Paano magkwento ang isang lagalag? (Unang Bahagi)


Introduksyon sa Lagalag ng Paglaya, koleksyon ng maikling kwento ni Rommel Rodriguez (Quezon City: University of the Philippines Press, 2011, 181 pahina)

Introduksyon sa Lagalag ng Paglaya, koleksyon ng maikling kwento ni Rommel Rodriguez (Quezon City: University of the Philippines Press, 2011, 181 pahina)

 

Matagal-tagal ko na ring kilala si Rommel Rodriguez, simula pa nang siya’y  estudyante.  Naging research assistant ko siya para sa isang proyekto, nakasama sa huling yugto ng grupong Katha, pati na rin sa pagtuturo sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, naging editor  ako ng ilang antolohiya kung saan nakasama ang ilan niyang akda, naging reader ng kanyang disertasyon, ninong ng kanyang panganay, katuwang na editor sa inaakalang inobatibong antolohiya ng kwento, at ngayon tagapagpakilala ng kanyang unang koleksyon ng kwento.

Noon at ngayon ay kaibigan ko si Omeng, ang palayaw ni Rommel.  Paano ko ipakikilala ang isang kaibigang kwentista?

Lagalag ang imahen, poetika at estetika ng mga kwento ni Omeng:  imahen, dahil tila kung saan-saan ito nagtatagpo, nakalunan, umuusad at nababalaho; poetika dahil naggagala, naliligaw, lumalapit at lumalayo, naliligaw at nagpapaligaw ang stilong piyesa ng jigsaw puzzle na bumubuo ng proseso ng paglikha ni Omeng;  at  estetika dahil tila pamimintana—pagtanaw sa isang frame, tulad ng panonood ng telebisyon, sine at Youtube—ang paraan ng pagdanas sa kanyang mga kwento.

Lagalag din ang kinabibilangang henerasyon ng kwentista.  Una, hindi sila kasapi ng isang namamayaning organisasyon ng kwentista, tulad ng Agos sa Disyerto, Sigwa at Katha, mga panandang-bato sa kasaysayan ng kwento sa panitikan ng bansa.

Sa naunang tatlong kilusang pang-kwento, malinaw ang tinutuligsa at ang nais na direksyon para sa kathang Filipino:  sa Agos sa Disyerto bilang sariwa’t mapanuring naturalistang katha na sumasagka sa inaakalang romantiko’t nangigitatang idealismo na lumalabas sa pangunahing publikasyon; sa Sigwa bilang kritikal na kwentong di lamang may pagsusuring panlipunan kundi pati na rin may solusyong panlipunan na sinasambit ang mga akda; at sa Katha bilang pagpapalawak pa ng usapin ng kultural na kategorya (etnisidad, henerasyon, relihiyon at lalo na sexualidad at kasarian) sa mga kwento na higit pang nagpapayaman ng karanasang pambansa.

Ikalawa, wala na ang hayagang politika ng lipunan at panitikan sa mga manunulat sa henerasyon ni Omeng.  Ang kalipunan ng mga manunulat ng tatlong kilusan ay napabilang at marami sa kanila ay patuloy na napapabilang sa mapagpalayang kilusang panlipunan.

Nang magkaroon ng sigalot ng malawakang kalituhan sa kilusan noong 1980s, na ang hagupit ay naramdaman lalo na sa 1990s hanggang sa maagang 2000s, marami sa mga nagsulat ay tuluyan nang napahiwalay sa kilusan at sa kilusang pampanitikan.  Itong henerasyon ni Omeng ay nagmistulang voluntaryo na lamang ang afiliasyon sa kilusang panlipunan at sa politikal na substansya ng panitikang isinusulong nito.

Sa isang banda, may kaakibat din na produksyon ng panitikang higit na bumabatikos sa panahon ng “biyakan,” ang katawagan sa yugtong ito ng politikal na kilusan.  Lalong nagpalito, humusga, nagbitaw na “I hate U, movement,” pati na naratibo ng biktimisasyon at nilalamon ng kilusan ang kanyang mga anak, na walang lubos na pagsusuri sa global, pambansa at lokal na kontextong nagpahantong sa yugtong ito ng politikal na kilusan.

