Kawalan ng trabaho, export labor policy, regalo ni Aquino sa mga magsisipagtapos na kabataan


Ang pagtatapos ng kabataan ngayong taon ay siya namang simula ng kanilang kalbaryo sa labas ng mga pamantasan. Kawalan ng trabaho at export labor policy ang regalo ng administrasyong Aquino na naghihintay sa kanila.

Mga kabataang aktibista na nagprotesta sa Department of Labor and Employment, nakasuot ang mga kostyum na toga ng mga gradwado. (Pher Pasion)
Mga kabataang aktibista na nagprotesta sa Department of Labor and Employment, nakasuot ang mga kostyum na toga ng mga gradwado. (Pher Pasion)
Mga kabataang aktibista na nagprotesta sa Department of Labor and Employment, nakasuot ang mga kostyum na toga ng mga gradwado. (Pher Pasion)

Ang pagtatapos ng kabataan ngayong taon ay siya namang simula ng kanilang kalbaryo sa labas ng mga pamantasan. Kawalan ng trabaho at export labor policy ang regalo ng administrasyong Aquino na naghihintay sa kanila.

Ito umano ang reyalidad na ipikita ng mga kabataan sa ilalim ng Anakbayan-National Capital Region (NCR), League of Filipino Students, at Kabataan Party-list sa pagsugod nila sa Department of Labor and Employment sa Intramuros, Manila sa kanilang piket rally. Kinondena nila ang “Nonoynoying” umano ng administrasyong Aquino upang lumikha ng mga trabahong aangkop para sa mga nagsisipagtapos.

“Ang Nonoynoying ni Aquino sa mga isyu ng mga mamamayan ang rason kung bakit dadagdag ang mga magsisipagtapos sa milyung-milyong Pilipino na walang trabaho at under employed. Imbes na lumikha ng mga disenteng trabaho at sahod, mas abala si Aquino na walang ginagawa para sa mga ito,” pahayag ni Dianne Solmayor, tagapagsalita ng Anakbayan-NCR.
Ang Noynoying ay salitang pinauso ng mga kabataang aktibista para isalarawan ang isang taong tamad at manhid umano sa hinaing ng iba. Hango ito sa palayaw ni Pangulong Aquino, na inaakusahan nilang tamad at manhid sa hinaing ng mga mamamayan.

Tinatayang aabot sa kalahati ng inaasahang magsisipagtapos na 517,000 kabataang ang pinangangambahang walang mapapasukang trabaho ngayong taon, ayon sa Anakbayan-NCR.

Ayon naman kay Mark Lui ng Kabataan Party-list, ang kawalan ng disenteng lokal na hanapbuhay ang nagtutulak sa mga magsisipagtapos na mangibang-bayan bilang overseas Filipino workers. Sa ibang bansa, wala ring kasiguraduhan ang kanilang kaligtasan at imbes na maglingkod sa sariling bayan sa kabila ng pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin, ani Lui.

“Nakakalungkot na matapos magbuno ang mga kabataan at magulang sa mataas na presyo ng edukasyon sa patuloy na pagtaas ng matrikula at iba pang bayarin kasabay ng mga pagtaas ng pangunahing bilihin sa pagtaas ng presyo ng langis at iba pa, tanging mga trabaho lamang sa industriya ng Business Process Outsourcing (BPO) itinutulak ng administrasyong Aquino ang mga kabataang nagsisipagtapos,” dagdag ni Solmayor.

Matapos bumaba ang demand ng mga nars sa ibang bansa at ang kawalan ng trabahong mapapasukan para sa kanilang natapos, maraming propesyunal na kabataan ang napipilitang mamasukan sa mga trabahong hindi angkop sa kanilang natapos. Ayon sa Anakbayan, maraming rehistradong nars ay nasa mga BPO bilang call center agents ngayon.

“Kailangang itigil ng administrasyong Aquino ang kontraktuwalisasyon at export labor policy nito. Ang kailangan ng mga mamamayan ay disenteng trabaho at makatarungang sahod at pambansang industrilisasyon bilang susi sa pag-angat sa buhay ng mga Pilipino,” pagtatapos ni  Solmayor.