PED XING

Wala daw silang magagawa


Sa isang bayang mas pinoproblema pa ng mas nakararami ang trapik, pagkaantala sa mga pupuntahan dahil walang masakyan- responsableng pagbabalita nga siguro ang inirereport sa tv, radyo at dyaryo na perwisyo ang naidudulot ng welga ng mga tsuper at operator. You can’t please everybody, ika nga. Sa kada pagtataas ng presyo ng produktong petrolyo, may dalawang panig, ang mga […]

Sa isang bayang mas pinoproblema pa ng mas nakararami ang trapik, pagkaantala sa mga pupuntahan dahil walang masakyan- responsableng pagbabalita nga siguro ang inirereport sa tv, radyo at dyaryo na perwisyo ang naidudulot ng welga ng mga tsuper at operator.

You can’t please everybody, ika nga.

Sa kada pagtataas ng presyo ng produktong petrolyo, may dalawang panig, ang mga tsuper at ang malalaking kumpanya ng langis.

Trabaho ng mamamayang maaapektuhan ang mamili kung saan sya papanig. Tutol ba sya? O Tama lang na magtaas ng presyo kasi madami naman syang pera?

Kailangang may panigan, obsolete na ang neutrality sa ganitong mga panahon na sahod na lang ang hindi tumataas. Kung hindi ka tututol, by default, ibibilang ka sa mga kakampi ng oil companies.

Payag ka?

Sa kawalang aksyon (Noynoying), ni Noynoy Aquino matataas naman siguro ang IQ natin para malaman kung sino ang makikinabang.

Hindi naman mahirap unawain yun mga hinaing ng mga nagpoprotesta. Una, kung mababasura ang oil derugalation law, makokontrol na ng gobyerno ang presyuhan ng langis.

Pangalawa, kung aalisin ang VAT sa langis, lima hanggang anim na piso ang mababawas kada litrong ikakarga. Imagine, hindi na kakailanganin ng mga tsuper na magtaas ng pamasahe.

Ang laban kontra pagtaas ng presyo ng langis ay hindi lang laban ng mga tsuper at ng kanilang mga operator, laban din ito ng mga namamasahe.

Laban din ito ng mga makata, dahil mamamayan din siya.

LINTIK NA OPH
Mac Ramirez

Sana
bukas
pagkagising
wala nang mga
sasakyan
sa kalsada

Dahil
tao na
ang pupuno
sa mga lansangan
at bangketa

Pagkasawa,
muhi
ang mag-lalangis
sa makina
ng kanilang
kapasyahan

Katwiran
ang gasolinang
magpapa-alab
sa kanilang
mga damdaming
nag-aalimpuyo

At
siyang  tutusta
sa dagat-dagatang apoy
sa palalong
kartel
na lintik
kung tumubo,
gayundin
sa mga
nasa poder
na kanilang
abugado

May
lalapot
pa nga ba
sa langis
kundi
ang makatwirang
sigaw
sa dugo?

Langis sa Luha
-Rolan Decena

Langis sa luha
Pumatak sa lupa
Langis sa sugat
Ay langis din sa lupa

Langis sa labi
Masagana pa ang buhay
Langis sa dugo’t pawis
Ngayo’y agaw buhay

Langis sa mukha
Pawis sa mukha
Kawangis ay kuba
Habang bagtas ang Maynila

Langis sa luha
Langis sa mukha
Wala ng tamis ang labi
Napalitan na ng luha

Langis sa luha
‘Di nabahaw na sugat
Langis sa lupa
Laman lagi ng ulat

Byaheng Fairview
Mina Cruz

kung minsan,
habang nakapako ang nanlalabo kong mga mata
sa hindi maubos na sementadong kalsada,

naiisip kong sana…

sana ay makauwi ako ng maaga
at maabutan kang gising, akay ng mahal mong ina.

ngunit tulad ng maraming gabi,
makikipaglamay muli sa mga gamu-gamo
hanggang umaga,
sapagka’t matapos ang mahigit dose-oras
na b’yahe paroo’t-parito
mabigat sa kalooban ko kung ang iuuwi ko
ay ilang pirasong bente at mga barya.

gusto ko sana na sa aking pag-uwi
ay magawa kong buhatin ka
at ihele sa aking sintunadong bersyon
ng oyaying inaawit ng iyong ina.
ngunit niyakap na naman ng tuyong pawis
at hindi mabakbak na lamig
ang aking pagal na likuran.

gusto ko sanang maging mabuting ama
ngunit sa bawa’t pagtaas ng presyo ng krudo
nalulubog ako sa walang-kitang trabaho
at tila tinutunaw ng ginintuang likidong
pampatakbo ng makinang ito
ang mga pangarap ko para sa’yo.

bukas, sasama muna si ama sa paglalakad sa kalsada.

Sipon
Mykel Andrada

Bukas raw ay magtataas na naman ng presyo
ang langis. Dumaloy ang masaganang
sipon mula sa kanang kuweba ng aking ilong.
Ipinampunas ko ang kamisetang
may mukha ni Superman.
Kumapit ang ilang natirang lagkit
sa aking kaliwang hintuturo’t hinlalaki.
Piningot ko ang sariling ilong
at dahan-dahang suminga para bumulwak
ang naimbudong hangin sa aking mga tainga.
Humikab ako at narinig kong lumabas
mula sa mga tarangkahan kong labi
ang urong-sulong na hilik ng madaling araw,
ang paghaharutan ng mga pusa,
ang namamaos na tilaok ng tandang,
ang garalgal ng konstruksyon ng condo,
ang nangangasong sipol ng takore,
ang nagmumumog na makina
ng mga jeep, bus at iba pang sasakyan.
Hindi pa naiuutot ng aking mga tainga
ang lahat ng bigat ng hangin sa likod
ng aking noo. Lumabas ako ng bahay
at pinausukan ng nikotina ang nagmamadaling
langit: sing-itim ng gasolina ang mga ulap,
minamantsahan ang mayabang
at naninilaw na buwan.
Humatsing ako na parang sunud-sunod
na busina ng nagmamartsang trapik
sa kalsada.

ISNABIN MO ANG OIL PRICE HIKE
-Rommel Forbes Aguilar

Patuloy mong isnabin
Ang patuloy na pagsirit
Ng presyo ng langis
Na tanging Porsche  at Lexus mo
Nalamang ang makakatikim

Patuloy mong isnabin
Ang patuloy na pagsirit
Ng presyo ng langis
Tunay ngang deregularisado!
May pahintulot ng mga bakaw
Sa loob ng kongreso!

Patuloy mong isnabin
Ang patuloy na pagsirit
Ng presyo ng langis
Sapagkat baka magalit
Ang mga boss mong sina
Shell, Caltex, Petron at si Uncle Sam
Na kanilang Ninong at Padrino!

Patuloy mong isnabin
Ang patuloy na pagsirit
Ng presyo ng langis
Nga lamang kaiingat ka!
Sa iyong pagisnab
Baka malingat ka’y
Hindi mo mapansin
Na ang iniisnab mo
Ay ang pagsirit
Ng kumukulong galit!
Ng mga mamamayang
Pudpud na ang saplot sa paa
At pagod na sa kakalakad
Sa di umanoy matuwid mong daan!

Sapagkat hindi na nila kaya pang
Sumakay sa bus at jeepney
Maging sa LRT at MRT
Dahil sa pagsirit ng presyo ng langis
Ikaw! Isnaberong  Noynoy !
Sa pwesto ay mawawalis!