Hustisya, sigaw para sa mga biktima ng sunog sa Butuan
Nagsindi ng kandila ang mga manggagawa sa pangunguna ng Kilusang Mayo Uno (KMU) para makiramay sa pamilya ng di-bababa sa 17 manggagawang biktima ng sunog sa isang department store sa Butuan City, Agusan del Sur. Hiniling din ng KMU na agarang imbestigahan ang pagkakasunog sa naturang lugar upang mabigyan ng katarungan ang mga namatay at […]
Nagsindi ng kandila ang mga manggagawa sa pangunguna ng Kilusang Mayo Uno (KMU) para makiramay sa pamilya ng di-bababa sa 17 manggagawang biktima ng sunog sa isang department store sa Butuan City, Agusan del Sur.
Hiniling din ng KMU na agarang imbestigahan ang pagkakasunog sa naturang lugar upang mabigyan ng katarungan ang mga namatay at sugatang manggagawa.
Madaling araw ng Mayo 9 nang masunog ang Novo Jeans and Shirts Department sa Montilla Boulevard sa Butuan City.
Hindi bababa sa 17 manggagawa ang kumpirmadong patay. Isa ang nawawala at tatlo ang sugatan.
Ayon sa mga paunang ulat, nakulong ang mga manggagawa dahil sa naka-padlock ang mga pintuan nito mula sa labas at maging sa loob para umano hindi manakawan. Wala rin umanong sapat na emergenciy exit ang nasabing department store.
Karamihan sa mga namatay ay kababaihan. Isa’y limang buwang buntis, ayon sa KMU.
Kapabayaan
Ayon sa KMU-Caraga, aabot sa 40 ang mga empleyado sa naturang branch ng department store sa Montilla. Kalahati nito’y stay-in at nakatira sa dormitoryo ng tindahan.
“Ipinakita lamang ng insidenteng ito ang kalunus-lunos na kalagayan ng mga manggagawa sa rehiyon ng Caraga,” sabi ni Jacinto Tanduyan, pangkalahatang kalihim ng KMU-Caraga. Sinabi din ni Tanduyan na ang mga biktimang manggagawa ay nagtatrabaho ng 12-14 oras at sumasahod lamang ng P160 kada araw. Wala silang overtime pay at iba pang benipisyo. Pawang mga kontratuwal umano ang mga manggagawa, na natatapos ang kontrata kada anim na buwan.
Sinisi din ng grupo ang Department of Labor and Employement (DOLE) sa aksidente, dahil sa kapabayaan ng ahensiya na tiyakin ang kaligtasan ng mga manggagawa sa loob ng mga pagawaan, hindi lamang sa Butuan maging sa ibang panig ng bansa.
“Tulad sa nakaraan, bigo sa pagbibigay proteksiyon sa mga manggagawa ang DOLE. Ang kawalang aksiyon at kabiguan nitong magpatupad ng mga hakbang pangkaligtasan sa mga pagawaan para sa mga manggagawa ang naging dahilan ng paglala ng mga kalunus-lunos na kalagayan at di-ligtas na kapaligiran sa mga manggagawa, na nagreresulta sa kamatayn ng mga manggagawa,” sabi ni Tanduyan.
Dagdag pa ng lider-manggagawa, pangatlo na umano ang katulad na insidente sa Caraga mula noong nakaraang taon. Nagkasunog din sa Filipinas Palmoil Plantation, Inc. (FPPI) kung saan namatay ang apat na manggagawang konktratuwal.
Ayon naman sa Institute for Occupational Health and Safety Development (Iohsad), isang grupong nagmomonitor sa kaligtasan ng mga manggagawa sa mga pagawaan, nananatiling numero uno ang mga lugar pagawaan sa pagkamatay ng mga manggagawa.
Aabot umano sa 2.2 milyong manggagawa sa buong mundo ang namamatay base sa pagtaya ng International Labor Organizations o ILO, at hindi hiwalay dito ang kalagayan ng mga manggagawang Pilipino.
“Ang DOLE Order 57-04, na pumapayag sa mga pagawaan na magkaroon ng self-assesment na mayroong 200 o mahigit pa na manggagawa bilang pagsunod sa intensyunal na pamatayan, ay nabigo sa pagprotekta sa mga manggagawa,” ani Noel Colina, executive director ng Iohsad.
Hiniling din ng grupo na dapat kagyat na maglunsad ng imbestigasyon ang DOLE-Caraga upang matiyak kung may pananagutan ang may-ari ng Novo.
“Dapat imbestigahan ng regional office ng DOLE ang insidente at kung bakit nakulong ang mga (manggagawa) sa nasusunog na gusali. Dapat na may managot sa kapabayaang ito,” ani Colina.
Sinabi sa midya ni Vice Mayor Lawrence Fortun ng Butuan City na kasalukuyan silang nag-iimbestiga sa insidente.
Aniya, maari raw makasuhan ang may-ari ng Novo ng kasong negligence resulting in multiple homicide.
Ngunit para sa Iohsad, dapat umanong palakasin at dagdagan ng mas mabigat na parusa sa probisyon ng occupational, health and safety standard.
“Dapat ding gumawa ng batas hinggil sa industrial manslaughter, para maparusahan ang mga employer na nagpapabaya sa kanilang responsabilidad sa kaligatasan ng mga manggagawa,” ani Colina.
Siningil naman ng kababaihang manggagawa ang administrasyong Aquino sa insidente, na nagsabing ang kawalang aksiyon ng gobyerno ang naglalagay sa mga manggagawa sa peligrosong kalagayan. “Tinatamasa ng mga kompanya ang proteksiyon mula sa gobyerno, kaya madali para sa kanila na yurakan ang karapatan sa kalusugan at kaligtasan, makatwirang oras ng paggawa, regular na empleyo at dagdag sa sahod,” ani Nenita Gonzaga, vice-chaiiperson for women affairs ng KMU.
“Maaaring maulit pa ang ganitong insidnete, kung mayroon tayong pangulo at kagawaran ng paggawa na pabor sa mga kapitalista at kontra manggagawa,” sabi pa ni Gonzaga.
Inihalintulad naman ng mga aktibista at militanteng kababaihan ang insidente sa naganap na malaking sunog sa New York noong March 25, 1911, na tinaguriang Triangle Shritwaist Fire. Dito, mahigit 100 kababaihang manggagawa ang namatay sanhi ng pagkasunog at pagtalon mula sa nasusunog na gusali ng garments factory.
“Ipinaalala ng trahedya sa Butuan ang Triangle Shirtwaist Fire na kumitil sa buhay ng mahigit 145 na kababaihang manggagawa noong 1911.
Nagbunga ito ng mga protesta at nakatulong sa aksiyon ng mga manggagawa at para gunitain taun-taon ang Marso 8 bilang pandaigdigang araw ng kababaihan,” ani Gabriela Rep. Luzviminda Ilagan.