Fusion na pelikula


Rebyu ng Tambara (Orvil Bantayan, 2012)

Rebyu ng Tambara (Orvil Bantayan, 2012)

 

Noong Hunyo 29 hanggang Hulyo 3, 2012, idinaos ng Film Development Council of the Philippines ang unang Sineng Pambansa sa Davao City.  Mula sa mga 120 na isinubmiteng skript, pumili ng 15 para sa feature film—tiglima sa Luzon, Visayas at Mindanao–para pondohon, at 10 ang natapos at  naipalabas sa festival.

Ang isa sa nagustuhan kong pelikula pero hindi lubos na napansin ng iba pang hurado ay ang Tambara.  Halaw sa maikling kwento ni Macario Tiu, ito ay tungkol sa isang guro sa elementarya na may asawang nasa kabuwanan.  Simbolo ng makapangyarihang Katolisismo at modernismo, ang guro ay nabahala sa paggagamot ng shaman sa kinukumpuning kapilya.

Sa galit nito, pati ang tradisyunal na tambara (altar ng pag-aalay) ay sinira ng guro.  Nang magkaproblema sa panganganak ang kanyang asawa, at dahil na rin sa matinding buhos ng ulan, napilitan ang guro na dumulog sa shaman.  Ang shaman ay nakakapaghilom dahil sa pagkausap niya sa lumang cell phone kay Apo Sandawa, at napag-alaman nitong nagalit pala ang Apo dahil sinira ng guro ang tambara.

Pinagsayaw ng shaman ang guro sa buhos ng ulan para matanggal ang galit ng Apo.  Maayos ang pelikula, walang gaanong inobasyon sa porma pero nakapaglahad ng isang kwento mula sa rehiyon na ordinaryo’y hindi natin makikita sa iba pang pelikula.  Maging sa kasalukuyang indie cinema, tanging sina Sherad Anthony Sanchez, Teng Mangansakan, at Arnel Mardoquio ang nangunguna sa paglalahad ng mga imahen at kwento mula sa rehiyon.  Ipinapaako sa kanila ang bigat ng paglalahad ng kwento ng ka-Mindanao-wan.

Natatangi itong pelikula ni Orvil Bantayan–kasama ng tatlo pang pelikula mula sa Mindanao batch ng unang Sineng Pambansa—dahil sa pagdagsa ng mga kwento mula sa pinaka-under-represented na rehiyon sa boom ng indie cinema.  Gayunpaman, may dalawang isyu na dapat isaalang-alang sa mga pelikulang kalahok sa Sineng Pambansa.

Una, ang paghalaw at paggamit ng material mula sa rehiyon bilang impetus sa naratibo ng pelikula.  Sa kaso ng Tambara, ito ay galing sa panitikan mula sa manunulat ng rehiyon, at kailangang isalin ang akda sa audiovisual na media.  Ang kakayanan ng pelikula ay kapasidad nitong lumikha ng biswal na espasyo na ang familiar ay ginagawang hindi familiar.  O sa kaso ng under-represented na heograpiya, ang hindi familiar ay ginagawang kakaibang familiar.

Bagamat ang lokasyon, tao, at kaligiran ay sa mismong rehiyon ginawa, ang maiisip ay pwede rin itong probinsya ng Rizal, Nueva Ecija o Quezon.  Hindi natatangi ang lokalidad—ang visualisasyon—at kung gayon, ang pagpapadaloy ng material sa media ng pelikula.  Ang partikular na kahilingan sa non-Metro Manila na kwento at pelikula ay gawing integral ang audiovisualisasyon ng material.

Hindi sa antas na exotisismo na parang tarheta ng Department of Tourism kundi sa antas ng etnograpiya ng espasyo.  Ang naiisip ko rito ay ang audiovisualisasyon ng lunan ng dating Davao airport sa pelikula ni Sanchez at Robin Fardig, Balangay (2010) na nakapagpahiwatig ng kontradiksyon ng hindi pantay na pag-unlad at coming-into-being.

Ang kawing na isyu ay ang panitikang modalidad ng pelikula.  Ang Tambara ay lubos na sumandal sa kwento ni Tiu, hindi lubos na epektibong naisalin sa media ng pelikula ang tatlong dimensionalidad ng tauhan (biolohikal, saykolohikal, at panlipunan), at gaya ng nabanggit ang familiaridad ng unfamiliar na lokasyon at tagpuan ng kwento.

Ang ikalawang isyu ay ukol sa kakulangan ng pagsasalin ng kaalaman sa lugar, at higit sa lahat, sa tauhan na binibigyan-representasyon ng pelikula.  Kung ito ay pelikulang nakatagpo sa Metro Manila, maraming givens na hindi na kailangang talakayin.  Pero dahil ito ay rehiyonal na pelikula, maraming givens ang kailangang ilatag ng filmmaker:  sikolohiya ng shaman at kung bakit cell phone ang gamit nito sa paghihilom, panlipunang relasyon niya sa dayuhang guro at mga katutubo, pagdadalangtao sa liblib na lugar, at iba pa.

Sa pelikula, para ring dayuhan ang treatment sa mga detalye: na nabigyan pribilihiyado ay ang pagtatahi ng diegesis na nakaligtaan ang panlipunan at subhistorikal na motibasyon sa mga relasyong pinaunlad sa pelikula.  Nangangailangan, kung gayon, ng higit na pag-aaral sa komunidad para matumbok ang integral na motibasyon sa kwento sa pelikula, lalo na nga kung ito ay galing sa rehiyon.

Dapat isaalang-alang na ang media ng pelikula ay nakatuon tungo sa tampok na klimaktikong sitwasyon na magtatahi ng lahat-lahat ng elemento’t eksenang ipinaloob ng filmmaker.  Kung walang lubos na pagkalatag, walang lubos na dating ang climax, at malungkot man sabihin, ng kabuuang pelikula.

Ang potensyal ay hindi lubos na narerealisa, at ito ang panimulang panganib ng mga rehiyonal na filmmaker (pasensya na’t wala pang lubos na angkop na termino):  may atas na mas masinop na pag-aralan at isapelikula ang mga detalye’t elementong kalahok.  Kaya nga ito nakapaloob at pumapaloob sa nosyon ng sineng pambansa (national cinema) ay dahil ito ang hindi lubos na nabibigyan-representasyon sa kalakaran ng paggawa ng pelikula sa bansa.

Bago humayo’t gumawa ng pelikula, humayo’t pag-aralan muna ang lipunan pag-iinugan ng kwento ng pelikula.  Sa madaling salita, humayo at pag-aralan ang lipunan.