Maralitang Lungsod

Lider maralita sa Malabon pinaslang


Pinaslang ng dalawang hindi pa nakikilang salarin si Ernesto Gulfo, 52 taong gulang na taga-Catmon, Malabon noong Mayo 30.  Ayon sa grupong Anakbayan, nagpanggap umanong magbebenta ng tanso ang dalawang salarin kay Gulfo na aktong kakain ng kanyang almusal. Binaril ang biktima na nagtamo ng mga tama ng bala sa kanyang dibdib at hindi na […]

Mapa ng Brgy. Gaton, sa Malabon (Google Maps)
Mapa ng Brgy. Gaton, sa Malabon (Google Maps)
Mapa ng Brgy. Gaton, sa Malabon (Google Maps)

Pinaslang ng dalawang hindi pa nakikilang salarin si Ernesto Gulfo, 52 taong gulang na taga-Catmon, Malabon noong Mayo 30.  Ayon sa grupong Anakbayan, nagpanggap umanong magbebenta ng tanso ang dalawang salarin kay Gulfo na aktong kakain ng kanyang almusal. Binaril ang biktima na nagtamo ng mga tama ng bala sa kanyang dibdib at hindi na umabot na buhay sa Manila Central University Hospital.

“Sa police report, binaril si Gulfo nang malapitan ng isa sa mga salarin habang ang isa naman ay nagsilbing look-out, nagpanggap silang kustomer at nagtanong kung magkano ang bayad sa kalakal na tanso,” pahayag ni Alyssa Evangelista, tagapagsalita ng Anakbayan-Catmon, Malabon.

Sinabi din ni Evangelista na nagtungo na rin sa bahay ni Gulfo ang dalawang salarin isang araw bago ito paslangin.

Si Gulfo ay bagong halal na tagapangulo ng Alyansa Kontra Demolisyon sa Malabon, at nanguna diumano sa pagtatayo ng barikada sa Catmon laban sa bantang demolisyon sa kabahayan ng aabot sa 1,500 pamilya para bigyang daan ang programang Community Mortgage Program (CMP) ng gobyerno.

“Nasa unahan si Ka Erning sa paglaban sa demolisyon sa Catmon. Pinangunahan niya ang barikadang-bayan noong Mayo 21, tinatayang araw ng demolisyon sa Catmon. Mayroon pa kaming mga pagpupulong isang araw bago siya pinaslang,” ani Carlito Badion, pangalawang pangulo ng Kadamay at tagapagsalita ng Alyansa Kontra Demolisyon (AKD).

Paniwala ng grupong Kadamay at Anakbayan, may kaugnayan ang pagpaslang kay Gulfo sa tangkang demolisyon sa nasabing lugar. “Nais ng mga pwersa at indibidwal na makikinabang sa pagpaslang kay Ka Erning na maagang pigilan ang namumuong paglaban sa demolisyon sa Catmon. Aabot sa 19 na lokal na organisasyon ang mabilis na natipon ni Ka Erning upang pagkaisahin sa paglaban sa ebiksyon,” sabi pa ni Badion.

Kahit ang asawa ng biktima na si Divina Gulfo na nakasaksi sa pamamaril ay naniniwalang dahil sa pamumuno sa barikada noong Mayo 21 at pagtutol sa bantang demolisyon ang dahilan ng pagpaslang sa biktima. Bukod sa panawagang pagbigay ng katarungan sa biktima, nanawagan din ang mga grupo na itigil na ang mga demolisyon para maiwasan ang karahasan sa hanay ng mga maralita. “Upang mapigilan ang karahasan at pagbuwis ng buhay, dapat nang kagyat na ibasura ng gobyernong Aquino ang patakaran nitong pagwalis sa mga maralitang komunidad upang bigyang-daan ang interes ng mga kapitalista,” sabi ni Badion Ang sityo 6 ay isang komunidad sa isang tambakan ng basura sa barangay Catmon, Malabon.

Karamihan sa mga nakatira sa lugar ay mga manggagawang kontratuwal, basurero at mga nangangalahig na nangangambang hindi kakayanin ang inaalok na bayad sa CMP dahil sa kakarampot na kinikita.  Makailang ulit na rin nabigyan ng notice of eviction ang naturang mga residente.  Gayundin, matagal na rin na tinututulan ng mga maralita ang CMP, na ayon sa kanila ay bersiyon ng diumnao’y mapanlinlang na  Comprehensive Agrarian Reform Program (Carp) para sa sektor ng mga magsasaka.