isang klasrum. Nasa 10,000 lamang ang target na idagdag na guro dahil di sapat ang badyet sa edukasyon nitong 2011. Tinatayang 22 milyong kabataan ang pumasok ngayon taon sa elementarya.

Sa pag-aaral mismo ng Trends in International Mathematics and Science Study (TIMSS), ang haba ng pag-aaral ay hindi nangangahulugan ng mas magandang grado. Sa katunayan, ang ilang bansa na may katulad ng haba ng edukasyon sa Pilipinas ay nakakuha ng mas mataas na grado kumpara sa mga bansang nagpapatupad ng K+12 o higit pang taon subalit mas baba ang grado.

Paliwanag ng League of Filipino Students, may rekisito ang K+12 sa implementasyon nito at iyon ang paglaan ng mataas na badyet sa batayang edukasyon.

Aabot sa 2.26% lamang ng Gross Domestic Product (GDP) ang inilalaan ng gobyerno. Malayo ito sa rekomendasyon ng United Nations na dapat nasa 6% ng GDP ang inilalaan sa edukasyon, ayon naman sa Anakbayan.

Samantalang patuloy ang bawas-badyet sa edukasyon: mula 3.3% noong 2001, naging 2.19% ito noong 2008 at 2.7% ng GDP sa taong 2009. Mas mataas pa ang sa ibang bansa sa Timog Silangang Asya, tulad ng Malaysia na naglalaan ng 7.4% sa kanilang GDP at Thailand ng 4%.

Trabaho pagkatapos?

Sa K+12, kasama sa kurikulum ang mga pagsasanay sa semi-skilled na mga trabaho. Inaasahan na sa pagtatapos nila sa hayskul, nasa 18-anyos na ang mga mag-aaral para makapasok sa trabaho.

Ayon sa Kabataan Party-list, taun-taon sa nakalipas na dekada, tinatayang nasa 300,000 ang bagong gradwado na dumadagdag sa labor force—mayorya sa kanila ang naitatala sa tumataas na bilang ng estadistika ng unemployed.

Ngayong 2012, tinatayang 400,000 mga bagong gradwado ang inaasahang dadagdag sa bilang ng “tigil” na mga manggagawa. Upang masolusyunan ang kawalan ng trabaho sa mga kabataan, kailangan ayusin hindi lamang ang  batayang edukasyon ng bansa kundi maging ang polisiya nito sa ekonomiya at empleyo, dagdag ng Kabataan.

Para sa College Editors Guild of the Philippines, layunin ng K+12 ang pagluluwal ng semi-skilled workers na nagbebenta ng murang lakas-paggawa para sa dayuhang mga kompanya. Nakapokus ang programa sa pagluwal ng mga gradwado sa mga kursong bokasyunal, na magiging kontraktuwal na mga manggagawa — barat ang suweldo, di regular, walang benepisyo.

Sabi ng Kabataan, sa 100 mag-aaral ng pumapasok sa Grade One, 66 lamang ang nakakatapos ng Grade six. Sa 58 na pasok sa hayskul, 43 ang nakakatapos. Sa 33 na nakakatuntong ng kolehiyo, 21 ang nakakapagtapos. Ang 21 na ito’y walang kasegurduhan na magkakatrabaho. Lalo pa ang natitirang 79 na mag-aaral.

Samantala, ang  pangingibang-bansa ng gradwado sa narsing, pagtuturo at pagdodoktor para maging caregivers, medical assistants at domestic helpers sa ibang bansa ay indikasyon ng malalim na problema sa edukasyon at ekonomiya ng bansa. Nakakalungkot na naitutulak ng gobyerno palayo ng bansa ang pinakamahuhusay nating manggagawa at propesyunal, ayon pa sa Kabataan.

Edukasyon sa iilan

Sa programang ito, inaasahang magiging opsyon na lamang ng kabataan ang pagpasok sa kolehiyo. Mababawasan ang mga gustong pumasok sa mga unibersidad na magiging hudyat ng lalong pagbawas sa badyet ng edukasyon.

Ayon sa National Union of Students of the Philippines (NUSP), sa tuwing nagtataas ng matrikula ang State Colleges and Universities (SUCs), lalong lumalakas ang loob ng pribadong mga pamantasan na itaas ang kanilang matrikula at iba’t ibang “malikhaing” bayarin sa porma ng miscellaneous fees.

Samantala, bago pa man mapilitan ang mga magulang na ipasok sa kindergarten at junior high school ang kanilang mga anak, baon na sila sa mabibigat na bayarin. Bagamat libre ang pampublikong edukasyon sa elementarya, mangangailangan pa rin ang isang mag-aaral ng P20,000 para sa gastusin sa pamasahe, gamit sa eskuwela at pagkain para sa buong taon, kuwenta ng League of Filipino Students.

Sa sarbey ng Family Income and Expenditures Survey, napag-alamang mas pinipili ng pamilyang Pilipino na paglaanan ng panggastos sa pagkain at iba pang pang-araw-araw na pangangailangan higit sa pangangailan ng kabataan sa paaralan o papasukin pa sa paaralan.

Batay sa mga dahilang ito, masasabing sa ilalim ng K+12, taun-taong di-maiiwasan at mananatiling mataas ang bilang ng dropouts at out-of-school youths dahil sa mababang paglalaan sa edukasyon, pagtaas ng mga batayang bilihin, pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin sa paaralan, at hindi gumagalaw na sahod ng nagtatrabahong mga mamamayan.

email

Short URL: http://pinoyweekly.org/new/?p=18490

Pher Pasion Posted by on Mar 4 2012. Filed under Features, Kabataan. You can follow any responses to this entry through the RSS 2.0. You can leave a response or trackback to this entry

Leave a Reply

Multimedia

Eskinita: Ang Alternatibong Ruta

Loading Twine Social
Log in | Designed by Gabfire themes
More in Features, Kabataan (462 of 978 articles)