Sa kabilang banda, may kakikitaan pa rin ng politikal na adhikain ang ilang mga kwentista, kundi man ng mga kwento, bilang isa pa ring nananatiling produktibong daluyan ng panitikan at kolektibong kamalayan.  Kabahagi si Omeng at ang kanyang mga kwento sa pagpanig sa mapanuring banda ng panitikang ito.

Ikatlo, ang henerasyon ng manunulat ni Omeng ang pinakababad sa teknolohiya ng pagsulat, maging ang konsumeristang kontexto ng pagsulat.  Ito ang dumanas na wala na ang transisyon mula typewriter tungo sa computer (henerasyon ko ito), pero purong masteri sa bagong hardware, virtualidad at software ng pagsulat.

Mas madali na ang rebisyon, wala nang sentimentalidad o sentimentalism ang akto ng pagsulat, nakakapag-workshop circuit (o ang taunang pagpipiko sa iba’t ibang workshop calendars), at kung gayon, pinaka-articulate sa kapamaraanan ng pagsulat, ang pagkahulma sa manunulat bilang teknolohikal na intelektwal o may kapasidad hindi lamang ang makapagpaliwanag ng kanyang kapamaraanan ng pagsulat, pati ang diseminasyon nito sa iba’t ibang plataporma ng Internet (notes sa Facebook, blogs, websites at games, halimbawa), at iba’t ibang media.

Kung dati ay nais lang paslangin ang  Tatay (mga nauna’t dakilang manunulat sa patriarka ng pagsulat), ngayon ay pati na rin ang teknolohikal na tatay (lampas sa printed na format, lampas sa tradisyunal na anyo ng libro).

Noong nagwo-workshop kami sa Katha, linggo-linggo kaming nagtitipon sa Heritage sa Cubao.  Naging magkakaibigan kami dahil sa komitment sa pagsulat at sa politika, parehong dumanas ang aming henerasyon ng isang dakilang kaganapan, ang People Power 1.  At sa panahon ng biyakan nga, nagkanya-kanyang landas ang mga kasamahan ko—ang iba ay naglie-low, iba ay pumunta sa rejectionist, ang iba ay nanatiling reaffirm, mga katawagan kung nanatili ba o tumiwalag sa kilusang pambansang demokratiko.

Wala na itong “bagahe” sa balikat ng henerasyon ni Omeng.  Maaari ngang makapagsulat sa labas ng kilusan dahil mismong sa henerasyon ko pati ang nauna sa amin ay nakakapagsulat at namamayagpag kahit wala ang pag-angkla sa isang organisadong kilusan.  Sa henerasyon ni Omeng, guniguni na lamang itong multong patuloy na nagpapakita sa aming henerasyon.  Marami sa kasabayan ko ay hindi ko pa rin nakikita, maliban sa Facebook.

Ang henerasyon ni Omeng ang pinakababad, so far, sa karanasan sa neoliberalismo.  Sabayan ng politikal na pagpaslang o pagpaslang sa journalists, halimbawa, ang pagkatayo ng second-generation malls, ang formasyon ng infrastrukturang pribatisado at komersyalisadong makakapagpabilis at makakapagpamahal ng biyahe, ang kultura ng impunity na sa lahat ng antas ng governance ay nagagawa ang hindi dapat ginagawa dahil nga may tasitong basbas ang politika ng patronahe, at ang gentrifikasyon dulot ng pagka-hire ng 200,000 mamamayan, karamihan ay kabataan, sa sunshine industry ng call center.

Kapag nagmaan-maangan o Ai-ai (I, me and myself) ang buhay, tila tahimik at OK naman ang direksyon ng pagkamamamayan sa bansa.  Pero hindi (dapat) sa manunulat na paratihan mas sensitibo, mapagbigkas at malikhain sa paglalahad ng akda bilang manifesto ng kanyang panahon, lipunan at pagkatao.  Gayunpaman, dahil sa kawalan ng over-arching politikal na agenda sa pagsulat sa henerasyong ito, hindi lang ito ang nawala kundi nagpapawala at winawalang henerasyon.

Kaya masasabing mas mahirap ang henerasyon ni Omeng na makapagsulat sa paraang kanilang tinutuklas at ginagawa.  Walang katiyakan ng (politikal na) comprehension grid sa resepsyon at pagbasa ng kanilang akda.