FEATURED

Tuhog bilang estetika

Rebyu ng Lawas Kan Pinabli (Forever Loved, Christopher Gozum, 2011)

Eksena mula sa pelikulang "Lawas Kan Pinabli"

Rebyu ng Lawas Kan Pinabli (Forever Loved, Christopher Gozum, 2011)

Interesante ang ginagawa ni Christopher Gozum: mga pelikula sa Pangasinese; sa katunayan, sinasabing ang kanyang unang pelikula, Anacbanua (2009) ang unang pelikula sa wikang ito—pinagsanib na mga tula, voice-over, basag na naratibo, at shots ng ordinaryong buhay.  Itong sumunod ay ang Lawas Kan Pinabli, black-and-white, pinaghalong interviews sa mga OCW sa Middle East sa dokumentaryong stilo, at paglalakbay at dramatikong sandali dahil may hinahanap roon ang lalaki.

Hindi pagpapatakbo ng fiksyonal na naratibo ang tinutuhog ni Gozum, tulad ng maraming indie filmmakers.  Konseptual ang mga pelikula: nagtatahi’t naghahabi ng mga stilisadong eksena (black-and-white, grainy shots, repetisyon, voice-over at katahimikan, gamit ang rehiyonal na wika) dahil may nais bigyan-diin na konsepto hinggil sa formasyon ng identidad at pagkatao, komentaryong sa buhay at panlipunan, o sa masalimuot na afekto ng fragmentasyon at alienasyon.

Sa isang workshop sa kritisismo sa sining, sinaad ng arkitekto na “tuhog” ang tila estetika ng mga artista—sa limitadong resources, nakakayanang gumawa ng mas malaking resulta’t dating.  Nagustuhan ko ang kanyang sinabi at inisip kung ano ang aplikasyon nito sa pelikula.

Ang produktibo sa pakikipagtunggali ni Gozum sa pelikula ay ang paggamit ng Pangsinese at ang karanasang isinasaad ng wikang ito para maging dalumat ng mas malaking bagay at karanasan: unibersalidad ng pagkatao sa materialidad na karanasan, tulad ng lalaking naghahanap sa ibang lugar ng makakatumbas sa kanyang pagmamahal; karanasang pambansa, tulad ng mga OCW na nagkakaroon ng iba pang relasyon sa kanilang paglalayag sa ibang bansa; karanasang rehiyonal, tulad ng paghalaw sa titulo mula sa folk song ng lugar, ang humahabi sa kwento ng pagbabago; o personal, tulad ng karakter sa pelikula na hinahanap ang sarili sa pamamagitan ng pakikipanayam sa kahalintulad na identidad (kapwa OCW).

Mahalaga ang ganitong mediasyon ng filmmaker hinggil sa wika, lalo na itong hindi pa nabibigyan ng kultural na artikulasyon sa pelikula.  Wala nang Ilokanong pelikula, o sa marami pang wika sa bansa.  Wala pang pelikula sa Waray, Sambal, at Chavacano.  Sa katunayan, sa paisa-isang pelikula hinggil sa katutubo (Aeta at Palawanon, halimbawa), mas nabubuo na nitong media ang nosyon ng pambansang pelikula.

Mahalaga si Gozum sa nosyon ng pambansang pelikula dahil naipapasok niya ang mga aspekto ng karanasan ng rehiyon at rehiyonal na wika bilang bahagi at katuwang ng formasyon ng bansa.  Ang marami sa kanyang kahanay sa indie cinema ay sa direksyon ng karanasan ng laylayan ng sentro (tambay, mamamatay-tao, tirador, at iba pa), na ang partikularidad ay may direktang akses sa pagkabansa.  At kung gayon, mas madaling mahatak para sa isang global na art film market.

Kung nanggagaling sa rehiyon, kailangan naman ay itong pinakadahop (ang figura ng katutubo, batang katutubo, at mga marginalisado).  Ang nagiging kumpetisyon ay paramihan ng pagkaetsapwera, at kung gayon ay mas exotikong paksa’t tema para sa art film festivals.  Mismong ang formulasyon ng naratibo sa indie cinema ay naging produkto na kinakalidad na ng mga boutique producer (funders at art film festivals) sa bansa.

Eksena mula sa pelikulang "Lawas Kan Pinabli"
Eksena mula sa pelikulang "Lawas Kan Pinabli"

Ang look-and-feel ng indie films ay nakapaloob na sa hulma ng kung ano ang indie cinema:  poverty-sex-violence ng abject subjects na kinunan sa idioma ng neorealismo (dokumentaryo, jagged camera, grainy, natural lighting) na a-day-in-the-life-of.  Dahil dito, maraming inobasyon ang hindi ipinapaloob:  aktwal na dokumentaryo, konseptual na pelikula, experimental, teasers na gawa ng politikal na film collectives, at iba pa.

Sa maikli nitong kasaysayan, nagkaroon na ng tier-ing ang mismong indie cinema: ang kapasidad nitong maggrado at mag-etsapwera ng mga produkto, o makapanlaglag ng mga hindi lubos na umaakma sa naturang template nito.  Isa rin ito sa mga tinutuhog na impetus ng mga tulad ni Gozum.  At ang produktibong nagagawa nito ay ang hindi pa nagagawa sa indie cinema, maging sa pambansang pelikula.

Ang nosyong ng “hindi pa nagagawa” ay mabigat na pasanin dahil nangangailangan ito ng komitment sa mga bagay:  sining, rehiyonalidad, orihinalidad, kapasidad na makaugnay sa mas malalaking mga bagay, at paninindigan bilang indie filmmaker bilang tunay na may “independent spirit” (metapisikal na nosyon pero ang materialidad ay makikinita sa mga gawa).

Kaya tatagal pa ang indie cinema ay hindi dahil sa kapasidad ng nakapaloob na rito (ang mga institusyon nito) na ipagpatuloy ang karanasan kundi dahil sa mga nasa labas nito na makagawa ng hindi pa nagagawa, at matuhog ang estetika ng hindi pa nagagawa. Ito ang pagsasapelikula para sa hinaharap, na ang gawa ay pagtataya sa malinaw na posisyonalidad para sa kapakanan sa inaakdang bukas.