PED XING

Sa ‘yo, ‘te


Palaging sinasabi, ang Pilipinas ay isang bayan na patuloy na naghahanap ng iidolohin at bayani.

At bakit nga hindi?

Palaging sinasabi, ang Pilipinas ay isang bayan na patuloy na naghahanap ng iidolohin at bayani.

At bakit nga hindi?

Tuwing SoNA lang umuunlad dito ang ekonomiya. DoLE lang ang naniniwalang mataas pa din ang employment rate. At higit sa lahat, Malakanyang na lang yata ang naniniwalang madami na silang nagawa sa bawat buhay ng naghihikahos nitong mamamayan.

Gutom at uhaw na naghahanap ng inspirasyon, the search is on para sa kanilang hahangaan.

Sa ika-8 ng Marso, buong mundong gugunitain ang pandaigdigang araw ng mga kababaihan. At tampok sa Ped Xing sa linggong ito ang mga tulang inalay sa mga bayaning kababaihan.

Ang Gumamela

Kislap Alitaptap

Ako’y isang bulaklak, Gumamela ang pangalan.
Nakikipaglaro sa araw, pinapaliguan ng ulan.
Aking kinakalabit mga mukhang nagdaraan,
Upang ako’y pitasin at dalhin kahit saan.

Masungit ang araw, manipis ang kaulapan.
Sa aki’y may humaplos na ‘di pangkaraniwan.
Palad niya’y manipis, mainit sa kailaliman.
Sa mukha niya’y nakaguhit, bahaghari ng kasiyahan.

Ako’y kanyang pinitas, pinuri ng walang hanggan.
Isinabit sa kanyang buhok, nagpakuha ng larawan.
Isinama sa pag-akyat sa hagdan ng katibayan.
Papel na siyang patunay sa kanyang kasipagan.

Matamlay ang araw, makapal ang kaulapan.
Sa aki’y nagpaalam ang anghel ng kalusugan.
Karununga’y iaalay sa bakuran ng kanayunan.
Kung saan ang kalusuga’y ‘sing-ilap ng kalayaan.

Ako’y nagtiyaga’t nag-abang sa pintuan.
Sa muling pagdapo ng anghel ng kalusugan.
Ngunit ang dumating ay bangkay na katibayan,
Kabaong na siyang patunay sa kanyang kadakilaan.

Nanlulumo ang araw, nagluluksa ang kaulapan.
Sa aki’y may humaplos na ‘di pangkaraniwan.
Palad niya’y magaspang, nag-aalab ang kailaliman.
Sa mukha niya’y nakaguhit, bahaghari ng katarungan.

03 Enero 2009
-para sa walang hanggang alaala ni Rachelle Mae Palang (1986-2008)

Oda Kay Tanya Domingo

Kislap Alitaptap

Para sa’yo ang karununga’y isang kahibangan,
Lalo na kung ito’y nakataklob sa mga mata ng kat’wiran.

Para sa’yo ang pagmamahal ay isang kalawanging bakal,
Lalo na kung pag-akap nito’y, akap ng kasakiman.

Para sa’yo ang katapangan ay kasuklam-suklam,
Lalo na kung sinusugat nito ang puso ng Amihan.

Para sa’yo ang kasalukuya’y naglalakbay na kasawian,
Lalo na kung binabagtas nito’y pasibong hangganan.

Para sa’yo ang kalayaa’y walang tahanan,
At ito’y makikita lamang sa bukas na naghihintay.

Para sa’yo aming alay ang buhay na kasunduan,
Na habang ang timbangan ng digmaa’y

Wala pa sa kamay ng lumilikha’t nagbubungkal;
Kami ay magtatanghal gaya ng iyong pangalan.

21 Enero 2010

Jema: Amarilyong Sepiro

(Para kay Jemalyn Lacadin)

Mark Angeles

Niyayakap natin ang matandang puno ng mangga.
Lahat tayo, nag-aatang ng ating mga kamay.
Sa ilalim ng malalabay nitong mga sanga
sabay-sabay tayong umuusal ng pulang awit.
Unti-unting natutuyo ang ilang dahon:
humuhulagpos sa kinakapitang duklay.
Inilululan ng hangin sa ibang lugar
at kung mapagal, sa lupa humihimlay.
Ngunit ikaw, Jema, balingkinitang kaibigan,
ay yumapos pa rin sa hitik nang puno
hanggang sa ikaw din ay maging bunga—
nagsa-amarilyong sepiro ang iyong puso.
Ang alaala ng iyong tinig ay bumubulong
sa sinumang humaharap sa panulat.
Ang lagot ng iyong buhay ay bumubudyong
na ang aming hintuturo ay ipingkaw.

 

Oda kay Lucille Gypsy Zabala

Usman Abdurajak Sali

Hindi na mabubura ang iyong mga bakas
Sa armadong landas na pinili mong tahakin.

