Matatalino rin naman ang manonood


Rebyu ng Kimmy Dora at ang Temple of Kiyeme (Joyce Bernal, direktor, 2012)

rebyu ng Kimmy Dora at ang Temple of Kiyeme (Joyce Bernal, direktor, 2012)

 

Matamlay, o hindi umayon sa tagumpay ng naunang edisyon, ang naging tugon sa Kimmy Dora at ang Temple of Kiyeme.  Sa isang banda, mixed genre ng komedi at horror ang tinangka ng pelikula, sa tradisyon ng naging matagumpay na Zombadings (Jade Castro, 2011) pero nanatiling novelty sa pamamayagpag ng Shake, Rattle and Roll series at ng Chito Rono-prototype na horror (sleek, high o excessive production value, Kris Aquino-starrer na marahil ay may ligayang makita itong tumitili sa takot).

Sa katunayan, may subgenre pa ng Asian horror na halaw sa tradisyon at sa kagawian ng mga ninuno, pati na rin campy komedi na binagbibidahan ng maiingay na babae (Maricel Soriano at Ruffa Mae Quinto), kundi man ng maiingay na bading (Dolphy at Roderick Paulate).  Bading ang sensibilidad sa camp kahit pa babae ang bida rito dahil sa exaheradong karakter, sitwasyon, production value, at pag-arte na tumatawag dapat ng susing pansin sa kung bakit labis-labis.

Pero sa Kimmy Dora, wala itong isinasaad maliban sa pasaring sa isyu ng patriarka, nouveau riche, at makapangyarihang babae.  Sa katunayan, disimulado pa nga ang babae sa pelikula dahil binaryong oposisyon ang magkapatid dito:  isang eng-eng (makulit pero wagas, ewan ko kung bakit walang pumapansin sa pagstereotipo ng mentally challenged persons), at isang maldita (matagumpay sa negosyo, agresibo, may sariling boses at sexual—mga stereotipo ng puta [vamp] sa kulturang popular).

Sa kabilang banda, ang pagtatangkang higitan pa ang napagtagumpayan ng may pagka-indie film (non-mainstream financing, indie na production team) ng nauna ay hindi lubos na nakamit.  Ang tanging box-office release ay sa unang araw na kumita ito ng P10 milyon, higit na malaki sa unang araw na kinita na P3 milyon ng nauna. Hindi pa rin lubos na nauunawaan ang panlasa ng masang manonood—bakit hindi nila tinangkilik gayong ginastusan at isinagawa ang pelikula batay sa pagtimpla ng popular na panlasa.  Heto ang trailer:

Wala namang nagbago sa popular na panlasa.  Nananatili ito sa paninipat ng negosyo ng media at produksyon sa “least common denominator.”  Nanatili itong balon ng rekognisyon, identifikasyon, at rekurso ng kita.  Ang naiba lang, sumablay ang tantya ng higit na pagkita.

Ang naratibo ng pelikula ay patungkol sa transnasyonal na fantasya—ng pagbabalik sa ugat ng mga pangunahing myembro ng pamilya sa South Korea.  Pagnanais ng ama na mapakasal sa anak ng kumpare, gaya ng naareglo sa nakaraan, ang isa sa kanyang anak kahit pa sina Kimmy at Dora ay sumang-ayon nang mapakasal sa kanilang irog.

Minulto sila ng unang kasintahan ng kanilang ama.  At sa maaksyong pagtatapos ng pelikula, nagkaroon ng labanan ang mga multo.  Sa unang tingin, pinaghalong Enteng Kabisote at Tanging Ina Mo, pinakamatagumpay na franchise sa pinakamatagumpay na pamamayagpag ng pelikulang Filipino sa panahon ng Metro Manila Film Festival, ang peg ng sequel—kung saan na lang umaariba ang pagdaloy ng kwento.

Nandito ang campy na babae sa fantasmagorikong kwento ng imposibilidad na nagiging posibilidad.  Siguro ay pasko at lubhang mapagpatawad at mapagbigay ang manonood kaya matagumpay ang mga franchise, pero hindi kapag panahon ng pasukan na ang pera ay binibilang sa tindi ng gastusin.

Kahit pa nandito na ang lahat–ang ensemble bilang quintessential na marka ng pag-ayon sa least common denominator na formula sa popular na pelikula, ang template ng matagumpay na unang pelikula, ang hindi mabibilang na cameo ng gustong maidugtong ang kanilang imahen sa inaakalang magtatagumpay na sequel, ang high production value, ang tila ad lib na marka ng queer camp pero heterosexual na karakter ang nagsasalita’t kumikilos—ay hindi pa rin nakakasapat.

At ito ang kapangyarihan ng masa batay sa kapasidad nilang makapanlimi, na hindi lahat ng ihain sa kanila ay tatangkilikin nila, na hindi lahat ng kanilang katawan ay magiging huthutan ng kita, na kahit na nandito lahat ng pwedeng i-check sa formularyo ng matagumpay na franchise ay maari pa ring hindi magtagumpay nang lubos.

Simple lang ang aral dito, kailangang isipin ng lumilikha at nagbebenta ng textong media na matatalino rin ang manonood.