Oil price freeze hindi sapat, presyo dapat irolbak – KMU


“Hindi sapat ang price freeze sa mga produktong petrolyo. Dapat irolbak ang presyo.” Ito ang tugon ng sentro ng militanteng unyonismo na Kilusang Mayo Uno (KMU) sa oil price freeze ng malalaking kompanya ng langis. Panawagan ng grupo, dapat na irolbak ang presyo ng mga produktong petrolyo sa presyo nito bago ito nagtaas ng presyo […]

Baha sa Rizal. Habang nagaganap ito, nagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo ang mga kompanyang langis. (Macky Macaspac)
Baha sa Rizal. Habang nagaganap ito, nagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo ang mga kompanyang langis. (Macky Macaspac)
Baha sa Rizal. Habang nagaganap ito, nagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo ang mga kompanyang langis. (Macky Macaspac)

“Hindi sapat ang price freeze sa mga produktong petrolyo. Dapat irolbak ang presyo.”

Ito ang tugon ng sentro ng militanteng unyonismo na Kilusang Mayo Uno (KMU) sa oil price freeze ng malalaking kompanya ng langis. Panawagan ng grupo, dapat na irolbak ang presyo ng mga produktong petrolyo sa presyo nito bago ito nagtaas ng presyo noong Martes.

Kasagsagan noon ng pananalasa ng baha dulot ng ulan na dala ng hanging habagat.

Kamakailan, inanunsiyo ng mga kompanya ng langis na Shell, Petron, Chevron at Seaoil na hindi sila magtataas ng presyo sa susunod na linggo matapos silang magtaas ng presyo na aabot sa P0.80 noong Agosto 7. Nais daw tumulong ng mga kompanya sa hirap na dinaranas ng mga naapektuhan ng kalamidad sa Metro Manila at karatig probinsiya kaya sila nagpatupad ng oil price freeze o pagtigil muna sa pagtaas ng presyo ng langis.

Ngunit para sa KMU, kung nais magpakita ng pakikiisa ang mga kompanya ng langis sa kalagayan ng mga manggagawa at mamamayang sinalanta ng kalamidad, dapat umanong irolbak ang presyo sa dating presyo bago ang kalamidad.

“Kung tatanggi sila sa panawagang rolbak, lalabas na itong oil price freeze nila ay isang propaganda lamang para pahupain ang galit ng mamamayan dahil sa nakaraang pagtaas ng presyo,” ani Elmer Labog, tagapangulo ng KMU.

Sinabi rin ng grupo na tigilan na rin ng mga kompanya ng langis ang pananakot sa publiko na maaaring magkaroon ng kakulangan ng suplay at mga panibagong pagtaas ng presyo dulot ng malawakang pagbaha.

Sa pahayag sa midya, nagbabala ang kumpanyang Eastern Petroleum na magreresulta sa hoarding at ispekulasyon kung magkakaroon pa ng mga oil price freeze. Samantalang nagsabi naman ang Shell na may posibilidad na mawalan ng suplay ang mga nasa probinsiya dahil sa baha.

“Dapat tigilan nila ang pananakot sa publiko. ’Yung mga mahihirap ang nadagdagan ang hirap sa pagtaas nila ng presyo noong Martes, samantalang hindi naman nabawasan ang malaking tubo ng mga kompanya,” ani Labog.

Dagdag pa ng grupo, matagal nang may nagaganap na overpricing sa mga produktong petrolyo lalo na  sa pagpapatupad ng Oil Dergulaliton Law noong 1998.

Ayon sa KMU, overpriced umano ang presyo ng diesel ng aabot sa P7.86 kada litro at P16.18 kada litro naman sa gasolina bago matapos ang buwan ng Mayo.