Sa aming alaala ay buhay at sariwa
Ang mga halakhak mo’t ngiti,
Pagkat sino ba sa amin ang maaring lumimot
Sa tulad mong umaapaw sa kasiglahan?
Sino ba sa amin ang hindi maantig
Sa pagtalikod mo sa kaalwanan
Upang buong-panahong mag-ambag
Sa diwa ng mapagpalayang pag-aalay?

Pag-asa ang hatid mo sa sugatan naming puso
Katiyakan sa mga nagdadalawang-isip
Hamon sa mga pinanghihinaan ng loob,
At paghanga sa makabuluhan mong alaala.

Hindi na mabubura pa ang iyong mga bakas,
Sinusundan ito ngayon ng mga tulad mong piniling mag-armas.

 

Ano ang isang Ina?

Joan Zaragosa

  Ano ang isang ina?
    -Lorena Barros

Ano ang isang Ina?

Bente-kwatro oras
Pitong araw
Isang Linggo
Labindalawang Buwang
Pagpapagal
Ng kung Ilang Taon kang humihinga
Trabahong hindi kontraktwal
Bawal mag-resign, hindi pwedeng masesante
Walang Day-off
At walang anumang umento sa sahod
Na makatutumbas sa halagang gulugod
Ng iyong pagkatao.

Kusinera, Labandera, Serbidora,
Taga-linis, Taga-badyet, Punong-abala
Tubero, Mananahi, Magsasaka
At dumadalas, Ama
Wala nang trabahong di mo kinakaya
Sa pag-ibig sa anak na hulas sa ‘yong pwerta.

Ngunit ano ang isang Makabayang Ina?

Bente-kwatro oras
Pitong araw
Isang Linggo
Labindalawang Buwang
Pagpapagal
Ng kung Ilang Taon kang nakikibaka
Trabahong hindi kontraktwal
Hindi kilala ng bokabularyo ang mga salitang:
                                                 Leave o Lie Low
Walang Day-off
At walang anumang umento sa sahod
Na makatutumbas sa halagang gulugod
Ng iyong paglaya.

Kusinera, Labandera, Serbidora,
Taga-linis, Taga-badyet, Punong-abala
Manggagawa, Magsasaka, Aktibista
At dumadalas sa armadong pakikibaka
Wala nang gampaning di mo kinakaya
Sa pag-ibig sa anak na hulas sa iisang ideolohiya.

 

Hayaan Mong Muli Ka Naming Makasama

Dap-ay Sapata
20 June 2008
Mountain Province

Nanlulumo ang punong pino sa pagdapo ng itim na balita.
Ang haplos ng hangi’y nanginginig, nababahala.
Ang pulutong ng hamog ay nangingilid ang luha.
Ang pagkislap ng kidlat ay pilit pinapanatag,
Ang nagluluksang pagtangis ng kulog.
Nagtatanghal ang ilog ng mga tula ng pakikiramay.

Paano na ang patuloy na pagguhit ng iyong larawan?
Paano na matatapos ang  pagbubuo ng mga pangungusap na ito?
Paano na ang alaala ng iyong tinig, ngayong ika’y kinuha na ng pagkakataon?

Hayaan mong muli ka naming makita…
Sa bawat nagsasalimbayang dahon ng luntian.
Sa kulumpon ng mga makukulay na bulaklak sa sulok ng kagubatan.
Sa akbayan ng mga nakatingalang kalupaan.
Sa tanghalan ng mga alitaptap sa oras ng kadiliman.
At sa hanay ng mga punong nagpapaligsahan.

Hayaan mong muli ka naming marinig…
Sa ihip ng hanging sa ami’y lumalapit.
Sa palahaw ng mga hayop na maiilap.
Sa tudyuhan ng mga kulisap.
Sa pagaspas ng pakpak sa himpapawid na hamak.
At sa panaghoy ng gumuguhit na pasyon ng ilog.

Hayaan mong muli ka naming madama…
Sa bawat kalabit ng mga kawad na baging.
Sa bawat halik ng nahuhulog na tubig.
Sa bawat yakap ng maaamong hamog.
Sa bawat tapik ng nakayukong kugon.
At sa bawat dampi ng nagtatanghal na bolang init.

Hayaan mong muli ka naming makasama…
Sa matatatag na unyon ng barikada.
Sa pagkakapit-bisig sa gitna ng kalsada.
Sa bawat habas ng karet ng pagsasaka.
Sa bawat bilang ng kabataang nag-aalsa.
At sa bawat kamaong sumasagisag ng pakikibaka.

