Matalas na reyalidad sa magalaw na bidyo


Rebyu ng The Reluctant Revolutionary (2012)
Binidyo, pinrodyus at dinirehe ni Sean McAllister
Pinalabas sa Storyline ng BBC Four

Si Kais, ang tour guide na naging "rebolusyonaryo."

Rebyu ng The Reluctant Revolutionary (2012)
Binidyo, pinrodyus at dinirehe ni Sean McAllister
Pinalabas sa Storyline ng BBC Four

Paglibig sa mga martir. Isang eksena sa dokumentaryong pelikula na The Reluctant Revolutionary.
Paglibig sa mga martir. Isang eksena sa dokumentaryong pelikula na The Reluctant Revolutionary.

May makapangyarihang katotohanang maaaring masaksihan sa isang imahen, isang bidyo na kuha mula sa magalaw at pangkaraniwang kamera. Hindi kasi kamera o gaheto ang pinaka-mahalaga sa pagkuha. Punto-de-bista, pilosopiya, paninindigan ang pinaka-mahalaga. At hangarin: ang hangaring makakuha ng imahen o bidyo na maghahayag ng di-lantad na reyalidad na pumapalibot sa atin. Katotohanang pupukaw. Pagpukaw na magpapasimula ng pagbabago. Pagbabagong makabuluhan, para sa ikabubuti ng karamihan.

Ingles na filmmaker si Sean McAllister, pero pumunta siya sa bansang Yemen, sa Middle East, noong nakaraang taon bilang turista para gumawa ng isang documentary film. Ang resulta, ang kanyang dokumentaryong The Reluctant Revolutionary. Propesyunal na filmmaker si McAllister, pero parang katulad niya tayo kung kumuha ng bidyo gamit ang cellphone o kaya point-and-shoot na digital camera, o kahit iyung maliliit na video camera: kadalasang magalaw ang bidyo at parang di-propesyunal. Wala siyang crew. Wala siyang malaki at propesyunal na kamera. Walang gamit para sa magandang pagrekord ng audio. Walang tripod.

Siya lang ang isa sa iilang dayuhang turista sa Yemen noong 2011. Kalagitnaan ito ng tinatawag sa global media na Arab Spring: Serye ng (kalakha’y) mapayapang mga pag-aalsa ng mga mamamayan sa mga bansang Arabo para mapatalsik ang mga diktador sa kanilang mga bansa. Sa Yemen, kumuha si McAllister ng serbisyo ng isang tour guide, ang sentral na karakter sa dokumentaryo na si Kais, para magsilbing giya at tagasalin niya.

Yemen ang sinasabing pinakamahirap na bansa sa Middle East. Dito, 33 taon nang nasa kapangyarihan si Ali Abdullah Saleh, na sinusuportahan ng mga gobyerno ng US at Saudi Arabia. Makikita sa bidyo ni McAllister ang matinding kahirapan at desperasyon ng mga Yemeni. Ang sentral na karakter na si Kais, napilitang magsara ng kanyang maliit na hotel, at nagpapatakbo ng isang travel agency ng kanyang tatay. Pero walang gaanong bumibisitang turista sa Yemen, kahit na bago pa magsimula ang mga pag-aalsa. Buntis ang kanyang asawa, may dalawa na silang anak. Nagbabanta ang asawa niyang layasan siya kung hindi niya mapapakain ang pamilya. Para makalimot sa gutom, madalas na ngumuya siya ng khat, isang herbal na droga (parang nganga sa atin). Desperado na si Kais.

Si Kais, ang tour guide na naging "rebolusyonaryo."
Si Kais, ang tour guide na naging "rebolusyonaryo."

Mula sa punto-de-bista ng isang ordinaryong mamamayan (bagamat isang petiburges, na naghihirap na dahil sa krisis) sinipat ni McAllister ang mga pag-aalsa sa Yemen. Noong simula, at tulad ng mga nasa panggitnang uri sa anumang bansa, atubili si Kais na lumahok sa pag-aalsa. Aniya, lalong dadalang ang mga turista dahil sa mga protesta. Pumayag siyang magsilbing guide kay McAllister dahil ang huli na ang huli niyang kliyente. Bumisita sila sa mga kampuhan ng mga nagpoprotesta, pero di pa rin siya kumbinsido. Sa loob ng 33-taong diktadura ni Saleh, marami na ang nagtangkang mag-alsa, pero walang nagtatagumpay. Sa tingin niya, pagsasayang lang sa oras ang protesta.

Pero makulit si McAllister. Kinausap niya ang mga nagpoprotesta—mga kabataan, manggagawa, kababaihan—at nagsilbing tagasalin si Kais. Unti-unting nakikita sa mga kilos at pahayag ni Kais ang pagbabago sa kanyang isipan. Hanggang maganap ang madugong pagdispers sa mga mapayapang nagpoprotesta. Hanggang maganap ang masaker ng 53 demonstrador noong Marso 18, 2011. Binisita nila ang moske na naging ospital. Bakas sa mukha ni Kais ang lungkot at poot. “Ito ang regalo sa amin ng Presidente,” sabi niya sa kamera.

Makapangyarihan ang imaheng nakuha ni McAllister sa kanyang magalaw na bidyo. Dahil wala siyang crew, walang malaking kamera at simpleng turista lamang, madali siyang nakahalubilo sa mga tao. Hindi rin siya tali sa teknikal at ideolohikal na limitasyon ng pagiging mainstream journalist: Wala siyang deadline , wala siyang boss na tumatakda kung anong klaseng istorya ang dapat niyang makuha.

Pag-aalsa sa "Change Square" sa Sana'a, Yemen.
Pag-aalsa sa "Change Square" sa Sana'a, Yemen.

Dahil nakahalubilo niya ang mga demonstrador nang walang bagahe, sinisismo o pretensiyon, madali niyang nakuha ang kuwento nila. At ang kuwento nila: 33-taon nang dumadausdos ang kanilang buhay, naghihirap, nawawalan ng trabaho o walang nakabubuhay na sahod, walang karapatang sibil. Nakikita nila ang mga palasyo ng kanilang Pangulo at alipores nito. Nakikita nila ang yaman ng mga ito. Nakikita nila ang pagiging tuta nito sa mayayamang bansa tulad ng US at Saudi Arabia. At nagagalit sila. Matapos ang 33-taon, napagtanto ng bawat isa na di sila nag-iisa, na marami sila. Na pagnagkaisa sila, mapipilitan ang diktador na pakinggan sila.

Magalaw ang bidyo ni McAllister, pero malinaw nitong naipamalas ang katotohanang walang mas makapangyarihan pa sa mga mamamayan na nagkakaisa, organisadong kumikilos at mapangahas na nakikibaka. Ito ang sentral na mensaheng natutunan ni Kais. Ito ang sentral na mensahe ng Arab Spring, at ng iba’t ibang kilusang masa sa buong daigdig. Kasama na siyempre dito sa ating bansa.

(Kung gusto ninyong mapanood ang dokumentaryong The Reluctant Revolutionary, maaaring mag-iwan ng mensahe sa FB account ng awtor.)