Hayaan mong muli ka naming makasama…
Sa bawat palad na pinagtatagpo ng malayong panahon.
Sa bawat sumasagitsit na punglo ng paghuhukom.
Sa bawat pagkalinga ng pinaglilingkuran nating masa.
Sa bawat bisig na hinuhubog ng Armadong Sigwa.
At sa bawat taludtod, saknong at kataga ng paglaya.

Kasamang Mika, lubusan ka mang inilayo sa amin,
Ng iyong mapangahas na pagsalunga sa unos.
Hayaan mong muli ka naming makasama.
Sa bawat ngiting ibubunga…
Ng nagpapatuloy na paglawak ng pulang republika.

-Para sa makulay at walang hanggang alaala ni Hazel Joyce “Ka Mika” Panganiban. Nagmartir sa isang labanan sa pagitan ng mga pulang mandirigma ng Alfredo Cesar Command (NPA-Ilocos) at mga bayarang tropa ng 50th IB noong ika-5 ng Agosto 2007.

 

Lupa at Buwan (Ang Pamamaalam)*

Dap-ay Sapata
21 December 2007

Isang pulgada kang dumungaw sa nakatingalang kalupaan,
Na tinitirikan ng mga gusaling luntian,
Na pumapatong sa mga nagpapaligsahang mga damuhan,
Na sa init ay sumasayaw, nagpapaalam,
Habang nagtatanong ng walang humpay,
Kailan kaya kita muling masisilayan?

Dumungaw kang lubos na nag-aalala sa tanong na kailan.
Na ngayo’y ginagambala ang ilang araw na tagpuan.
Ng kamusta ka’y, sumulat ka, at sana’y magbalik ka,
Ng mga musikang binabalot ng pamamaalam.
Habang umaasa ng walang humpay,
Sana ikaw ay muli kong makasama.

Unti-unti kang lumalayo sa nakatingalang kalupaan,
Na dahan-dahan ng sinusuyo ng ulap.
Ang mga gusaling luntian ngayo’y matatag ng tahanan,
Ng mga pakpak na sa maghapo’y nahapo at nagdiwang.
Habang nagtatanong ng walang humpay,
Bakit kailangan pang ikaw ay lumisan?

Kinulayan mo ang mga sandaling nabubuhay ang mga alitaptap,
Na isinasalarawan ng mga kulisap.
Kawangis ng mga nakasabit na pangungusap,
Na kinukumutan ng makapal na ulap.
Habang nangangarap ng walang humpay,
Na sana ang bukas ay walang kasing-kulay.

Tuluyan ka nang lumisan sa kanina lang ay kadaupang palad mong kalupaan.
Ang malambing mong ngiti ay nagbibigay liwanag sa dilim ng pamamaalam.
Habang ikaw ay lumalayo, pananabik ay umaapaw.
At sa iyong pagpanaw, ako’y umaasa’t tumatanaw,
Na tulad ng pagsuyong kalupaan at buwan,
Ang ating paglalayo ay panandalian lamang.

*para kay Pilar

 

Walang Ibang Tamang Landas

Pia Montalban

Nang mailathala ang kwento
ng iyong kabayanihan. Di malirip na
kilabot ang naglakbay sa aking kalamnan.
Naghatid ito ng dagitab
sa puso kong nananamlay.
Naghatid ng panibagong lagablab
sa ningas kong aandap andap.

Gusto kong maiyak. Nangalit
ang aking ngipin sa dalit.
Napakuyom ang mga kamao, naitaas
ng marahan, na hindi namamalayan.
Awtomatiko ang tugon. May kung
anong lubid ang sa iyo at sa akin
ay nagdudugtong.

Ngunit pang-ilan ka na ba?
Hindi ka nagiisa, at hindi ikaw ang una,
ngunit tiyak hinding-hindi ding magiging huli–
hanggat ang lipunang ito’y nahahati sa uri.
Hanggat ang tunggalian ay di pa napapawi. Hanggat
may buhay na inuutang, may dugong ibinubuwis,
mananatili–

Ang mga kabataang, iskolar
na nagaaral ng lipunan sa kagustuhang
baguhin ito. Ang mga kabataang,
hindi kinayang bumili ng inilalakong
edukasyon, kaya lumabas ng apat na sulok
ng silid aralan. At pinagtapos
ng pambansa demokratikong paaralan.

Ang mga babaeng, ang alindog at ganda’y
hindi kahinaan. Pagka’t may katapangan
sa pagtangan, ng landas na huhubog
sa pangarap na lipunan. Ang mga babaeng,
hindi nagpadikta sa lipunang nagtatakda
na ang kusina’t bahay ang tangi nilang kaya,
bagkus nagtangan ng armas, para sa masa.

Ang mga magsasaka, manggagawa,
at iba pa. Ay haharap sa kanilang natatanging
misyong mapagpalaya. Ang buong mamamayan,
ang masang api at pinagsasamantalahan.
Titindig, babalikwas. Pagkat sa lipunang
ang karapatan ay iginigiit at hindi iginagawad,
walang ibang tamang landas.

Kundi ang tumungo sa kabundukan,
at pabahain ang lansangan.

—-
isang iskolar ng Bayan, kabataan at babae,
si Kemberly Jul Luna, ay namatay na tangan tangan
ang pambansa at demokratikong pakikibaka.

ang kanyang buhay, at kamatayan, ay mananatiling
inspirasyon at gasolinang magpapaandar
sa pagpapatuloy ng paglalakbay at pakikibaka
tungo sa isang lipunan na wala nang pagsasamantala
ng tao sa tao.

 

Oda Kay Tanya Domingo

Kislap Alitaptap
21 Enero 2010

Para sa’yo ang karununga’y isang kahibangan,
Lalo na kung ito’y nakataklob sa mga mata ng kat’wiran.

Para sa’yo ang pagmamahal ay isang kalawanging bakal,
Lalo na kung pag-akap nito’y, akap ng kasakiman.

Para sa’yo ang katapangan ay kasuklam-suklam,
Lalo na kung sinusugat nito ang puso ng Amihan.

Para sa’yo ang kasalukuya’y naglalakbay na kasawian,
Lalo na kung binabagtas nito’y pasibong hangganan.

Para sa’yo ang kalayaa’y walang tahanan,
At ito’y makikita lamang sa bukas na naghihintay.

Para sa’yo aming alay ang buhay na kasunduan,
Na habang ang timbangan ng digmaa’y

Wala pa sa kamay ng lumilikha’t nagbubungkal;
Kami ay magtatanghal gaya ng iyong pangalan.

 

Lina

Alexander Martin Remollino

In memory of Myrna “Ka Lina” Fajardo, outstanding human rights activist, 1959-2006

To us, it was like a sudden rain in summer
when death stopped the heart that beat
for those whom false gods sought to strip
of their humanity
for raging against the inhuman life
foisted by a few on the many,
the heart that burned like a prairie fire
when those who were trampled upon
were being tempted to betray themselves
for thirty pieces of silver.
It was like a sudden rain in summer,
and the rain will be long and hard.
But we shall last through the rain
with the thought that your heart continues to beat
in every breast that’s filled with yearning for the day
when it’s no longer a crime
to loathe the life unfit for humans.

2006, January 16

 

Ang Babae

Joan Zaragosa

Ang babae
ay tinawag na babae
dahil nakaupo siya kung umihi
at walang nakasabit
sa pagitan ng singit
na tumitigas kung nagagalit.

Anatomiya
ang susing mapagpasya
kaya ikaw ay nilista
ng doktor o komadrona
bilang baby boy o baby girl sa opisyal na tala.
Anatomiya, wala nang iba.

Iisa lang naman ang “uha”
mapababae o lalake man ang bata.
Sa oras na iyon, hindi siya ang mapagpasya.
Anatomiya, anatomiya ang mapagpasya.
Hindi ang ina, ama, lalong hindi ang walang muwang na bata.
Hindi din ang gawi, kilos, kalikasan, kapagdaka–
Dahil ang tala,
sa munisipyo, na may pirma
ng nagluwal sa bata
ay tala na hindi mabubura.

Hindi ang pagluluwal ng bagong tao sa sanlibutan
ang pinakamatayog mong obligasyon sa bayan.
Babae ka pa rin kahit hindi pagpalain ang bahay bata mo.

Sakaling gampanan mo ang natatangi mong misyon,
na di kayang gawin ng lahi ni Adan–
mamintog ang tiyan mo’t magluwal ng sanggol ang sinapupunan,
hindi ang lampin, pinggan at kama ang iyong tanging laruan.
Tanging Babae ang nagiging Ina,
ngunit hindi tanging ang pagiging Ina, ang misyong nagiisa.

Hindi nagbabago
ang tunay mong anyo–
Babae ka!

Hindi yan nababawasan
kahit puta kang marungis
Hindi yan nadaragdagan
kahit santa kang anong linis.

Babae ka!

Kabataan, Lider, OFW,
Makata, Artista, Aktibista,
Doktora, Nars, Pulang Mandirigma.

Babae ka!

Huwag magpaumanhin,
ikaw na kaluluwa at salamin
ng Bayang ito.

Basagin ang palamuting kwadro
na nagkulong sa iyo sa burges na mundo.

‘Di anak ang tanging medalya mo.
‘Di postura ang pagkakakilanlan ng pagkatao mo.
‘Di kusina at kama lamang ang babagay sa angking talento mo.
‘Di kumpleto ang kalayaan kung di ka kasamang nagtagumpay dito.

‘Di lalaki ang bubuo sa iyo.
‘Di din sila ang babasag sa iyo.